NOONG isang linggo, tumungo tayo sa isang satellite office ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) dyan sa Quezon City para kumuha ng Motor Vehicle Clearance Certificate (MVCC) na kailangan sa pagpaparehistro ng sasakyan sa Land Transportation Office (LTO).
Mabilis naman ang pagharap ng isang officer ng PNP-HPG na sa simula ay tila mainit ang ulo mula yata sa pagkakaidlip matapos makapananghalian.
Agad naman niyang sinuri yung mga dokumentong dala-dala natin bago simulan ang pagproseso. At iyon nga, tulad ng paalala ng isa nating kaibigan, mabilis naman daw ang proseso kung kumpleto ang mga dokumento.
Ang siste, kulang nga ang dokumento! Yung financial institution kung saan natin kinuha ang sasakyan ay hindi pala nagbigay ng dalawa sa mahahalagang attachments na kinakailangan – ang Secretary Certificate at yung photocopy ng IDs ng signatories sa Deed of Sale.
Nang tawagan natin yung financial institution na iyan na nakabase sa Ortigas Center, saka pa lang sila nagpadala sa email ng mga kulang na dokumento na dapat sana ay naibigay na nila noon pa lang araw na i-release ang original na OR/CR ng sasakyan.
Malinaw rin naman sa instruction nila kailangan naming pumunta sa PNP-HPG at LTO para sa paglilipat ng pangalan ng sasakyan.
Simula’t sapul, palyado na talaga itong financial institution na ito. Marami na itong nagawang kapalpakan sa serbisyo. Mabuti na lang at balita ko hindi na ito napahintulutang pumasok uli sa auto financial services.
Hindi natapos ang aberya sa financial institution na ito. Matapos nating maghanap ng business center para makapagpa-print ng mga dokumentong pinadala nila sa email para masulit naman ang araw natin, binalikan muli namin ang satellite office ng PNP-HPG diyan sa QC. Naabutan muli namin doon ang supladong mamang pulis.
This time, napaka-welcoming na niyang makiharap. Ilang saglit lang matapos niyang suriin ang mga dokumento, pinadidiretso naman kami sa LTO-NCR para raw sa pag-certify as true copy ng dala naming dokumento dahil sarado na raw ang Land Bank nang hapon na iyon para magbayad. Kapag nakakuha na raw ng certified true copy ay sa HPG at LTO Novaliches na lang daw kami pumunta sa halip na bumalik doon sa kanilang maliit na opisina.
Sa LTO-NCR, sinabihan naman kami na magtungo na lang sa PNP-HPG at LTO Novaliches. Ang ending, walang na-accomplish nang araw na iyon maliban sa pagpapa-photocopy ng mga kulang na dokumento. Dahil kailangan na ring ma-rehistro ang sasakyan, agad din kaming nagtungo kinabukasan sa PNP-HPG at LTO Novaliches.
First stop, LTO Novaliches. Hindi pala roon. Nasa kabilang gusali pala ang tanggapan ng PNP-HPG. Dahil malakas ang buhos ng ulan, kailangang dalhin ang sasakyan para makaikot sa katabing building at doon namin natunton sa pinakadulo ng compound ang tanggapan ng PNP-HPG para sa kinakailangan naming MVCC. Maayos namang nakiharap ang police officer na nakausap namin subalit matapos na suriin ang dala naming mga dokumento, pinabalik kami sa LTO para sa Data Confirmation. Kinailangan din naming magpa-photocopy muli ng dalawang set pa ng mga dokumento dahil kailangang daw iyon. At iyon nga ang dinala naming pabalik sa katabing LTO. Finally, unti-unti nang nagkaroon ng malinaw na direksyon dahil kinuha doon ang isang set ng dokumento para sa Data Confirmation. Subalit kailangan pa naming maghintay ng isang linggo bago balikan at umaasa naman kami na sa aming pagbabalik ngayong lingo na ito ay na-proseso na nila ang mga dokumento.
Kung hanggang saan aabutin ang proseso hanggang sa makakuha kami ng MVCC, iyan ang ibabahagi natin sa susunod.
Subalit ano ang punto natin dito? Maliban sa talaga namang may kapabayaan din sa bahagi ng financial institution na humawak ng aming auto loan, mahalaga na magkaroon ang PNP-HPG at ang LTO ng mga klarong alituntunin patungkol sa pag-secure ng motor vehicle clearance sa kanilang tanggapan. Totoong malinaw ang mga guidelines sa kanilang website, subalit sa katotohanan parang kinulang sa paliwanag.
Iyong proseso na kung titingnan ay tila napaka-simple, sa katotohanan pala ay napaka-komplikado. May dapat bang repasuhin sa mga alituntunin? Sa aking pananaw, nararapat lang. Hindi magiging epektibo ang isang sistema kung ang mga alituntunin ay hindi malinaw sa publikong pinaglilingkuran. Sayang lang Anti-Red Tape Act ng gobyerno. Huwag na nating isama pa kung ano’ng uri at anyo ng tanggapan mayroon ang satellite offices ng PNP-HPG. Nakakalungkot.