Si Isko, si Pacman at ang estado ng agrikultura

NGAYONG nagdeklara na si Manila Mayor Isko Moreno, Senador Manny Pacquiao at Senador Panfilo Lacson na available sila bilang kandidato sa pagka-pangulo ng bansa ay hinihintay na lang natin ang pormal na anunsyo nila Vice President Leni Robredo, Davao City Mayor Sara Duterte at dating senador Bongbong Marcos.

At kung mayroon man na hindi pa naisama sa aking listahan tulad ni Senador Richard Gordon at kung sino mang dark horse na hahabol sa deadline ng filing of candidacy sa Comelec na magsisimula sa October 1 hanggang 8 ay ating aabangan.

Bukod kay Mayor Isko at Senador Pacquiao ay nakabitin pa rin ang sa ngayon ang desisyon ni Mayor Sara at VP Leni habang si dating senador Bongbong ay nag-aalangan kung pagka pangulo ba o bise na lang muna. Pero ipinangako niya na ang kanyang pagtakbo ay nakatuon sa desisyon ni Inday Sara na nauna nang nagsabi na tatakbo na lang muna siyang Mayor ulit ng Davao City, yan ay kung tatakbo ang kanyang ama na si Pangulong Duterte na bise sa 2022.

At dahil nga lumalabas na winner-take-all nga ang labanan sa pagka-pangulo, hindi natin maiiwasan na gamitin nating daan ang pitak na ito para salain ang mga kandidato at piliin ang ating manok batay sa kanyang prinsipyo, adhikain at adbokasya na isinusulong sa kampanya.

Kaya’t bilang pauna ay tanungin natin ang ating mga sarili kung tayo ang nasa katauhan at katayuan nila. Ano ang iyong gagawin kung ikaw ang Pangulo? Ano nga ba ang gagawin mo kung ikaw ang Pangulo ng bansa?

POLICY DISTORTION

Ang policy distortions o ang pagbaluktot ng polisiya o patakaran sa sektor ng agrikultura at manufacturing ang pangunahing dahilan kung bakit bagsak ang ating ekonomiya. Ngunit balak ko munang simulan ang distortion na ito sa maling palakad ng administrasyon sa agrikultura.

Ang mga polisiya kasi ng Department of Agriculture na nagbukas ng mga agricultural products sa importasyon habang pinababayaan ang local na produksyon katulad ng bigas, sibuyas, bawang at iba pa habang pinapayabong ang dayuhang kapital sa malawakang plantasyon.

Tila hindi yata naiintindihan ng kasalukuyang kalihim ng DA ang katagang food security at ang kaakibat nitong plano sa maliliit na magsasaka.

Yan din ang obserbasyon ng National Economic and Development Authority (NEDA) kaya’t nagiging dependent ang ating ekonomiya sa output ng low-skilled labor.

Sa kanyang sinaad sa 7th annual public policy conference (APPC) webinar ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), inamin ni Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick T. Chua na ang ganitong policy distortions ay matagal nang nanaig sa loob ng 60 taon, at sa aking tingin ay mas lumalala lang ang sitwasyon at lumitaw lang ang mas malaking problema ngayong nagkaroon ng pandemya.

Ang siste, ang presyo ng mga agricultural products natin ay higit na mas mataas kaysa noong bago magpandemya. Batid kong alam naman natin na mahigit sa 50 porsiyento ng populasyon natin ay galing sa sector ng agrikultura at dahil sa kakulangan ng plano at oportunidad sa kanila lalo na sa mga probinsya ay napipilitan ang mga ito na maging alipin ng labor sector.

Sa produksyon na lang ng bigas, pinabayaan ng DA at National Food Authority (NFA) ang ating mga magsasaka magmula sa pagkuha ng palay hanggang sa anihan, at maging sa pagbili. Bagama’t sinabi na ni Pangulong Duterte na libre na ang gagamitin na patubig ng mga magsasaka, ang katotohanan ay iilan lang sa mga ito ang nakikinabang.

Malabnaw din ang programa ng DA sa pag-acquire ng mga farm increment at equipment na libre sanang magagamit ng mga rice farmers pero absent ito sa taunang budget kaya’t ang iba, lalo na sa Central Luzon ay lumilipat na sa ibang produkto kagaya ng mais at iba pa na ginagamit ng mga malalaking feed mills.

At ang pinakamasakit sa kanila ay sa halip na bilhin ng mas mataas ang presyo ng palay ay hinayaan ang mga trader na baratin ang mga ito. Ang presyo kasi ng farmgate price ng palay sa ngayon ay umaabot na lang sa P16-P17 per kilo.

Sa tingin kasi ng kalihim William Dar, hindi naman talaga galing sa hanay ng magsasaka, bagkus ay dating ehekutibo ng isang multi-national agricultural corporation, mas maganda pa na mag-angkat na lang ng bigas dahil mas mura gayong batid naman niya na ang mga ganid na traders din naman ang dahilan ng pagtaas ng presyo ng bigas.

Ang sitwasyon pa sa kasalukuyan ay ang pagpapabaya ng gobyerno sa lumiliit na bilang ng mga farmland na kinakain na ng mga paglaki ng mga komunidad at pag-convert sa mga sakahan para sa commercial at industrial complex.

Ayon kasi kay Chua, na bagama’t huli na sa pagbaba ng polisiya, ay ang effort ng Administrasyong Duterte na i-transform ang agriculture na isang pundasyon ng “structural transformation post-pandemic.”

“Instead of agricultural productivity paving the way [for] a labor-intensive manufacturing sector, then a capital-intensive manufacturing sector, and finally a high-skill services sector, a different path happened,” pag-amin pa ni Chua.

Inamin din niya na ang agricultural productivity ay nanatiling “depressed” at ang manufacturing dahil hindi malinaw kung anong produkto ang gusto nating palakasin batay sa ating kakayahan ay hindi lumago. “As a result, a low-skill services sector has emerged as the dominant sector in the economy. Employment shifted out from agriculture to the informal services sector, instead of manufacturing,” dagdag pa niya.

Ngunit malabo din ang policy directive ni Chua dahil hindi naman talaga masasagot ng Rice Trade Liberalization (RTL) Law na kasama niyang isinulong ang ating food security sa pangmatagalang panahon. Bagama’t pansamantalang na kontrol nito ang pagtaas ng presyo ng bigas sa merkado, bigo naman ang pamahalaan sa mas maraming produktong agrikultura.

Mula nang ipasa ang RTL hindi na masyadong tumaas ang presyo ng bigas dahil pinalabas ng gobyerno na ang pag import natin ng bigas ay kasama na rin sa produksyon.

At dahil sa pagtaas ng presyon ng bilihin, ang pobreng magsasaka na binarat na ay hindi na makakahabol sa mahal na presyo ng bilihin.

Kaya’t sana sa eleksyon sa 2022 ay gawing isang malaking isyu ito at i-engage natin ang mga tatakbo kung ano ang pananaw at tunay plano nila sa agrikultura.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]