Tagabayad-utang

PAALIS na nga lang, humirit pa si outgoing President Duterte ng loan sa World Bank na nasa $178.1 milyon o humigit-kumulang P9,776,739,356 batay sa kasalukuyang palitan na P54.9255 kada dolyar.

Maganda naman ang intensiyon niya sa pangungutang dahil ilalaan umano ito sa pagsugpo ng malnutrisyon sa kabataan. Isa itong multisectoral project na ang tinitingnang magpapatupad ay ang Department of Health (DOH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Aasahan kaya natin ang pagbaha ng mga pagkaing fortified gaya noong mga nakaraang administrasyon sa ilalim ni dating Ferdinand Marcos Sr. at Fidel V. Ramos?  

Batay sa loan directive ng WB, ang pautang “will increase the utilization of a package of nutrition-specific and nutrition-sensitive interventions and improve key behaviors and practices known to reduce stunting in targeted local governments.”

May pag-aaral na noong nakaraang mga taon, halos 30 porsyento ng mga batang Pinoy na edad lima pababa ay hindi lumaki nang ayon sa normal na laki o stunted.

Panibagong dagdag sa kasalukuyang 12 Trillion na foreign debt ng Pilipinas ang naturang bagong utang ng paalis na pangulong Duterte.  

Ang sarap sigurong umutang para sa makabuluhang intensiyon, pero nakakalula ang halaga at hindi ang mismong umutang ang magbabayad nito kundi bawat isa sa kabuuang 113.80 milyong Pinoy na nabububuhay sa kasalukuyan, ang kanilang mga anak, ang anak ng kanilang mga anak, at kaapo-apuhan.  

Iyan ang pribilehiyo ng Pangulo, ang magdesisyon para sa bansa. Arkitekto siya ng economic policies na ipatutupad. Kesehodang kung saan mailagak sa tunay na buhay ang salaping inutang kung saan isinangkalan ang kinabukasan ng sambayanan.

Mainam sana kung ang Pangulo ay may napakabusilak na intensiyon at walang interes sa kaban ng bayan. Kaso hindi ganyan ang kalakaran sa materyalistiko at makamundong uniberso.  

Sa pagpasok ni President-elect Ferdinand Marcos Jr., nakikini-kinita rin ang planong pangungutang upang may pondo sa ipinangakong P20 na presyo ng bigas kada kilo. Kailangan din ang malaking pondong pang subsidy sa maraming sektor ng lipunan na umaaray sa mataas na presyuhan ng mga batayang pangangailangan at bilihin.

Sa ngayon ay marami pang ahensiyang pampinansiyal na handang magpautang sa Pinas. Bakit nga naman hindi e maayos naman itong magbayad ng interes sa pautang. Sa katunayan, ito ang inuuna niyang tuparin, kahit ano pa ang prayoridad na dapat sanang inuuna, gaya ng dagdag sahod, libreng health service, pabahay, etsetera. Naisasantabi ng gobyerno ang mga serbisyong pampubliko dahil sa pagtupad ng kondisyon ng tagapautang.

Ang halagang ginagamit sa debt service ay dapat sanang nailalaan sa pampublikong serbisyo.

Habang madali ang umutang sa kanila, ang kawawang mamamayang Pilipino ang dumaranas ng epekto ng kanilang walang humpay na pangungutang. Nararanasan ito sa pamamagitan ng mataas na implasyon at depisito, na nauuwi sa pagtaas ng maraming bilihin, pagbagsak ng halaga ng piso at kaakibat na pagbagsak ng kaledad ng pamumuhay.

Pag-alis nila sa puwesto, hayahay ang nagiging buhay. Baon ang napakaraming “regalo” sa pagiging opisyal ng pamahaan. Habang si Juan, kailangang maghanda lagi para sa mga bayarin. Tagabayad-utang si Juan; tagawaldas silang makapangyarihan.  

Na-bankrupt na ang Sri Lanka. Nagprotesta sa lansangan ang mga mamamayan; teargas at pananakit ang isinagot sa kanila. Parehong-pareho sa pattern ng debt borrowings ng Pinas. At sa kung paano rumisponde ang pamahalaan sa mga dissenters.

Isinisisi ba natin lagi ang kahirapan sa gobyerno?

Hindi.

Kinikilala natin ang mga ibang salik gaya ng giyera sa Ukraine na nakaaapekto sa presyuhan ng langis sa pandaigdigang merkado. Kinikilala natin na nagkaroon ng COVID pandemic at naging bulnerable tayong lahat, maging ang gobyerno.

Pero ang naging pagkukulang natin ay ang hindi pagkibo sa mga lantarang pangungulimbat, sa mga maanomalyang kontrata gaya ng sa PhilHealth at Pharmally. Higit sa lahat, ang hindi pagposisyon sa utang-panlabas.

Kumibo tayo marahil pero hindi buong lakas. Maging ang mga inihalal natin sa lehislatura ay naging robot na tagasunod ng mga korap sa pamahalaan.

Ang hamon ay hanggang saan, hanggang kelan ang ating pagtitiis?

Hangga’t hindi tayo hinog sa matinding patriotismo, mananatiling lugmok ang bansa, at tayo bilang mga mamamayan, ay alipin na walang magawa.

Magpapatuloy ang papel natin bilang taga bayad-utang ng mga kinulimbat ng mga buwitreng nagpapakasasa sa kaban ng bayan. 






Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]