WALANG nakikitang pag-ahon sa kalagayan ng konsyumer ngayong 2024 ang SUKI o Samahan ng Nagkakaisang Konsyumers, Inc.
Patuloy na haharap sa matinding hamon ang mga mamimili at kailangang humanda sa isa na namang mapanghamong taon resulta ng mga polisiya ng gobyerno tungkol sa presyo at setbisyo na nagdidiin, imbes na nag-aangat, sa konsyumers.
Nasimulan ang taong 2024, ayon sa SUKI, ng mas tuminding hinaing ng mga mamimili. Ang mga karapatan sa sapat na pangangailangan, sa kaligtasan, edukasyon, impormasyon, kompensasyon, representasyon, malusog na kapaligiran ay paulit-ulit na nilalabag ng nagpapatuloy na mga batas, kautusan at direktibang anti-konsyumer:
-pagpapababa ng import tariffs sa bigas, karne at iba pang uri ng pagkain;
-ang pagpapabaya ng gobyerno sa mga manggagawa sa transport na mawawalan ng permanenteng trabaho dahil sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP);
-malawak na kawalang-kaseguruhan sa sistemang pang-transportasyon: walang malinaw na ruta, maya’t mayang pagtaas ng pamasahe, at mas pinalakas na komersiyalisasyon sa transport sector kung saan naisasantabi na ang konsepto nito bilang public service;
-panibagong water rate hikes na mula P5 hanggang P7 kada metro kubiko sa Metro Manila at mga kalapit-probinsya kahit hindi maayos ang daloy ng serbisyo sa ilalim ng water privarization;
-karagdagang singil sa kuryente na aabot hanggang P17 sa bawat kumukonsumo ng 200 kada-kilowatt hour;
-maya’t-mayang banta ng demolisyon laban sa urban poor, coastal at rural communuties upang bigyang-daan ang malalaking proyekto ng gobyerno- habang isinasantabi ang panlipunang hustisya para sa mahihirap na dapat din naman pinapangalagaan ng gobyerno sa ilalim ng tungkulin nito bilang parens patriae;
May nakaamba pang pagtaas ng presyo sa mahigit 63 batayang produkto kabilang na ang sardinas, noodles at toiletries, batay sa hiling ng mga negosyante sa Department of Trade and Industry.
Pinag-iisipan din umano ang pagpapataw ng 12% VAT sa mga digital transactions.
Ayon kay UP Prof. Reggie Vallejos, tagapagsalita ng SUKI, hindi nakakapagtaka kung sa susunod na mga araw ay lalong aalingawngaw ang sigaw ng mga konsyumer na dapang-dapa na sa mabigat na pasanin sa araw-araw.
Mga polisiyang para sa ikakagaan ng pasanin ng konsyumers ang dapat na isinusulong ng ating mga mambabatas. Kulang na kulang pa ito. Marami kasi sa ating mga mambabatas ay negosyante rin kaya ang pagkiling ay sa interes ng kapital.
Kailan kaya makakaramdam ng totoong malasakit ang ating mga mambabatas para sa mga nabudol at patuloy na binubudol na konsyumers? We are being shortchaged everyday; we keep paying more for less, pero tila tinatanggap na natin ito bilang legal na pang-iiscam. Magbayad tayo ng tamang halaga para sa tamang kalidad.
Panahon na para paboran din ang aping konsyumer.