Noong bata pa ako, ang aming maliit pa na pamilya noong dekada 70 ay mayroong maliit na pinagkakakitaan. Ito ang supot. Opo, supot na gawa sa papel na aming hinahango noon sa mga bodega ng scrap na papel na galing naman sa mga opisina at iba pang mga establisimyento. Karaniwan naming binibili ay mga libro, magazine, lumang directory atbp.
Binibili namin ang mga scrap por kilo bago pa man i-proseso at dalhin sa tunawan ng papel. Bukod pa sa recycled na papel na ginagawa naming supot, mayroon din kaming mga brown na papel na ginagawa rin naming supot at inilalako namin sa mga bakery at sa mga tindahan ng bigas, gulay at iba pang paninda mula sa Nepa Q-Mart hanggang sa bandang Malabon.
Ang nakikita ninyong mga brown (kulay kayumanggi) na supot sa mga grocery at ilang tindahan ay kapareho ng supot na aming ginagawa. Pero hindi yun recycled.
Ang recycled na ginagawa naming supot (at mas mura) ay karaniwang mga coated na magazine at machine cut na directory. Ang iba ay mga gamit na bond paper at office supplies.
Simple lang ang proseso nito; katulad halimbawa ng telephone directory, hahatiin namin sa tig-50 piraso, titiklupin at isasalansan bago lagyan ng gawgaw at muling titiklupin ang magkabilang dulo. Ang proseso nito ay katulad din brown na grocery bag subalit di hamak na mas mahal ito kapag ibinenta na.
At opo, ang aking butihing ina ang isa sa mga pioneer ng recycling ng papel sa Metro Manila at hindi ko ikinahihiya na ikwento na minsan ay pioneer kami sa recycling noong mga panahon na hindi pa politically correct ang katagang ito. Marami siyang “kumare” na na- recruit sa kanyang maliit na kabuhayan at yung iba pa nga ay nakapagtinda pa nga sa Clover Leaf Market dyan sa Balintawak.
Madaling araw ang umpisa sa manininda sa palengke kaya’t alas tres pa lang ng umaga ay dadalhin na namin ang produkto sa pwesto at doon ay kusa nang darating ang mga suki galing sa mga bigasan, gulayan at prutas. Hindi naming suki ang wet market dahil plastic bag ang ginagamit nila.
Minsan naman dalawang beses isang linggo at nagde-deliver kasi sa Malabon, Q-Mart at Monumento sa mga piling suki. Ang pinaka paborito ko ay ang bakery sa Malabon na malapit lamang sa Munisipyo dahil pagkatapos naming mag deliver ay may discounted na kaming tinapay na paninda ng bakery. Natatandaan ko rin na noong araw, ang binabaybay ng aming inarkilang tricycle mula Sangandaan hanggang Malabon ay palaisdaan pa.
Dahil sa paglobo ng populasyon sa Metro Manila gawa ng di maayos na migrasyon sa Kamaynilaan noong dekada Otsenta, ang dating palaisdaan na tawag naming dagat-dagatan ay isa na ngayon komunidad ng tao kahalo ang mga bodega at pabrika.
Pero sa lahat ng maliit na negosyo (kung negosyo ngang maituturing ang paggawa ng supot) hindi maiiwasan na magkaroon ng mga karibal. Simula ng mauso ang plastic cellophane, unti-unting nawala ang aming merkado at tuluyan nang pinatay ang supot na gawa sa papel. Bukod kasi sa mas mura, ang plastic na cellophane ay bagay sa anumang uri at laki ng produkto.
Hindi natin maikakaila na marami ang naging ambag ng plastic sa ating pang-araw-araw na buhay. Walang bagay sa ating mga kabahayan at sa paligid ang hindi nangangailangan ng plastic. Ultimong ang lalagyan ng tubig na ating iniinom ay gawa sa single use plastic. Isama mo pa ang exponential na pagdami ng mga Styrofoam na gamit ng mga fastfood chain.
Bagama’t malaki ang naitutulong nito sa ating pang araw-araw na buhay tsaka lamang natin na realize ang masamang epekto nito sa ating buhay kapagdaka dahil kasabay ng pagdami ng tao at sa pagiging palaasa natin sa plastic may kaakibat din itong babala sa kalusugan ng ating eco-system.
At dahil tag-ulan na magandang buksan ang isyu sa plastic, ang masamang dulot nito at kung paano natin bubuksan ang usapan sa tamang paggamit hanggang sa disposal at recycling. Malaking bagay ang pagpasok ng edukasyon sa tamang paggamit ng plastic at kung paano ang sistema sa disposal ay maging isang paraan ng ating pamumuhay.
Marami nang pamamaraan ang mga ipinatupad ng gobyerno kaagapay ang mga advocacy groups at private sector upang mas mapaliit pa lalo ang kumakalat na plastic na karaniwang itinatapon lamang sa kapaligiran lalo na yung mga plastic bottle, sachet, plastic bag, Styrofoam at iba pang mga pakete. Natutuwa naman ako na mayroon nang mga segregation area para sa recycling at malaki pa ang puwang para palawigin pa ito.
Mas higit akong natuwa nang makita kong muli sa mga grocery at mga tindahan ang mga pulumpon ng mga brown paper bag kapalit ng plastic. Sa ngayon kasi pumaimbulog na muli ang supot (paper bag) kaya’t kapag ako ay bumibili sa grocery o sa tindahan, napapakwento tuloy ako sa mga tindera at mga kahera na ang paggawa ng supot ay minsan nang naging bahagi ng aking buhay.