ANG pagmamalabis sa kapangyarihan ni Duterte, Bayan, ang tunay na State of the Nation.
Nagtangka noon si Senator Leila de Lima bilang pinuno ng Commission on Human Rights, at kinalaunan, bilang senadora, na imbestigahan at panagutin si Duterte sa malaganap na EJK (extra-judicial killings) sa Davao at buong bansa.
Kalaboso – sa pagmamaniobra ni Duterte, at kanyang political operators, pati Gabinete – ang nilagpakan ng senadora.
Nakapiit pa rin ang magiting nating senadora hanggang ngayon.
Bunga ito ng gawa-gawang paratang na nilutong Makoy laban sa kanya ng mga alipores ni Duterte, na gumamit ng convicted drug lords na nakakulong sa Muntinlupa bilang bulaang testigo.
Subalit lalong naging magiting, at di yumuyuko, ang maipagbubunyi nating bilanggong pulitikal.
Nang buong paninindigang kinontra ni dating Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang targeted killings at mali-maling drug list na ibinabando noon ni Duterte, siya naman ang tinira.
Tanggal si Sereno bilang chief justice.
Ginawa ring sandata ng Malacañang ang batas upang supilin ang ating karapatan sa malayang pananalita’t pamamahayag.
Nang isiwalat ng Rappler, Inquirer, at ABS-CBN ang orkestradong pagpapapatay ng umano’y “drugged war freak” ng libo-libong karamiha’y mahihirap na mga Pilipino, sila naman ang inupakan.
Niyuyurakan ng gobyerno ang karapatang magpahayag ng mga journalists at iba’t ibang sektor.
Piso, piso lang sana ang budget na ibibigay ng Kongreso, na hawak din sa leeg ni Duterte, sa Commission on Human Rights. Kung di pa umalma ang sambayanang Pilipino. Iniimbestigahan at kinokondena kasi ng CHR bilang crimes against humanity ang malawakan at sistematikong pamamaslang ng mga sibilyan na isinasagawa ng mga pulis at naka-bonnet na “riding-in-tandem.”
Nire-red tag, at sa di iilang pagkakatao’y pinapatay rin, ang mga bumabatikos sa pang-aabuso ng malalakas at makapangyarihan.
Sa bisa ng mapanlupig at kontra-demokratikong Anti-Terrorism Act of 2020, pinapa-freeze ng gobyerno ang bank account ng mga NGO at personaheng pulitikal. Patago itong ginagawa ng awtoridad, nang walang kaabi-abiso’t nang di sinusunod ang prinsipyo ng due process of law.
Sa sandaling ibuka mo ang iyong bibig upang ilantad ang katotohanan, tulad ng pagpapakatuta ni Duterte sa imperyalistang Tsina at pangungulimbat ng makapangyarihan sa kabangyaman ng bayan, agad-agaran ka ring pararatangang terorista o komunista.
Ibinida pa sa gawa-gawang Oust Duterte matrix ng Malacañang na pinababagsak umano ng mga journalists, lider oposisyon, human rights lawyers – at maging ni Olympic champion Hidilyn Diaz – ang gobyerno.
Naglulubid-buhangin ang Malacañang upang durugin ang sinumang tumututol sa mga katiwalian at kalapastanganan ng pamahalaan.
Lantaran ang panggigipit at paniniil ni Duterte.
Tinatakot tayo.
Sinisindak, upang tumiklop. At huwag mangahas magsalita at makipaglaban para sa katarungan, karapatang pantao, at demokrasya.
Tinatamasa ni Duterte ang garapalang impunity – ang kawalan ng anumang pananagutan o kaparusahan.
Di siya kailanman inuusig at pinananagot ng sinumang awtoridad sa ating bayan sa kabila ng kanyang pang-aabuso ng kapangyarihan at pagpapapatay umano ng libo-libong sibilyan.
Dahil siya mismo ang awtoridad.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa admin@pinoypubliko.com