TAMA, P5,000, five at tatlong zeros, hindi P500 na kainsu-insultong inilalako ni Trade Secretary Maria Cristina Aldueger-Roque na kakasya na raw pang Noche Buena ng pamilyang Pinoy.
Yes. P5,000 ang inilalako kong budget sa Araw ng Pasko para bawat minimum wage-earner ng Kabahayang Pinoy.
Limang libong pisong Pamaskong Handog ang inilalako kong ipamigay – – – ng Pambansang Gobyerno ha, hindi ako!
Take note, Christmas Ayuda na ipamimigay ng Pambansang Gobyerno, hiwalay sa inihahatag ng iilang bayan-bayan, munisipyo, syudad o kapitolyo.
Tutal, national government ang promotor na dinepensahan ng Palasyo ang nagpasikat niyan sa kung paanong kwenta ni Lola Basyang ng mga sinaunang presyo ng bilihin nung malakas pa ang halaga ng piso ang kanilang basehan.
Di ko nga alam kung kanino talaga siya nagbibida-bida:
Kung sa ating taumbayan ba, o sa mag-jowang Marcos Jr at Liza M.
Alam nyo na kung saan nauwi ang pagpapa-cute nitong si Cristina Roque – sa acute anger, umalta presyon ito sa chronic anger ng masa na sumabog sa mukha nila.
Paganda points na nauwi sa panget points like as in, bokya.
Ang nakakabwisit, imbes na aminin ang pagkakamali, pinanindigan pa ang mali.
E, di lalong nag-aklas ang mga kumakalam na bituka.
Eto namang si Palace Press Officer Claire Castro, ayaw pa kunwari magsalita on behalf of Roque nang hingan ng reaction ng mga reporter, pero, as in pero, bumanat pa ng sablay – nasa diskarte lang daw yan, dahil kakasya naman talaga ang P500.
Doble bukol kayo ngayon!
Ayun, indain nyo ng ilang Pasko ang galit, pagmumura at pambabatikos sa inyo ng mga tao.
Legit ang galit ng mahihirap:
Mismong Central Bank nagsabi nung Friday lang, November 28, 2025, tumaas ang presyo ng isda, bigas at prutas sa buwan ng November at pinalawak nila ang posibleng range ng inflation ng November sa 1.1 percent to 1.9 percent.
Ayon naman sa Philippine Statistics Office, ang latest number of jobless Pinoy na meron sila ay sa buwan ng September, which is 1.96 million Pinoys or 3.8 percent kasama riyan ang mga tsismosa’t tsismosa 24-7, team tambayers, taong grasa at imburnal, madudungis, hampaslupa at pataygutom.
Eto pa, sa September 2025 survey ng Social Weather Stations, merong 14.2 million Filipino families or 50 percent ng households sa buong Pilipinas ang nagsabing naghihirap sila.
Hindi naman nakapagtataka dahil may trabaho o kinikita nga ang iba pero sila yung nasa informal economy tulad ng jeepney driver, market vendor, online selling, mangingisda, ethnic cloth weaver, nangunguha ng mga laway ng ibon sa Palawan part timers, raketero, kontesero, pokpok, magnanakaw at pusher.
O kaya may trabaho pero minimum wage earner wala namang union, pating-tingi ang pagbili ng basics, napuputulan ng kuryente at kung non-essential naman, namimili ng mga bagay pero ang pagbayad, pa-cry cry.
Jobless man o hindi, nagbabayad tayong lahat ng indirect consumption tax na 12 percent (Value-Added Tax) sa mga binibiling softdrinks, pancit canton, lollipop, kalahating mantika, fabricon, at mga serbisyo tulad ng – tadah! Services ng contractors like engineering, construction; consultation sa mga doctor, non-life insurance, travel and tour at online shopping. Alam na this.
Tapos si Sara Duterte ninanakaw lang ang pera ng bayan para sa kanyang confidential/ intelligence funds mula nung mayor pa siya, nagpasahod ng 11,000 ghost employeers; etong Marcos, estate taxes na umabot na sa P203 billion (or around $3.7 billion) hindi pa mabayaran.
Ang malala, umaabot sa P700 billion to P1.4 trillion ng budget taon-taon ang ninanakaw sa corruption ng mga taong gobyerno at pulitiko, estimate yan ng Philippine Institute for Development Studies nitong October 19, 2025.
Laganap at malalim yan sa buong bureaucracy mula procurement hanggang ghost projects.
Tapos nagsuggest pa kayo ng Noche Buena Menu na P500 imbes araw-araw kayong mag-check at manghuli ng mga profiteer, hoarder at magnanakaw
Bigyan nyo naman ang mga Pilipino ng dignidad mga bastos kayo.
Ni hindi nyo nga maipasa ang panukalang P200 wage hike. Mga walang kwenta.
Sinasabi nyong mababa ang inflation, yeah, tama, pero yan ang naunang mataas na inflation na nanatili sa itaas kaya konting taas na lang na 1,1% ay talaga namang mataas.
Tinatanong pa ba kung naka-factor in ba ang running inflation ngayong December holidays sa P500 budget na yan, syempre hindi.
Kaya kung gusto nyo ng P5,000 Noche Buena budget, tara, sugod at hingiin natin sa Malacanang, sama ako dyan.


