Sino nagbabantay ng ‘shrinkflation’?

HALOS lahat na ng mga basic food and non-food commodities na kailangan natin araw-araw ay lumiit na at nagmahal ang mga presyo. Kung mapapansin mo, tumaas na presyo ng soy sauce, vinegar, patis, vetsin, ginisa mix pero lumiit pa ang sizes at nabawasan na ang timbang.

Ganoon din ang mga shampoo at conditioner, soap, noodles, Skyflakes, sardines, butter, cheese at maging ang donuts and chocolate candies, softdrinks and juice lumiit ang size at gumaan ang timbang at tumaas din ang presyo.

Maging yung paborito kong tira-tira at pastillas candies sa palengke nag-shrink na rin!

Nauna nang nagtaas ang presyo ng karne, gulay, isda especially during the pandemic. Sa mga ekonomista, tinatawag ito na ‘shrinkflation’.

Ang shrinkflation ay ang pagbawas ng timbang o quantity, size ng mga basic food and non-food items na kinakain at ginagamit natin araw-araw.

Isa sa mga dahilan nito ay ang pagbagsak ng halaga ng piso at pagbagsak ng purchasing power nito sa harap nang tumataas na presyo ng mga pagkain at halaga ng mga serbisyo. Kung kaya pababa nang pababa ang purchasing power ng ating sahod habang pataas nang pataas ang mga presyo.

Mahigit isang taon nang walang wage increase ang mga manggagawa dahil nalugi at nagsara ang mga kumpanyang apektado ng pandemic. Habang napakarami pa rin nang rumerikober at hirap na hirap makaahon.

Kung kaya marami sa mga manggagawa ang nawalan ng trabaho. Yung iba may trabaho pero two to three times a week kung pumasok or on call na lamang.

Nguni’t bakit nag anunsiyo na ang mga negosyante na magtataas sila ng presyo ng mga produkto nila habang tahimik at patuloy naman nilang binabawasan ang laki at timbang ng mga ito?

Wait, ginigisa na nila tayo sa sarili nating mantika, tubong lugaw pa sila. Di ba panahon pa rin ngayon ng pandemya kung saan dapat kontrolado at regulated ng gobyerno ang mga pang aabusong ganito?


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]