ANO kaya ang magiging epekto ng Sinovac vaccine na itinurok sa mga senior citizens?
Kahapon, natanggap namin ang second dose ng Sinovac vaccine. Maaga pa lang ay puno na ang public school gymn na siyang venue ng bakunahan.
Maayos ang sistema. Nakaagapay ang mga barangay health workers sa mga seniors na excited nang makumpleto ang bakuna.
Habang naghihintay sa linya, narinig ko ang isang senior na mukhang yayamanin na nagsabing “ay makakatravel na rin ako!” Itatanong ko sana kung saan siya magbibyahe. Kung sa Europe, US, o iba pang bansa ang destinasyon, baka maunsyami siya dahil hindi tinatanggap ang turistang nabakunahan ng Sinovac.
Malaki ang pag-asa ng mga tao na ang bakuna ang magpapabalik sa normal na pamumuhay. Kaya kahit Sinovac lamang ang available na bakuna, talagang pinilahan ito.
Marami ang nagpaturok kahit na diumano’y may mababang efficacy laban sa COVID-19 ang Sinovac.
Ika nga, it’s better than nothing! Mahirap lumaban sa virus nang walang armas na bakuna.
Kahit may pag-aalinlangan sa epekto ng bakuna, tila lumakas ang loob ng mga seniors.
Iniisip na may panangga na sa Covid.
Kahit na naging parang guinea pigs, sige pa rin; umaasa na lamang at nagtitiwala sa sinabi ng mga health authorities mula sa Department of Health at Food and Drug Administration na may mabuting hatid ang Sinovac sa kaligtasan laban sa COVID-19.
Sana’y maanalisa nilang mabuti ang mga feedbacks mula sa mga nabakunahan ng Sinovac at magbigay nang nararapat na rekomendasyon kung talagang dapat pa itong gamitin lalo na sa mga senior citizens.
Subaybayan natin ito.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]