SONA at rebranding ng ‘Pinas

TRUTH to tell: madalas saktan ng gobyerno ang mga tao (o sector) na pinapangakuan niyang proteksyunan.

Ito ang sector ng mahihirap, ng lakas paggawa, kahit ang middle class.

Madalas paikutin ng gobyerno sa kanyang mga palad bilang unsuspecting “props” sa mga talumpati, lalo na tuwing SONA (State of the Nation Address) para  gawing “inspirasyon” at “modelo” na magiging batayan sa mga pangakong madalas din namang  napapako.

Ginagawang  kapital ang mukha ng kahirapan para himukin ang taumbayan na maniwala sa mga inilalatag na mga programa. Sa halos lahat ng nagdaang mga SONA, kanya-kanyang gimik ang mga presidente (kasalukuyan at nagdaan)  sa kanilang talumpati  at pinakamatingkad lagi ang paggamit sa mukha ng isang mahirap na sumasalamin sa kahirapan sa lipunan.

Mukha ng mahirap ang ginagamit na pabango upang di sumingaw ang   mga nakakasulasok na kuwento ng anomalya at kaugnay na kabuktutan. Mukha ng mahirap ang tampok para sabihing may malasakit sa masa. Mukha ng mahirap para pagkamalang simpatico.

Ang sector na bulnerable ang madaling puntirya ng matatamis na dila ng mga pultiko  dahil mas pinipili madalas ng sector na ito ang komportableng kathang-isip ng pambubudol  kaysa nakadilat na realidad sa lipunan.

Sinasaktan ng gobyerno ang mahirap at mangmang   na walang pagkatuto sa kasaysayan. Ito ay  sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng kalagayan at negosyo ng mga mayayaman Freebies at perks para sa mas mababang  buwis, mas paborableng packages sa  kanilang mga negosyo at mas malawak na access sa kapital mula sa gobyerno ( halimbawa: yung tycoon na napautang ng isang pampublikong bangko gayong mas dapat ang puhunan ay sa mga mangingisda at magsasaka nilalagay).  

Paano ginagamit ang mahirap sa SONA?

Naalala ba ninyo  ang SONA ni Pangulong Fidel V. Ramos noong 1992? Ibinida ang buhay ni Mang Pandoy o Felipe Natanio sa totoong buhay. Simbolo siya ng Ramos administrasyon sa paglaban sa kahirapan. Tumanggap ng bahay at lupa na hulugan si Mang Pandoy. Aakalain mong magtutuloy-tuloy ang grasya ngunti hindi pala. Hindi naipagpatuloy ni Mang Pandoy ang paghuhulog ng buwanang amortisasyon sa naturang “regalo” ng gobyerno. Kahit pa may pagkakataon na ginawa siyang consultant ng isang kongresman. Namatay pa ring mahirap si Mang Pandoy.

Taong 2001, tatlong  batang Payatas naman ang ibinida sa SONA ni Gloria Arroyo. Sumulat ang tatlo sa bangkang papel na kanilang pinaanod patungong Malacanang. Makapag-aral. Magkaroon ng hanapbuhay ang kanilang mga magulang. Magkaroon nga sariling bubong na masisilungan. Natupad ba ito? Bahagya. Nakapagtapos ang isa, nagkapamilya ang isa pa. At namatay sa sakit ang huli.

“Kayo ang boss ko” naman ang  naging mantra ng Aquino administration. Pagtalima ng gobyerno sa ordinaryong mamamayan lalo na sa karampatang serbisyo publiko. Maayos naman sana kung hindi lang naglipana ang mga oportunista sa kanyang mga ahensya na  nanira sa kanyang malinis sanang intension sa pag-gogobyerno. Naging bukambibig din ang anti-wangwang o sirena sa PNoy administration. Simbolo ng paglaban sa anumang pang- aabuso.  

Kay Rodrigo Duterte, “Change is coming.” Pagbabagong marahas na kumitil sa mga buhay maging ng mga inosente. Ngunit ang korapsyon index ay tumaas at lumalala ang paninikil sa karapatan ng assembliya at media.

Ngayong panahon ni Pagulong Ferdinand Marcos Jr. may bagong branding na nais patampukin. Ito ay ang “Bagong Pilipinas.” Isang generic na brand na nauna na naming ginamit ng  aking grupong Alyansa para sa Bagong Pilipinas (ABP) sa aming laban sa dambuhalang utilities at mga ahensya ng gobyernong paulit-ulit sa kapalpakan. ABP vs. ERC https://lawphil.net/judjuris/juri2019/may2019/gr_227670_2019.html) Para sa ABP, malasakit at totoong pagbabago sa sistema sa ERC at iba pang utilities upang  isulong ang karapatan ng konsyumers.

Kung ano man ang totoong nais itaguyod ng administrasyong kasalukyan sa kanyang rebranding na “bagong Pilipinas”, isa pa ring malaking misteryo. Sa kasaysayan, mas madalas taliwas ang nagiging kinakahinatnan ng mga bagay-bagay. Hindi sana masalaula ang magandang branding na ito.

Binibigyan natin ng apat na taon pa si PBBM para sa sinasabing “bagong Pilipinas”  dahil hindi madaling maging “driver” ng isang bansa. Maaga pa para maging “harsh” o maging  malupit sa panghuhusga.  

Nakakalungkot lang, sa dalawang taon, mas maraming anti-mahirap na mga batas ang naipasa.

Bagong Pilipinas?

Nagbabantay ang sambayanan, PBMM.