NANGANGAMBA ako sa kalagayan ng ating ekonomiya. Bukod kasi sa pagtaas ng ating pambansang utang ay patuloy rin ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Nangangamba ako dahil sa kabila ng pangako ng ating mga economic managers ng pagbangon ng ating ekonomiya ay may mas malaking banta ang Delta variant ng COVID-19.
Kritikal ang panahon ngayon (2nd at 3rd quarter) dahil kailangang mapababa ang impeksyon na dala ng COVID-19 at muling paganahin ang ating ekonomiya at maibalik sa positibo ang growth rate na pinababa sa 16.5 % bunga ng isang taong lockdown.
Bagamat may bagong salaping utang na inihanda para punuan ang kakulangan natin sa pananalapi, pagpapatuloy ng imprastraktura, mukhang nakalimutan ng Department of Agriculture na palakihin ang growth rate ngayong taon.
Pagkakataon na kasi ng DA na paunlarin ang farm output natin sa kabila ng pandemya ngunit mas pinili pa nito na papasukin ang mga dayuhang produktong agrikultural tulad ng bigas, manok at baboy.
Siya nga pala, wala palang malinaw na programa ang DA. Period.
Isa rin sa binabantayan ang patuloy na pagtaas ng bilihin na pinangangambahang umabot sa hyper inflation kapag hindi agad maagapan ang pagkalat ng Delta variant.
Sa ngayon kasi mas importante na sa ating mga lider ang nalalapit na kampanya na aabot hanggang sa Mayo ng susunod na taon.
Kaya ang mangyayari ay para na lang tayong pumapaimbulog sa isang bagay na kapag nangyari ay hindi na maiiwasan ang susunod na kalbaryo—ang pagbagsak ng ating ekonomiya. Umaasa tayo sa service sector sa kontribusyon ng ating OFW na kasalukuyan ding nanganganib.
Sana naman ay huwag mangyari ang pagkalat ng Delta variant sa ating bansa na siya ngayong nararanasan ng Indonesia, Malaysia, Thailand, Myanmar, Bangladesh, India at iba pang bansa sa Asya at maging sa US at Europe. Kapag naulit kasi ang lockdown ay maaaring hindi maiangat ang growth rate sa huing dalawang quarter ng taon.
Kaya’t ang gusto kong malaman sa susunod na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte ngayong Hulyo 26 ay pangkalahatang plano ng gobyerno para labanan ang Delta variant, kung meron man at ang pagpapabilis ng bakuna, hindi ang bangayan nila ni Senador Manny Pacquiao.
Kapag pumalpak kasi ang ekonomiya ngayong taon ay malamang na maapektuhan ang posibleng pagpasok ni Davao City Mayor Inday Sara Duterte sa karera sa 2022.
Neil Doloricon: Alagad ng sining para sa bayan (People’s artist)
Nakalulungkot isipin ang pagpanaw ng isa sa aking mga kaibigan na si Neil Doloricon. Una kong nakilala si Neil nang magkasama kami sa Manila Times na noon ay nasa Roces Avenue pa sa Quezon City bago ito lumipat sa Pioneer St., sa Mandaluyong.
Bagitong correspondent pa lamang ako noon na na-assign na mag-cover ng graveyard shift sa Kamaynilaan habang si Neil ay ang aming resident artist na gumagawa ng mga artworks sa pahayagan tulad ng editorial cartoon. Gumagawa rin siya ng cartoon strips halos araw-araw na siya namang nagpapakita ng mga kaganapan sa pulitika.
Mapanuri at kritikal ang kanyang mga political cartoon kaya’t nakagigiliwan ito hindi lang ng kanyang mga kaibigan kundi maging ng mga mambabasa.
Bagama’t lumipat ako ng ibang pahayagan matapos ang ilang taon pakikipagbuno sa balita noong kalagitnaan ng dekada nobenta, si Neil ay nanatili sa Manila Times hanggang sa magsara ito at muling magbukas na may bago nang may-ari.
Ang balita ko tumigil din siya sa paggawa ng mga editorial cartoon at komiks strips at nag full time sa pagtuturo sa College of Fine Arts sa UP Diliman kung saan siya ay nahirang na dekano di kalaunan. Marami pa siyang posisyon na inupuan katulad ng pagkaka-appoint sa kanya bilang chair ng Committee on Humanities and Culture sa Commission on Higher Education (CHEd). Naging tagapangulo rin siya ng Concerned Artists of the Philippines.
Sa kabila ng kanyang pag-ibig sa pagtuturo bilang professor sa UP College of Fine Arts ay nagawa pa rin niyang makahanap ng paraan na magpinta at mag contribute ng kanyang mga editorial cartoon sa Malaya Business Insight.
Si Neil ay isa sa mga haligi ng social realism sa larangan ng sining biswal sa bansa. Ang kanyang mga obrang pinta, murals at relief paints na nag bibigay buhay at kulay sa mga araw-araw na pakikibaka ng masang anakpawis at magsasaka ay karaniwang nakikita sa mga art exhibit sa mga museum at mga gallery dito at maging sa ibang bansa.
Isa lang siya sa mga visual artists natin na hindi natatakot na isiwalat ang kabulukan at eksploytasyon at sa iba pang nangyayari sa lipunan, at kung paano isinasalin iyon sa pamamagitan ng kanyang mga pinta ay maituturing na isang obra kaya siya naman ay nabansagan na alternatibong titulong people’s artist.
Muli kaming nagkadaupang-palad mahigit isang dekada ang nakaraan at mula noon naging magkakasama na kami sampu ng aming mga kaibigan na kinabibilangan ng mga mamamahayag, mga artists, maniniyut (photojournalists) at maging mga estudyante na hindi nagsasawang makinig sa aming mga huntahan sa harap ng malamig na serbesa.
Kakaibang artist si Neil dahil madaling maintindihan ng kahit na sino ang kanyang mga pinta at bukod doon ay hindi siya maramot na ituro ang kanyang mga pamamaraan sa mga gustong matuto, at lalong hindi siya maramot sa kanyang mga obra na inireregalo sa mga piling kaibigan.
Siya nga pala, ikumusta mo na lang kami dyan kina Joy de Los Reyes, Ed Manalo, Julius Fortuna, Joey Tanedo at sa asawa ni Boying Abasola na si Susan.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]