Si Coco at si Brian ng FPJ Panday Bayanihan partylist

TODO suporta si Coco Martin, ang bida ng Batang Quiapo, kay Brian Poe Llamanzares sa unang bugso ng kampanya ng FPJ Panday Bayanihan Partylist na ginanap sa Pangasinan, ang lalawigang pinagmulan ng angkan ni Da King Fernando Poe Jr.

Sa isang motorcade, magkasama sina Coco at Brian kabilang si Senator Grace Poe na lumibot sa mga bayan ng Calasiao, Dagupan, Sto. Tomas, Basista at San Carlos para ipaabot ang mensahe ng FPJ Panday Bayanihan Partylist sa mamamayan ng Pangansinan.

Sa pagharap ni Brian sa mga Pangasinense, nilinaw nito na ang magiging sentro ng pagtulong ng FPJ Panday Bayanihan Partylist ay sa sektor ng mga magsasaka, mangingisda, transport, urban poor at frontline workers.

Sabi pa ni Brian… “mga kasama, bilang apo ni FPJ, ito lang talaga ang pangarap ko… na ituloy ang legasiya ng aking lolo. At hindi ko makakalimutan ang sinabi ni FPJ sa kanyang talumpati noong 2004, na ang kanyang serbisyo sa mamamayan ay walang katapusan.” 

Kung matatandaan, ang FPJ Panday Bayanihan Partylist ay nakasandig sa diwa ng ‘Bayanihang Pilipino’ at layunin nitong tulungan ang mga nangangailangan at mga kapos-palad, higit sa lahat ang mga biktima ng kalamidad.

Sinabi naman ni Coco… “ang partylist po na FPJ Panday Bayanihan, ginawa po ito para maglingkod at tumulong po sa lahat ng mga Pilipino dahil alam po natin ang pinagdadaanan ng buong mundo at ng buong bansa.”

Binigyan diin ng Batang Quiapo star ang magagandang bagay na nagawa ng FPJ Panday Bayanihan, dahilan para dapat papanalunin ito bilang isang partylist sa darating na halalan.

“Napakaraming bagay na po ang nagawa ng FPJ Panday Bayanihan Partylist, hindi pa naman ito nagiging partylist, tumutulong na sila sa lahat ng pinagdaraanan ng mga Pilipino,” dagdag pa ng aktor.

“Kaya andito po kami ngayon. Andito po ako ngayon sa inyong harapan para sabihin po sa inyo na isa po ako sa katulong nila upang ipaglaban ang lahat ng mga Pilipino,” hirit pa ni Coco.

Matatandaang sinabi ni Grace na nasa kamay ngayon ni Brian ang pagpapatuloy ng inumpisahang laban ni FPJ, at kailangan niya itong pagbutihin at higit sa lahat ay ipaglaban ang mga mahihirap at inaapi.