IBANG klase talaga ang pulitika sa Pilipinas. And lately nagiging weird na ang mga supporters.
Isang halimbawa ang kaso ni Davao City Mayor Sara Duterte.
Ngayon lang ako nakakita ng politiko na nagmamakaawa ang malaking bahagi ng taumbayan para siya ay tumakbo.
Ang weird pa rito, ayaw nung politiko gawin ang hiling ng taumbayan. Mas gusto pa ni Sara na maging mayor ng Davao imbes na maging Presidente ng Pilipinas.
Sa totoo lang, base sa lahat ng survey, formal or informal, kung ngayon gagawin ang eleksiyon ay malamang manalo si Sara.
Pero, eto ang mas weird. Nagagalit ang mga supporters ni Sara ngayon dahil paasa daw ang mayor ng Davao. Nabibitin daw sila sa urong-sulong na pagporma ng anak ng Pangulo.
Sa totoo lang, consistent si Mayor Sara sa kanyang pahayag na hindi siya tatakbong Presidente at paulit-ulit niyang sinasabi ito.
Pero dahil makulit din ang media kaka-speculate na “may posibilidad” na magbago ang isip ni Sara, nalilito tuloy ang tao.
Minsan kasi, sa bansa natin mas marunong pa ang media sa sinasabi ng subject nila eh.
Pero hindi ba? Ang weird natin ngayon?
Nagtatampo tayo sa paborito nating kandidato dahil ayaw niyang tumakbo sa puwestong pinili natin para sa kanya.
Para tayong magulang na pinipilit yung anak ng kapitbahay natin na kunin ang kurso sa kolehiyo na gusto natin.
Ang weird!