PAANO natin pipiliin ang mga susunod na mamumuno sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK) kung hindi natin sila kilala?
Paano tayo nakasisiguro na magiging maayos ang kanilang pamumuno?
Muli mo bang pipiliin ang dati nang namuno sa inyong barangay dahil “familiar” ang pangalan niya o dahil kamag-anak mo siya o dahil siya ang inireto sa iyo ng iyong kaibigan?
Sa ilang taong namuno ang mga kasalukuyang barangay officials, naging maayos ba ang inyong komunidad? Naging progresibo ba o lalong gumulo?
Madali bang lapitan si kapitan at mga kasama nitong konsehal o mahirap silang hagilapin? Inuuna ba niya ang kanyang kaibigan o kamag-anak sa bigayan ng ayuda?
Sobra na sa tatlong taong nanunungkulan ang ating mga barangay at SK officials dahil sa pagpapaliban ng eleksyon. At ngayong matutuloy na ito, sa tingin ninyo karapat-dapat pa rin ba silang maluklok?
Paano nga ba tayo nakasisiguro na leader-material ang ating mga iboboto?
Mahalaga na ang ating mga iboboto ay madaling hagilapin. Aminin natin na may mga ibang elected officials na pagkatapos nilang mahalal ay mahirap na silang mahanap kung kailangan ang kanilang serbisyo.
Para sa akin, ang totoong lider ay may apat katangian.
Una ay kung kaya ba niya talagang mamuno. Alam ba niya na malaking responsibilidad ang maging barangay official, lalo na ang kapitan at SK chairperson.
Pangalawa, madali bang lapitan si kapitan o si SK chairperson? Baka naman kailangan pang dumaan sa ilang tao bago siya makausap o ‘di kaya ay pinipili kung sino ang kanyang haharapin. Baka pa-VIP?
Pangatlo, bukod sa dapat madaling lapitan, ay dapat madali ring mahagilap si kapitan o si chairperson.
Pang-apat, may malasakit ba si kapitan o si SK chairperson?
Tandaan niyo na binoto kayo ng inyong constituents dahil sa inaakala nila na maasahan kayo sa oras ng pangangailangan.
May mga simpleng problema na idudulog sa inyo at may mga matindi ring pangangailangan na hihingin sa inyo. Sa ganitong mga pagkakataon ay masusubukan ang inyong galing sa pamumuno.
Hindi lang sa oras ng kalamidad o sakuna kailangan ang barangay captain o SK chairperson. Lalo namang hindi lang sa mga opening events o ribbon cutting sila dapat makita.
Ang kaayusan ng barangay ay repleksyon ng liderato ng kapitan.
Kung hindi ninyo kilala ang mga tumatakbo at humihingi ng ating boto, maaari tayong magtanong kung anong klase siyang tao. Siyemre, depende sa napagtanungan ang sagot. Nasa sa atin nang mga botante kung ano ang ating paniniwalaan.
Kung maayos naman ang pamamalakad ng kasalukuyang mga opisyal, maari rin naman silang muling iboto.
Ang puno’t dulo lang nito ay dapat maging mapanuri tayo sa ating pipiliing barangay at SK officials. Dahil kung mali ang ating mapipili, tatlong taon tayong magtitiis.