Sistema sa PITX pahirap pa rin sa manggagawa

SIMULA noong nagbukas ang Paranaque Integrated Terminal Exchange (PITX) dyan sa Coastal Road hanggang last week, pahirap pa rin ang sistema nito sa mga libo-libong mga manggagawa araw-araw —
dagdag gastos, dagdag oras at hirap sa polusyon mula sa usok ng mga passenger buses at jeepneys.

Noong wala pa ang PITX, walang dagdag gastos at maagang nakakapasok sa trabaho at opisina ang mga manggagawa mula sa Cavite, Batangas at iba pang bahagi ng Southern Luzon dahil diretso ang access nila patungo sa mga workplaces nila sa Southern Metro Manila at sa LRT & MRT train systems, at mga bus terminal going to Northern Luzon.

Pero nang tinayo ng private company ang PITX at mandatory ang pagtigil ng mga bus at jeepneys sa loob sa tulong ng government agencies gaya ng DOTr, LTFRB, at LTO, doble gastos, dagdag oras, nakakasulasok na usok at napaka-stressful para sa mga manggagawa at ordinaryong mamamayan ang ordeal sa loob.

Napaka-inconvenient. 

Pagpasok pa lang ng bus o jeepney sa PITX ay ma-trapik na. Hindi maaring mag-unload ng pasahero habang wala sa unloading bay na nasa likuran ng terminal. 

Pagbaba mo ng unloading bay, langhap mo agad ang mga usok ng mga bus at jeepney na nakaparada sa mga unloading bay. Mahaba rin ang pila ng mga commuters papasok dahil sa mga checks sa gate. 

Pagpasok sa loob, hahanapin mo pa kung saang pinto ang mga bus na papunta naman sa iyong next destination sa iba’t-ibang bahagi ng Metro Manila. 

Kapag nakasakay ka na ng bus, may mga pagkakataon na kailangan punuin muna ang bus at saka lang aandar. 

Paglabas ng bus sa PITX, bubunuin mo uli ang kaparehong traffic congestion na na-encounter mo pagpasok ng terminal. May pagkakataong, paikot-ikot muna ang mga bus around PITX dahil loaded ang mga unloading bay. 

Tila gas chamber ang PITX at matrapik dahil imbudo ang papasok at palabas ng mga sasakyan. Ang isa sa dalawang entry and exit ay malalim ang baha at napakalubak. 

Kawawa rin ang mga manggagawa at mga sekyu na na nagpapatakbo ng PITX dahil babad sila sa pollution ng ingay at usok ng sasakyan. Tila nag-e-experiment lamang at trial and error ang PITX management na namamahala ng traffic at movement ng tao sa loob. 

Dapat ihinto ng gobyerno ang pag-oobliga sa mga public utility buses at jeepney ang mag-terminal sa PITX. Dapat optional lamang ang pagpasok dito. Isa lang ang malinaw, kumikita ang mga fastfood restaurants, stores at ang nagpapaupa ng mga espasyo, parking at terminal fee ng mga bus at jeepney.