Silip sa mga bagitong public officials

MGA bagito sa posisyon ang karamihan sa itinalaga sa pamahalaan sa ilalim ng bagong gobyerno ni Presidente Ferdinand Marcos Jr.  

At dahil mga bagito at walang konek ang mga kaalaman nila sa usapin ng pambansang pamamahala, dumadaan sila ngayon sa masusing pagsasanay sa kamay ng mga eksperto at edukador ng Unibersidad ng Pilipinas, National College of Public Administration. Crash course ito on legislative work. May 53 neophyte lawmakers ang sumasailalim sa pagsasanay na ito sa UP, kabilang ang actor na sina Robin Padilla at ang anak ni PBBM na si Sandro Marcos.  

Mainam na may ganitong nakaabang na batayang pagsasanay, upang matutunan ng mga bagito ang masalimuot na paraan ng paggawa at pagpasa ng batas.

Siyempre, hindi sapat ang ilang araw na pagsasanay at pamilyarisasyon sa usaping lehislatibo, subalit simula ito ng pagmumulat sa kanila na hindi laro o drama ang usapin kung saan nakasalalay ang mga polisiyang huhubog sa tatahaking landas ng bansa sa susunod na anim na taon.

May mga eksperto siyempre na i-empleyo at magiging bahagi ng kanilang kanya-kanyang opisina ang mga mambabatas na ito. Subalit sa pinakaultimo, sila ang tatayo sa plenaryo upang ipagtanggol ang bawat ihahaing batas. Ano ang magiging grado nila sa publiko kung hindi nila gamay ang kanilang mga hakbangin?

Magiging bukas sila sa batikos ng mapanuring masa. Maaari ring hingin o ipetisyon na sila ay magbitiw kung hindi episyenteng magampanan ang tungkulin.

May mga public officials na mangangailangan ng kumpirmasyon. Tumutukoy ito particular sa ilang miyembro ng Gabinete na itinalaga. Bagamat lantad na ang pagbaligtad o pagpapalit-kulay ng ilan upang sumama sa mayorya at tanggap na sila unti-unti ng publiko, kailangan pa rin nilang dumaan sa kumpirmasyon ng Commission on Appointments, alinsunod sa probisyon ng Konstitusyon.

Kailangan pa rin nilang daanan ang pagbusisi ng CA na kinapapalooban ng 12 senador at 12 kongresista kasama ang ihahalal na pangulo ng Senado bilang “ex-officio chairman”, na hindi maaaring bumoto liban kung magkaroon ng pantay na boto o “tie.” Ang mga miyembro ng makapangyarihang CA ay pagbobotohan ng bawat House (Kongreso at Senado) batay sa proportional representation mula sa mga partido pulitikal o organisasyon na rehistrado sa ilalim ng party-list system. (Article VI, Section 18, Constitution)

Hindi naman lahat ng miyembro ng Gabinete ay dadaan sa Commission on Appointments; tanging mga tinukoy lamang ng batas ang isasalang dito:  

“(h)eads of the executive departments, ambassadors, other public ministers and consuls, or officers of the armed forces from the rank of colonel or naval captain, and other officers whose appointments are vested in him by the Constitution.”

May mga opisyal na bagamat may ranggong Gabinete sa sangay ehekutibo ay ligtas sa CA. Ang Presidential management head halimbawa at maging ang Bangko Sentral governor ay hindi tatahak sa makipot na daan na ito ng CA.

Automatiko ring uupo ang itinalagang education official na si Vice-President Sara Duterte. Absurd o kakatwa ring ipadaan sa kumpirmasyon ng CA ang pangulo ng bansa na si PBBM na pansamantalang kumakatawan sa Kagawaran ng Agrikultura sa ngayon.

Balikan natin ang panahong umupo sa lehislatura si Nancy Binay. Maging ang Time Magazine ay naglabas ng artikulong kumukutya sa kanyang kuwalipikasyon bilang mambabatas. Kesyo ang alam lang niya ay ipagtimpla ng kape ang tatay niyang dating bise-presidente. Kesyo hindi siya exposed sa paggawa ng batas dahil hindi siya abogado. Pinutakti siya ng mga maanghang na puna at nakakainsultong name tags.

Subalit ilang taon ang nakalipas ay bumango siya sa masa dahil sa makataong mga batas na naipasa niya. Nakita rin ang pagpupunyagi niyang bigyang hustisya ang pagiging senador niya. At dahil diyan, nakawala siya unti- unti sa hindi magandang imahe ng kanyang angkan.

Ang mga bagito kung gayon ay may pag-asang matuto at maging eksperto sa kanilang larangan. Kailangan lamang na huwag silang madadaig ng kanilang ego kapag pinuna sila ng taumbayan. Sapagkat nararapat ang pagpuna sa isang demokratikong bansa. Makikita ng mga mambabatas ang kakulangan nila kapag sila ay naging bukas sa mga puna.

Eventually ay makukumpirma ang mga itinalaga sa posisyon. Makaligtas man sila sa CA, magpapatuloy ang publiko na tagamasid sa bawat kilos nila. Handa sila dapat na ma-interrogate tungkol sa publiko at pribado nilang buhay, sa kanilang istilo ng pamumuhay at pakikipag-kapwa. Mauungkat ang kanilang mga itinatagong sikreto o indiscretions, maha-highlight ang kanilang mga negatibong nagawa o ginagawa sa kapwa, sa usaping personal man, pulitikal, panlipunan o ekonomikal.

May mga batas na sandata ng mga tao upang sila ay papanagutin. Nariyan ang Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, ang Republic Act 6713 or Act Establishing The Ethical Standards for Public Officials and Employees- mga batas na ginamit ko nang ipasuspendi naming ng aking organisasyon na Alyansa para sa Bagong Pilipinas (ABP) ang ilang opisyal ng Energy Regulatory Commission, isang quasi-judicial agency na bahagi ng Department of Energy.

Sakripisyong mabigat ang maging public servant. Hindi ito lugar para magkamal ng yaman at maghasik ng lagim o gumawa ng anomalya. Kailangan ang tibay ng loob, talino at pagkamakabayan.

Katunayan, ang pag-unlad ng bansa ay hindi nakasalalay sa pambansang lider nito kundi sa mga opisyal

sa ilalim ng lider na magbabalanse sa manibela ng pag-unlad.

Sila yung papalag kung kinakailangan para maituwid ang mga pagmamalabis ng lider. Hindi sila mga alipin na tatango lamang. 


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]