INAABANGAN ko ang resulta ng mga drug test at psychological test ng mga congressmen at ni Vice President Sara Duterte.
Sino kaya sa kanila ang unang maglalabas ng test result?
Ito naman kasing si VP Duterte, dami kuda sa kanyang press conference kaya na-question ang kanyang mental health.
Pagbantaan ba namang huhukayin libingan ng diktador na si Ferdinand Marcos, Senior. Tapos, nandun yung inimagine niya na pugutan ng ulo si President Ferdinand Marcos, Junior.
Tama ba naman ito? Pagpalagay natin na biro lang, pero hindi ito magandang biro lalo pa at galing sa pangalawang pinakamataas na opisyal ng ating bansa.
Kahit pa may di pagkakaunawaan si Marcos Junior at si Sara, siguro hindi dapat nakapagsalita ng ganun ang huli. Kahit pa sobra na ang nararamdaman niyang frustration.
Kasi naman, ayaw sagutin ni VP kung paano niya ginastos yung milyon-milyong pisong halaga ng intelligence at confidential funds o CIF na nakuha niya. Imbes na sagutin, kung anu-ano ang pinagsasabi sa dalawang oras na press conference niya.
Tapos ngayon, malakas ang loob na maghamon na magpa-drug test daw ang mga “Young Guns” sa Kongreso.
Itong mga Young Guns ay yung mga batang Kongresista na nagsasabing dapat ay sagutin ni VP ang kwestiyonableng paggastos niya sa CIF ng Office of the Vice President at ng Department of Education noong siya pa ang Secretary dito.
Syempre hindi siya uurungan ng mga Young Guns. Go na go sila sa mga hamon ni VP na magpa-drug test at isama na ang psychological test.
Pero, dapat daw ay mag-attend si VP Duterte sa committee hearing at sagutin ang mga tanong under oath.
Bakit nga ba hirap na hirap sagutin ni VP Duterte ang tanong tungkol sa budget niya? Siguro naman kung hindi winaldas ang pera ng taumbayan, hindi ito iiwas sa mga tanong.
Ang dami na niyang sinabi, nakakapag-TikTok na nga siya, pero wala siyang comment tungkol sa milyong halaga ng CIF na na-question ng Commission on Audit.
Sabi nga, be careful what you wish for, o sa pagkakataong ito, what you ask for, kasi bumalik kay VP Duterte ang hamon.