MALL lover ka rin ba or hilig lang talaga mag-malling?
Comfort at convenience.
Sa tropical country tulad ng Pilipinas na naglalagablab ang heat index, oasis sa disyerto ang malls.
Malamig na at hindi na lang siya basta one-stop-shop, kundi all-in-one package pa ang ino-offer ng malls sa consumers.
Bukod sa usual department stores, supermarkets, boutiques, food and cafe centers, entertainment centers at specialty stores, meron na ring spaces for worship, greenscapes, art galleries, concert and sports halls, wellness clinics at diagnostic centers, business centers at ang matindi pa rito, idinudugtong na sa malls ang mga condominium, high-rise buildings para financial at corporate headquarters.
Lahat ng hanap at kailangan mo, meron na ang malls para di ka na lumayo, gumastos at mapagod sa mahabang oras ng pamimili, pagsimba, lab test, manood ng SB19 concert o mag-spa.
Kung dati, itsurang kahon ng sapatos lang na rectangular ang cut, ngayon level-up sa architectural design ang mga mall para makaakit pa ng mas maraming customers.
Ginawa na ring parang bus-stops ang malls pagdating sa elevated mass transit system tulad ng MRT at LRT para pagbaba ng mga pasahero, diretso na sila sa malls.
Naglaan na rin sila ng spaces para sa transportation terminals na bukod sa buses, taxis, SUV express at jeep, pati tricycle pasok na rin sa terminal.
Kaya kahit saang singit at eskinita ka pa ng bayan at suburbs nakatira, siguradong may sundo-hatid sa iyo papunta at pagkagaling sa malls. Lupet.Yan ang hatid ng mga mall kaya marami ang nahuhumaling dito man sa Pilipinas o sa ibang bansa.
City within a city.
Hindi nakapagtataka na as of April 20, 2024 merong 4,709 shopping malls sa Pilipinas? Ayon yan sa Smartscrapers.
Sa listahan nga ng MagicBricks (May 29, 2024) at Luxe Digital (February 4, 2024), pasok ang SM Mall of Asia at SM Megamall sa Top 10 Biggest Malls in the World. Sa Rank Red (March 27, 2024) nga, dominante ang limang SM malls sa Top 20 largest malls in the world, kasama riyan ang SM Tianjin sa China.
Minsan na rin akong nagtrabaho sa loob ng mall. Nasa college ako at working student.
Bagger at gift wrapper ako sa Shoppers’ World Department Store sa Harrison Plaza sa Manila.
Taga-balot ng mga pinamili ng mga customer.
Hindi biro ang tumayo maghapon sa counter. Nakakangawit sa mga binti.
Kapag holidays tulad ng Christmas rush na marami ang nagpapa-gift wrap, shit happens. Minsan napagpalit ko ang items ng dalawang magkaibang customers na nagpa-gift wrap ng parehong items.
Pina-page namin sila, hinabol ko ang isang nakalabas na ng store at papasakay ng kotse. Nang nalaman ng babae na iba ang bitbit, natikman kong sigawan at murahin ng isang conyo.
Sabi ko, “ma’am hindi ko po sadyang mapagpalit ang items nyo at nagsorry na ako, bakit nyo po kailangang sumigaw at magmura e wala namang mabigat na perwisyo sa inyo dahil naihabol ko pa ang item.?”
Lalong nagalit, sumasagot-sagot pa raw ako, irereklamo raw ako pero inawat ng kasama dahil may okasyon pa silang pupuntahan. 10 pake.
Pero para sa akin ang pinakamatinding hamon sa counter work ay nang may nagpa-giftwrap ng higanteng teddy bear. Hindi ito tulad ng mga damit na ordinaryong kahon na madaling balutin.
Ang teddy bear na kasing-taas ko, walang kahon para riyan. Ang malala, wala siyang korte, hindi siya square o bilog. Eto, merong ilong, paa, kamay, etc kaya mahirap siyang i-gift wrap, Ilang wrapper din ang pagdudugtong-dugtungin at may nabubutas pa habang binabalot kaya kaltas sa sahod ko.
Walang math equation dito o physics na magso-solve dito, lol!
Lahat ng kasama ko busy rin dahil mahaba ang pila ng nagpapa-gift wrap kaya walang pwedeng tumulong sa akin.
Si operations manager ay biglang umasiste sa akin,
Foreigner pa naman ang may-ari ng item, gusto kong magpasikat dahil malaki mag-tip ang dayuhan kaya sagad ang imahinasyon ko rito kahit nairaos ko. Kainis yan. Sa breaktime, kailangan mabilis ako puntang canteen na isang mahaba pero makitid na space sa dep’t. store.
Otherwise, wala akong mapupwestuhan. Hindi rin naman ganun kasarap ang luto kaya kadalasan nagbabaon kami ng nanay na bisor sa ladies dep’t. stockroom.
Workmates ko rin pala ang dalawang ate ko – isa ay sales clerk sa denims section habang ang isa ay cashier naman.
Pag uwian na, dasal ko parati na walang late shopper dahil mangungulelat ako sa pila sa guard na lahat ng gamit hahalungkatin, na parang may ninakaw ako.
Dusa pumasok ng maaga at umuwi ng gabi.
Mula Espana puntang Harrison Plaza ay kumakain na ng isang oras dahil sa traffic. E pag-uwi ay ganun din naman.
Stressed na noon sa traffic at baha pag tag-ulan – either malusaw ka sa init o manigas ka lamig dulot ng malakas na ulan pag bagyo at ma-stranded dahil lubog sa baha ang daraanan ko – Mabini, Quiapo, UST.
Buti na lang kahit papaano, may konsiderasyon sa manggagawa ang operations manager naming Chinese at alam niya ang stand ko sa labor. Kino-konsulta nya ako sa labor pay issues.
Nag-introduce ako sa kanya ng work evaluation system na gagawing basis sa pay increases at incentives system.
Wala akong alam sa labor ek-ek noon, imbento ko lang ang content at pamamaraan ng work evaluation pero ni-research at inaral ko naman yun base sa takbo ng trabaho namin.
Walang unyon noon pero napag-uusapan yan ng mga kapwa ko manggagawa.
Naalala ko nung wala na ako sa dep’t store, nagbuo ng unyon ang mga kasamahan ko at nagtirik pa ng picket line.
Medyo nasubaybayan ko yan kasi lumipat lang ako ng trabaho sa Central Bank, sa tawid ng Harrison Plaza.
Pag break time, ikot-ikot lang sa mall, nakaka-meet ng kapuwa mall workers na mga Marites din sa sahod namin.
Dun ko nga nalaman na karamihan sa tenants na boutiques, food stalls, at iba pa ay hindi nagpapasahod ng minimum.
Kapag napapasyal ako sa mga mall ngayon at nakakakwentuhan ko ang mga nagtatrabaho sa mga tenant, ganyan pa rin ang sistema – below minimum, walang SSS, walang ibang benepisyo, contractual forever.
Hindi ba’t sa dami ng manggagawa ng SM malls, binansagang King of Contractualization ang pumanaw na si Henry Sy.
Sadness. Dahil dyan, nabago ang pananaw ko sa malls.
Maaaring hindi alam o walang pake ang karamihan, na sa likod ng dambuhala at magagandang malls, libo-libo ang nagpapaka-bayani para makapagbigay lang ng topnotch na serbisyo sa customers.
Sa likod ng kanilang mga ngiti ay pasakit at feeling ng uncertainty na after five months, jobless ulit.
Bayani dahil nagsasakripisyo sila para may pagkain sa kanilang hapag-kainan sa kani-kanilang pamilya.
Ang malls na yata ang pinabonggang tanggulan ng trabahong mapang-alipin at simbolo ng patuloy na pagsasamantala ng malalaking kapitalista sa manggagawang Pilipino.
Hindi dahil may 4, 709 malls sa buong bansa ay senyales ng progreso. Siguro, pag-unlad ng mga iilang mall tycoons, pero hindi ng mga manggagawa sa malls.
Except sa ginhawa ng aircon at easy mamili dahil nasa iisang roof ang lahat ng pwedeng kailangan, hindi nadarama ng ordinaryong Pinoy ang asenso sa buhay nila dahil libo-libo ang malls.
Pinalawak pa nga nito ang gap ng pinakamayayaman at pinakamahihirap sa Pilipinas.Kaya next time, pag nagka-problema kayo sa serbisyo ng nagtatrabaho sa cafe, fastfood, department store o supermarket, pakiusap, unawain po natin – baka heartbroken dahil epic fail sa nililigawan, char! Maaaring pagod na sila, o baguhan, o may ibang pinagdaraanan.