KAPAG pera ang pinag-uusapan, nakaka-stress di ba?
Hindi. Hindi lamang yung personal mong salapi ang tinutukoy ko dito, bagamat syempre hindi pwedeng hindi maging bahagi ng personal na pananalapi ang usapin ng pambansang badyet ng alinmang sangay ng ating gobyerno.
Di ba nga madalas nating marinig sa ating mga magulang ang hinaing na, “mahirap magbadyet.” Gayundin sa NGO na pinapasukan ko, ang reminder lagi ng aming executive director ay maging masinop dahil hindi madaling magkapondo ang bawat organisasyon, kailangan ng track record, hard work at integridad. Nakabatay ang badyet sa kung magkano ang naitabi o kinita ng ng organisasyon, at kailangang ipagpatuloy ang adbokasiya may sapat mang pera o wala.
Ang pagiging masinop sa badyet ay nagsisimula sa maliliit na bagay: sa hindi pagtangay ng bolpen, coupon bond at alinmang pag-aari ng iyong opisina. Nagsisimula ito sa pagmamalasakit sa kalagayan ng mga ipinagkatiwala sa iyong mga gamit, equipment, salapi, piso-piso man yan o nasa milyones.
Ang pambansang badyet, samantala, ay nakabatay sa rebenyu na nakukuha ng pamahalaan mula sa mga taxpayers: indibidwal, negosyo, industriya, kalakal. Ang bawat badyet ng mga sangay ng gobyerno ay inaasahang mailalapat ng tama sa anyo ng serbisyong panlipunan. May mga sangay ng gobyerno na naatasang magbantay dito upang matiyak na ito ay nailalaan sa tama.
Kamakailan ay umusok sa balitaktakan ang Kongreso kaugnay ng pandinig sa budget ng Office of the Vice President (OVP).
Ang “tarayan” nina Senador Riza Hontiveros at VP Sarah Duterte ay maituturing na tila “childish acts” na punong-puno ng patutsadahan, bullying at asaran. Halata ang resentment ng bawat panig, lalo na sa panig ng bise-presidente na mayroon pang panunumbat sa diumano ay naitulong niya sa kandidatura ng senador.
“Out of order” kung tutuusin dahil ang pokus ng deliberasyon ay “budget.” Pero gaya natin, tao lang ang mga halal nating mga opisyal. Sa kasamaang-palad, hindi sila immune sa baluktot at mapaminsalang emosyon, hindi nila pirming napapairal ang propesyonalismo sa bawat pagkakataon.
Tila may kutob ang OVP na iniipit ang kanyang badyet. Pero teka, masisisi ba ang mga mambababatas at publiko na maghigpit dahil hanggang ngayon ay hindi malinaw kung saan nagastos ang Confidential Intelligence Funds (CIF)na nagamit? nawala? nalustay? sa loob lamang ng 11 araw?
Well, ang CFI naman kasi ay literal na money in a silver platter. Confidential eh, kaya mahirap i-audit at panagutin ang naging recipient nito. Ito ang perang ginamit ng mga nasa gobyerno upang makaag-surveillance at ipatupad ang ilang pasistang taktika laban sa mga kritiko ng pamahalaan. Ito yung perang gamit sa pagre-redtag ng mga aktibista.
Mabuti na lamang at may mga natitirang oposisyon sa Kongreso na marubdob lumaban upang mangibabaw ang pressure mula sa publiko at mapilitan ang lehislatura na pakinggan ang clamor ng publiko na ibigay ang pondo sa ibang ahensiyang higit na nangangailangan. Dapat talaga ay tanggalin na ang tinatawag nilang confidential intelligence funds, lalo pa at taliwas ito sa mandato ng Konstitusyon na “transparency in government spending.”
Namamangha ka pa ba na dumausdos ang popularidad ni VP Duterte? Hindi maganda, maging sa perspektibo ng ordinaryong mamamayan, ang manghihingi ng sobra-sobrang badyet samantalang mas kinakailangan ang pambansang paghihigpit ng sinturon dahil sa implasyon.
Hindi honorable para sa isang public official ang magpakita ng kawalan ng empathy sa sambayanag Pilipino na binubusabos ng malawak na kahirapan. Ang matinding kahirapan ay direktang resulta ng iresponsableng paggamit sa pondong ipinagkatiwala ng mga mamamayan.
Manatiling mapagbantay sa mga deliberasyon sa Kongreso sa usaping may kinalaman sa pambansang badyet. Sigurudin nating gawing prayoridad ng lehislatura ang badyet para sa pambansang kagalingan, hindi para sa bulsa ng mga nasa kapangyarihan. We commit the heinous crime of misuse of governnment funds when we steal from our very own people.
It is unforgivable.