NAGULANTANG ang mundo ng mga pabidang content creator sa social media dahil target na silang buwisan ng Bureau of Internal Revenue o BIR.
Para sa mga hindi tech savvy na tulad ko, yung mga simpleng video na ina-upload sa YouTube, Facebook o iba pang social networking site o channel kapag nag viral dahil sa dami ng views ay may katapat na presyo.
May ilan akong kilala na kumikita ng ilan daang libong piso kada buwan dahil sa dami ng kanilang mga followers.
Dahil sa hakbang na ito ng BIR may ilang content creator na ang nagsabi na isasara na nila ang kanilang social media account dahil sa takot na makalkal ang kanilang mga hindi deklaradong kita.
Iyun naman ay yung mga utak-hao siao o takot na lumaban ng parehas at ayaw magbayad ng buwis.
May samahan ang mga responsableng social media influencer sa bansa at ito ang CICP o Creator and Influencer Council of the Philippines.
Sinabi ng grupo na nakahanda silang sumunod sa Revenue Memorandum Circular 97-2021 ng BIR.
Ito ay dahil gusto nilang tumulong sa gobyerno sa pamamagitan ng pagbabayad ng buwis.
May pakiusap lang sila sa BIR na sana ay huwag pahirapan sa mga requirements ang kanilang mga kasapi at sana rin ay maging digital payment na ang pgbabayad ng buwis.
Humihingi rin sila ng dialogue sa BIR para malinawan ang kanilang mga kasapi sa pagkwenta ng babayarang buwis.
Sa panahon ngayon ng social media, basta’t may account ka ay may cellphone o camera ay madali na ang maging instant content creator pero kaakibat rin nito ang mga responsibilidad.
Dapat ay naaayon sa mga umiiral na batas ang pagkuha ng mga video yung tipong hindi malalagay sa alanganin ang privacy ng ibang tao at syempre dapat ay totoo ang mga impormasyong nakapaloob dito.
Lagi ring tandaan ang online mantra na “think before you click.”