Teacher ako, pandemic ka lang

(Editor’s note: Binubuksan ng PinoyPubliko ang section na ito para sa lahat ng mga guro na nais mag-contribute ng kanilang opinyon, reaksyon, saloobin, komentaryo hinggil sa buhay-titser at iba pang maiinit na isyu ng buhay at lipunan. Maaring ipadala ang inyong artikulo na hindi lalagpas sa 500 salita via email sa [email protected] o sa Facebook messenger @PinoyPubliko.)

TEACHER ako at naniniwala na lahat tayo ay may karapatang magkaroon ng edukasyon–edukasyon na magiging sandigan tungo sa tagumpay ng ating mga mag-aaral. Ang tagumpay nilang maitawid ang isang taong panuruan ay maituturing na tagumpay ko; nating mga guro.

Ang sakripisyo, paninindigan at pananalig sa Poong Maykapal ay ilan lamang sa mga salik na kinonsidera ko bilang isang guro– kung papaano maiibsan ang mga problemang kakaharapin pa sa pagsuong sa hamon ng pandemyang ito.

Isang taon na nang nakaramdam ako ng kaba, lungkot, at kaunting depresyon dahil sa nararanasan nating problema. Lahat tayo’y may kasama subalit ‘di natin nakikita ang kalaban ng bayan.

Mahirap tanggapin sa una dahil nasanay tayo sa normal nating buhay. Kung saan ating nagagawa ang mga bagay nang walang restriksyon, walang kaba, walang lungkot; nang walang pandemya.

Dinadalaw pa rin ako ng lungkot at takot, nang posibilidad na hindi na makabalik sa normal na pamumuhay.

Nasanay na ako sa mga batang nasa silid-aralan, nagtuturo, nagbibigay ng kaalaman, nagtse-chek ng papel, nagsusulat sa blackboard, nagpapa-recitation, nagpapa- group activity, nakikita ang mga estudyanteng nagsusulat sa kanilang notebook, nagdidisiplina, at nagsasaway sa mga estudyanteng makukulit at mga pasaway.

Nakaka-miss ang mga gawaing ito bilang isang guro na naglalayong matuto at madisiplina ang mga bata. Mahirap isipin kung paano makababalik sa dating gawi at pamamaraan – mga gawaing pang-guro.

TikToker

Dahil dito, naging hobby at sandigan ko ang Tiktok. Natutuhang gamitin ito at makapagpasaya sa iba. Sa ngayon, ‘di ko namamalayan na dumarami na ang aking followers at likes.

Napaparami tuloy ang nagagawang kong mga videos, at napapasaya ko ang mga tao dahil sa aking talent sa pagtitiktok.

“Ang Teacher Tiktokerist ng East Verdant” yan ang naging title ko sa kanila.

Feeling ko, ito ay isang paraan upang mapasaya ang mga taong nanonood ng aking mga videos. Dumami ang mga taong nakangiti, nakalilimutan saglit ang mga problema, kasama na rito ang kalaban natin na ‘di nakikita– ang pandemya.

Mahalaga na hawakan ko ang natitira kong hinahon upang hindi ako lamunin ng buo ng depresyon. Dahil tunay na hindi nasusukat ang dalamhati kapag nawalan ng maraming bagay sa buhay– ng trabaho, relasyon, at higit lalo ng buhay ng ating minamahal. Hindi na makilala ngayon ang makatwiran at makatarungan. Parang isang laro, matira ang matibay, at lumalabas ang natural sa mga tao.

Sa pandemyang ito, marami sa ating mga karaniwang gawain ang nagbago. Natuto tayong kontrolin ang ating sarili alang-alang sa ating kalusugan. Natuto tayong magpahalaga sa munting bagay. Naging mapanuri sa mga gawain lalo’t higit sa pangkalusugan. Maraming nagbago, maraming binago, maraming nawalan, at milyon ang mga namatayan.

Gusto kong makita ang magandang kinalabasan ng pandemyang ito. Ngunit nadadaig ako ng pagkabahala na ‘di na muling magagawa ang kinamihasnan. Naaalala ko ang mga mag-aaral at mga kasamahan. Mataas din ang lebel ng aking takot at pag-aalala sa “kung paano na ang mga susunod na araw.”

Hindi ko maiwasan ang makaramdam ng pagkabalisa, kahit pa ipaalala ko sa sarili na maraming umaasa sa akin. Na bread winner ako at gustong tulungan lahat ng kapatid at mga pamangkin, na kahit kaunting halaga ay mayroon akong naibabahagi sa aking pamilya at makatulong sa mga nangangailangan.

Bilang guro, marami akong webinars na sinalihan at dinaluhan na inilunsad ng ahensyang aking kinabibilangan. Mula sa mga free webinar online at sa iba pang oportunidad na maaaring makalahok ang tulad kong guro, marami akong natutuhan lalong-lalo na sa aspekto ng teknolohiya, na isang paraan upang maisakatuparan ang pagtuturo sa mga bata ngayon.

Naging malaking tulong din ang mga dagdag na kaalamang ito hindi lamang sa akin, kun’di pati rin sa iba ko pang mga kasamang guro. At matapos ang isang taong pagtuturo sa mga bata, na noong una ay parang maraming tanong kung paano mangyayari, niyakap ko ang bagong normal sa buhay at maging sa aking pagtuturo. Naging positibo rin ang lahat at nabawasan ang pangamba dulot ng virus.

Naging mas makabuluhan din ang aking mga napatunayan at nagawa nang mapasali ako sa isang samahan ng mga guro na ang layunin ay magbahagi ng tulong sa abot ng makakaya. Na gustong palakasin ang loob ng bawat isa sapagkat alam naming pare-pareho kaming may mga pangamba.

‘Itlog ko, Alay ko’

At dahil mas nangingibabaw ang kusang-loob na pagtulong at pagbabahagi lalo na sa mga mag-aaral, kapwa guro, at maging sa komunidad, hindi ko na rin inalintana pa ang salot na dulot ng virus. Ang mga karanasan ito tulad ng pagsali sa ganitong gawain ng mga guro ay napakalaking hudyat sa akin upang ipagpatuloy ang adhikaing tumulong sa kapwa.

Natutuhan kong magbigay ng kahit kaunting tulong na siyang nakapagpapasaya sa mga nakatatanggap.

Ang unang feeding program ng samahan ay naging matagumpay dahilsa kooperasyon ng mga mga opisyal at miyembro. Layunin nitong makapagbigay ng pagkain at pangangailangan sa mga taong nasunugan sa aming komunidad.

Naglunsad din ako ng proyektong “Itlog ko, Alay ko” na naging kontrobersyal dahil sa pangalan. Natatawa man kami dahil sa pangalan nito, napakasarap pa ring tingnan ang bunga nito dahil sa mga batang napakain at nabigyan namin ng kaunting kasiyahan na ‘di mabibili kahit magkano.

Marami ako at kaming makabuluhang gawaing naisakatuparan sa kabila ng pandemya at naging tuloy-tuloy pa ito hanggang sa kasalukuyan. Sa kabila ng lahat na dinanas ko, nating lahat, napagtanto kong marami pa rin akong dapat ipagpasalamat.

Benepisyo at pasasalamat

Bilang guro, may sigurado akong trabaho at mapagkukunan ng ikabubuhay ng aking pamilya– ang patuloy na pagtatamasa ko ng mga benepisyo mula sa aking propesyon.

Naalala ko pa ang aking sweldo noon na mula sa pagiging Teacher I hanggang naging Teacher III, at ngayon ay Master Teacher I na may buwanang sweldo na P43,681.00 ngayong taon, na maaari pang umabot ng hanggang P46,725 sa 2023, base na rin sa Salary Standardization Law of 2019, na mahahati rin sa apat na tranches. Dagdag pa rito ang mga benepisyo at allowances na mula sa budget ng taong 2021.

Malaking tulong din ang clothing allowance na may halagang P6,000, mid-year bonus na isang buwang sweldo na natanggap ko na pareho noong nakaraang March at May ngayong taon.

Mayroon ding Personnel Economic Relief Allowance (PERA) na P2,000at may parating pang P1,000 para sa incentives ng mga guro sa pagdiriwang ng World Teachers Day. At maging ang year-end bonus ulit na malapit ko nang matanggap sa darating na October 31.

Maraming iba pang benepisyo at allowances ang guro na hindi ko na nabanggit dahil sa baka hindi magkasya sa espasyong inilaan ko.

Masaya at mahirap ang maging guro, lalo na ngayong panahon. Pero naniniwala akong hindi tumitigil ang gobyerno, maging ang sektor ng edukasyon, ang DepEd, na kamitin sa abot ng makakaya ng mga opisyal nito, na marinig ang tinig ng mga guro at maipaabot ang hinaing ng mga guro – higit lalo ang mga gurong kanyang pinaglilingkuran.

Mas higit din ang pag-aalala ko sa dumaraming Pilipinong walang trabaho ngayon. Maging sa mga taong nakararamdan ng paghihigpit ng sinturon na dati nama’y ‘di nila nararanasan.

Mas marami sa kanila na tumatanggap ng kahit anong trabaho basta’t may pagkakitaan. Marami sa kanila ang namamalimos na rin ngayon. Kaya naisip ko at lagi ko ring pinasasalamatan na mapalad ako dahil hindi ko pa nararanasan ang ganitong sitwasyon.

Kailangan nating huminga.

Lagi kong iniisip na marami pa akong magagawa bilang isang guro na hindi mahahadlangan ng pandemyang ito. Marami pang oras akong bubunuin para mapagtagumpayan ang pagtuturo ko ngayon sa new normal; sa bagong taong panuruan. Isa na namang hamon ngunit, HINDI AKO KAILANMAN SUSUKO!

Teacher ako, pandemya ka lang.

Ngayon sa lahat ng mga natutunan ko sa webinars, palagay ko, ito ang magsisilbing gabay at pag-angkop sa mga teknolohiyang kinakailangan natin bilang isang guro.

We must embrace it, adopt it, and goes beyond it.

(Si Darwin P. Calimlim ay Master Teacher 1 sa Las Piñas East National High School. May 20 taon na siyang nagtuturo sa pampublikong paaralan. Bago ito, tatlong taon muna siyang nagturo sa pribadong paaralan.)