Si Imah, ang komedyanteng OFW

MARAMING stand-up comedians dito sa Dubai ngunit karamihan ay mga ibang lahi. Bibihira ang Pinoy o Pinay. Kung meron man, ay dun sila kadalasang nagpe-perform sa mga bars at clubs na kalahi rin ang audience.


Kaya nga bukod tangi si Fatima Dumagay (mas kilala sa ngalang Imah), tubong Cotabato City at dumating sa Dubai noong 2007.

Matagal muna syang nag-day job bilang executive assistant ng CFO sa isang korporasyon.

Nagsimula siya sa mga bar gigs – katuwaan lang; hanggang humantong sa isang major one-woman, hour-long show na ginanap sa The Theatre ng Mall of the Emirates.

Sikat!

Di n’yo naitatanong, ang The Theatre ay de-kalidad na cultural venue. Doon itinanghal ang “The Nutcracker” ballet show.

Iba-ibang expats ang tagapanood ni Imah. At sa ikatlong pagkakataon nga ay nag-perform uli siya roon nitong Sept. 2.

Rurok ng tagumpay, ika nga – height ng career.

Pero di nakalilimot itong sa Imah. Balak n’yang aliwin ang mga ka-uring overseas Filipino workers (OFWs) na nasa pangangalaga ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) itong darating na Kapaskuhan.

“Gustong gusto ko nang mangyari ito. The plan is to do a free show para sa mga kababayan natin na nasa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA),” ani Imah.

“Plano kong gawin bandang December para sa mga hindi nakauwi. Maghahanap din kami ng mga magdo-donate ng damit at kung anu-ano pa para pamasko sa kanila,” sabi pa nya.

Karamihan sa distressed OFWs na nasa POLO (tanggapan din ng OWWA) ay mga kasambahay na “tumakas” sa kani-kanilang mga amo dahil sa umano’y mga kalupitan.

Marami rin sa kanila ay mga biktima ng human traffickers na nangakong magkakaruon sila ng trabaho bilang office admin o waitress, yun pala ay magiging kasambahay.

Ang siste kasi ay ipinapasa ng mga traffickers na ito ang kanilang biktima sa mga job placement agencies dito na ligal naman na nag-ooperate.

Nababagay rin naman ang balak ni Imah para sa mga distressed OFWs. Kasama sa tema ng kanyang komedya ay ang buhay-kasambahay.

“I am usually mistaken for a waitress and I’d dismiss it like by saying, ‘Come on we’re not all waitresses – I’m a maid!’ That’s the punch. So, it’s like playing with the stereotype,” nabanggit pa nya sa mga nauna kong panayam.

Kwela ang mga punch line ni Imah kaya nga naman sa loob lamang ng mahigit isang taon na nakakatatlong show na sya sa The Theatre.

Pagpupugay!


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]