HINDI pa man nag-iinit sa pagkakaupo sa kanyang trono si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang tunay na kulay at hilatsa ng pag-uugali ng kanyang asawang si First Lady Liza Araneta-Marcos ay kitang-kita at damang-dama ngayon sa loob ng Malacanang.
Lumalabas, si Liza ang nag-iisang bastonero sa Palasyo at ang lahat ng mga mahahalagang pangyayari o kaganapan ay kailangang malaman at magdaan sa kanya bago pa man magdesisyon si Bongbong.
Unang nagpakita ng ‘kamay na bakal’ si Liza nang mapilitang magbitiw sa puwesto si dating Executive Secretary Vic Rodriguez dahil na rin sa sunod-asunod na kapalpakan nito na nagsimula kay Pastrana, Lotilla, hanggang sa sugar importation scandal.
Ang masakit nito, sa gitna ng ginagawang cleansing sa Malacanang, tuluyang nasagasaan na rin si Press Secretary Trixie Cruz-Angeles at Commission on Audit Chair Jose Calida matapos na hindi mareappoint ang dalawang Cabinet members.
Masakit ang ginawa sa tatlong Cabinet secretaries dahil kahit sabihin pang may mga pagkakamali ang mga ito, dapat man lamang ay binigyan sila ng tinatawag na graceful exit para kahit na papaano ay hindi lumabas na kahiya-hiya at sa kanilang pag-alis ay dala-dala nila ang kanilang dignidad.
Pati mga alagang bloggers ni Liza ngayon ay nag aaway-away dahil sa palpak na pamamalakad tulad ng nangyayaring favoritism at hindi patas na pamamahagi ng tinatawag na ‘grasya’ na pinagmumulan ng gulo at intriga.
At mukhang kinopo na ni Liza ang kapangyarihan sa Malacanang dahil sa halos wala na sa eksena ang iba pang power bloc tulad nina Special Assistant to the President Ernesto “Repapips Anton” Lagdameo, DILG Secretary Benhur Abalos at House Speaker Martin Romualdez.
Sa ngayon, talagang kailangan ng maayos at matinong advisers ni Bongbong at hindi dapat na masentro lamang kay Liza ang impluwensiya at mga desisyon lalu na marami ang nagsasabi na bagsak ang grado ng presidente sa unang 100 araw nito ng panunungkulan.
Kailangang kumilos at tugunan ni Bongbong ang problema sa mataas na presyo ng bilihin, kawalan ng trabaho, patuloy na pagbagsak ng piso kontra dolyar, mababang pasahod, insurgency, krimen, droga at West Philippine Sea.
Hindi dapat magpapetiks-petiks si Bongbong sa kanyang panunungkulan dahil seryoso ang problemang kanyang kinakahaharap hindi lamang sa usapin ng ekonomiya kundi sa pulitika tulad ng banta ni dating Pangulong Digong sa isinagawang National Assembly ng PDP-Laban nitong Setyembre 29.
Sabi pa ni Digong… “But the president can be very sure that in the coming days, we will fiscalize. Pag may nakita tayong masama, we will raise our voice because that is the essence of democracy.”
Kaya nga, dapat maghinay-hinay at mag iisip-isip itong si Liza dahil baka magulat na lamang siya na wala ng kakampi ang kanyang mister at pati ang malalapit nilang mga kaibigan ay lumayas na mula sa Malacanang.
Manang Imee… pasok!!!