Sotto at Ping, ‘bastonero’ ng Palasyo sa impeachment ni Sara

NGAYON pa lang, marami ang nagsasabing ‘guilty verdict’ ang inaaasahang impeachment complaint  na isasampa sa Senado laban kay Vice President Sara Duterte sa ilalim ng pamumuno ni Senate President Tito Sotto kabilang na ang best friend nitong si Senate Pro Tempore Ping Lacson.

Halata ang galawan ng dalawang senador lalu na nang kwestyunin ni Sotto ang Korte Suprema sa desisyon nitong ideklarang unconstitutional ang naunang impeachment complaint laban kay Sara. 

Ang reklamo ni Sotto laban sa nasabing Supreme Court Resolution ay lumalabas na panawagan na magkaroon ng Charter Change para mapigilan ang Korte Suprema sa pagdagdag ng mga requirements ng isang impeachment complaint. 

Pero para sa ibang senador, ang isinusulong na Charter Change ay halatang diskarte raw ni Sotto dahil sa meron pang natitirang dalawang taon bago matapos ang 20th Congress. Malinaw na ayaw ni Sotto na masibak bilang Senate President. 

Mas lalo sigurong kinabahan si Sotto nang pumutok ang tsismis sa Senado na papalitan siya ni Senator Loren Legarda bilang Senate President. 

At sa gitna ng kaliwa’t kanang ‘marites’ sa Senado, lumitaw naman ang isang dokumento sa media na inirerekomenda ng Blue Ribbon Committee sa pamumuno ni Ping ang pagsasampa ng mga kaso laban kina Senator Chiz Escudero, Jinggoy Estrada at Joel Villanueva. 

Sa ngayon, wala pang recommendation ng DOJ o ng Ombudsman sa pagsampa ng kaso laban sa tatlong senador. Nagmumukhang hearsay testimony o haka-haka lamang ang basehan ng recommendation ng Blue Ribbon Committee. 

Siguro, alam na ni Ping na di naman talaga makakalusot ang nabanggit na recommendation dahil ang hina ng basehan. Dahil diyan, biglang sumulpot ang draft sa mga committee members para iparating ang naratibo na may nagbabadyang Senate coup.

May pahabol pa si Ping, na ang draft committee report ng blue ribon ay maaari daw magbago pero hindi ang substance. Gulo mo! 

Abangan na lang natin ulit, baka tumakbo sa 2028 si Ping for president at si Sotto sa vice president.