Si Igme: Ang Cain ng Ating Panahon

SA purok ng mga kuting sa bayan ng Caribquib, may dalawang magkapatid na pusa na kilala ng marami dahil sa magkaibang kapalaran at pag-uugali.

Noon, masagana at mapayapa ang Caribquib, ngunit unti-unting nalugmok sa kaguluhan at korapsyon dahil sa mga nagdaang lider nito.

Si Apong, isang simpleng pusa, ay kilala sa bayan bilang masipag, masayahin, at bukas-palad na pusang-bahay. Hindi man siya kasing-galing ng iba, iniidolo siya ng mga taga-Caribquib dahil sa kanyang katapatan, kababaang-loob, at pagiging kuntento sa buhay. Lagi siyang handang tumulong nang walang hinihinging kapalit—lalo na sa mga batang pusa at matatanda.

Si Igme naman—bagama’t naliligo sa yaman at kapangyarihan ng kanyang amo—ay may pusong puno ng paninibugho. Sa bawat tagumpay ni Apong, lalo siyang nag-aalab sa inggit.

Dito nagsimula ang paninira ni Igme sa kapatid. Kumalat ang mga kwentong gawa-gawa niya:

“Si Apong ay sinungaling.”

“Si Apong ay mapagkunwari.”

“Si Apong ay ipokrito.”

“Si Apong ay korap.”

“Si Apong ay adik.”

At dahil maimpluwensya si Igme, marami ang naniwala. Unti-unting nagkaroon ng pagdududa ang ilang pusa kay Apong, kahit wala naman silang nalalaman sa tunay na pinagmulan ng alitan ng magkapatid.

Isang araw, dahil sa katapatan at sipag ni Apong, nahalal ito bilang presidente ng mga pusa sa Caribquib.

Natuwa ang buong bayan.

Pag-upo pa lang niya, agad niyang ipinatawag ang mga tagasuri, eksperto, at matatapat na opisyal. Ipinag-utos niya ang malalimang imbestigasyon laban sa mga dating mga pusa na nagnakaw sa kaban ng bayan.

Determinado siyang papanagutin ang mga ito at ipakulong.

Nataranta ang mga tiwaling pusa.

Nagtipon sila. Nagsabwatan. Nagplano.

Nag-organisa sila ng mga kilos-protesta, nagpalabas ng mga pekeng balita, nagbayad ng huwad na testigo, at nagpakalat ng mga pusang manggugulo para atakehin ang administrasyon ni Apong at pwersahin siyang pababain sa puwesto para palitan ng pusang nais nilang iluklok.

Nakita ito ni Igme bilang perpektong pagkakataon upang tuluyan nang wasakin ang pangalan ng sariling kapatid. Mabilis siyang sumanib sa mga mapagsamantala.

Sa harap ng publiko, lantaran niyang tinalikuran at siniraan si Apong.

Inakusahan niya ito ng pagnanakaw, pagiging lulong sa bisyo, pagiging sinungaling—at kung anu-ano pang kasinungalingan at gawa-gawang kwento.

Nang malaman ito ng pamilya, nabigla silang lahat. Hindi nila akalaing si Igme mismo ang magpapahiya at maninira sa kanilang sariling dugo.

Nasaktan ang pamilya, ngunit higit silang nabahala sa masamang pag-uugali ni Igme. “Paano niya nakuhang lumubog nang ganoon kababa?”—pagtataka nila.

Sa gitna ng kaguluhan, nanatiling tahimik si Apong. Hindi siya gumanti. Hindi siya nagpaapekto sa galit at paninira ng kapatid. Ang tanging makikita sa kanyang mga mata ay pag-unawa.

Ngunit si Ida, ang dalagitang anak ni Apong, ay hindi na nakatiis.

Isang hapon sa harap ng lumang munisipyo, humakbang si Ida sa entablado.

Nanginginig man ang tinig niya, matatag ang puso.

“Lumaki akong may respeto at pagmamahal sa aking amain na si Tatay Igme,” panimula niya—“kaya’t napakasakit makita ang ginagawa niyang paninira at kasinungalingan—lahat para lang sa sarili niyang interes, kahit kapalit ay ang kapahamakan ng aming pamilya.”

Tahimik ang buong plaza.

“Walang mabuting maidudulot ang paghahasik niya ng mga kwentong gawa-gawa. Ang ginagawa niya ay mapanganib, iresponsable, at nakakasira —hindi lang sa aking ama, kundi pati sa buong bayan. Tinalikuran niya kami, ang mga kapamilyang lagi namang naghangad ng mabuti para sa kanya,” mariing sabi ni Ida.

Humigpit ang hawak niya sa mikropono.

“Hindi na ito tunggalian ng mga prinsipyo’t ideya. Hindi ito tungkol sa pamamalakad. Ito ay tungkol sa kanyang pag-uugali na hatid ng inggit.”

Nagtinginan ang mga pusa—at unti-unting nabuksan ang kanilang isipan. Sino nga bang pagkakatiwalaan mo, kung kayang ilaglag ng isang pusa ang sarili nitong kapatid?

Nagbulungan ang mga pusa sa plaza:

“Hindi tama ang asal ni Igme.”

“Kinakain siya ng poot at panibugho.”

Nagpatuloy si Ida.

“Mahirap pagkatiwalaan ang kunwa’y napakalinis ng tingin sa sarili— sisiraan ang kapatid para siya ang magmukhang anghel sa madla. Kahit ano pa ang sigalot, kapatid at kadugo pa rin niya ang aking ama. Respeto na lang sana sa aming pamilya.”

Huminga siyang malalim. At sa huling pagtindig para sa kanyang ama at ang kanilang angkan, malinaw ang kanyang pahayag sa kanyang Tatay Igme:

“Hindi ito asal ng isang tunay na kapatid.”

PAGGUNAM-GUNAM:

Hindi kailanman tama ang manira ng kapatid o kadugo. Ang pagkakapatid ay hindi dapat maging larangan ng politika o personal na ambisyon—at ang inggit ay nagbubunga ng pagkawasak ng pagkakaibigan at relasyon sa loob ng pamilya.

Ang pagsira sa kapatid para sa pansariling interes o pahihiganti ay nagpapakita ng kawalan ng dangal at prinsipyo— hindi ito maka-Kristyano, lalong hindi maka-Pilipino.