Mahigit apat na buwan na lang mula ngayon ay simula na ng pinaka nakawiwiling season sa atin…ang sabi kasi ng mga pilosopong nakatatanda mayroon tayong tatlong (hindi dalawa) season; ang tag-ulan, tag-araw at… panahon ng eleksyon.
Sa isang bansang mas marami sa populasyon ay kinabibilangan ng magsasaka, manggagawa, urban poor/mga informal settler, ang panahon ng eleksyon kasi sa Pilipinas ay parang fiesta, nakawiwili at ang may pinakamahaba.
Ang eleksyon kasi ay parang opium na hindi natin basta maalis sa ating sistema.
Kasabay din ng pahayag ng PAG-ASA na ngayong Hunyo ay simula ng panahon ng tag-ulan, ito rin ang umpisa ng panahon ng eleksyon na magtatapos sa huling bahagi ng tag-araw, o tag-init sa Mayo ng susunod na taon. Ngayon din ang pagsulpot ng mga potential na kandidato sa pagkapangulo ng bansa, at sa darating na Oktubre ay titining na kung sino talaga ang papasok kasabay ng deadline na itinadhana ng Commission on Elections.
Sa ngayon pa lang ay nagpopormahan na ang mga frontrunner sa eleksyon; nandyan si Senador Manny Pacquiao, Davao City Mayor Sara Duterte, Manila Mayor Isko Moreno, Vice President Leni Robredo, dating Senador Bong Bong Marcos…Yung ibang “lightweight”, sumabak at natalo na katulad ni Ping Lacson at Dick Gordon ay hindi ko na isinama dahil alam naman natin na hindi naman sila seryoso at hindi sila siniseryoso ng electorate.
Ngunit mas interesado ako sa galaw ni Pacman, ang pambansang kamao at ikalawang “Bad Boy” ng Dadiangas (ang dating boxing champ Rolando Navarette kasi ang orig na Bad Boy from Dadiangas).
Sino ba ang hindi nakakakilala kay Senador Pacquiao?
Dangan kasi si Pacman lang ang pinaka interesante sa ngayon na pag-usapan at pag-aralan dahil sa siya lamang ang lehitimong galing sa masa—Isang Cinderella story kumbaga ng isang hamak na “promdi” na nagsikap sa larangan ng boksing…As they say, the rest is history ika nga.
Sa ngayon kasi isa na siyang bilyonaryong senador at kinikilala sa buong mundo bilang nag-iisang 8-time world champion sa walong weight division. Naging tuntungan nya ang magandang kapalaran at nakapagtayo pa ng isang political dynasty.
Ngayon mayaman na siya at isa nang lider sa pulitika, mataas na rin ang mga pinaplano niya ngayon, ang pasukin ang karera sa pagkapangulo.
Hindi rin naging hadlang sa kanya ang batikos na hindi siya kwalipikado dahil mababa lang ang kanyang pinag-aralan dahil itinuloy niya ang pag-aaral habang siya ay senador; tinapos ang high school, naging opisyal ang Army Reserve, nabigyan ng diploma sa kolehiyo at ngayon ay magtatapos na ng kursong Masters in Public Administration. In short, napaka colourful ang kanyang buhay.
Kung paniniwalaan ang ang sinabi ng isang kakilala kong political analyst, kapag ngayon gagawin ang eleksyon, malaki ang tsansa ni Pacman na manaig. Ngunit lumalabas sa mga survey na mataas ang ratings ni Sara Duterte. Bagama’t mataas ang public awareness (98%) kay pacman, ang susunod na tanong ay kung madadala ba niya ito hanggang sa eleksyon.
Sa mga katulad nýa kasing popular tulad nila Erap at FPJ, bukod tanging si Erap lamang ang nanalo ngunit sinawing-palad namang mapatanggal sa pwesto.
Bilang isang pugilist sanay na si Pacman sa mga pagsubok …malalim na ang kanyang pinagdaanan at hindi natin maitatanggi íyon. Sa ngayon nga ay may nakahanda pa siyang title fight laban kay Errol Spence Jr., sa Agosto.
Manalo man o matalo nakahanda pa rin siyang sumagupa sa ibang larangan—ang boxing sa pulitika dahil ngayong Oktubre ay nakahanda na siyang mag file ng certificate of candidacy sa ilalim ng PDP-Laban kung saan siya ang tumatayong tagapangulo.
Ngayon kasi ay binubuo na paunti-unti ni Pacquiao ang mga policy issues na gagamitin nýa sa eleksyon.
Sa usapin ng foreign policy, malinaw ang stand ni Pacquiao na tutol siya sa pag militarize ng China sa Kalayaan Island Group at West Philippine Sea subalit tahimik sa libu-libong piñata sa ngalan ng War on Drugs.
Sa isang radio interview, ipinangako niya na tutuldukan ang squatter problem at corruption kung sakaling palarin siyang maging Pangulo.
“No one will live in a squatter (area) especially in Metro Manila,” ang saad ni boxing champ sa isang virtual interview kay broadcaster Anthony Taberna nitong linggo lamang.
Bagama’t matayog ang pangako na ito sabi ni Pacquiao na kailangan niyang gawin ito dahil alam niya kung paano maging mahirap; “kung paano matulog sa kalsada, makaramdam ng gutom.”
Dahil sa tindig n’ya laban sa South China Sea, mariing kinastigo ni Pangulong Duterte si Pacquiao na mag-aral na muna, subalit ipinagkibit- balikat lamang niya ito dahil nag-aaral naman siya at ang mas importante aniya ang pagmamahal sa bayan.
Ngunit ang pinakamalaking bagyo na haharapin ni Pacman ay nalalapit na. Bagama’t siya ang Pangulo ng PDP-Laban nagsisimula na ang girian sa loob mismo ng partidong pinamumunuan niya dahil hindi lahat ay solid na supporter n’ya.
Ngayong Hulyo ay makikita natin kung paano gagalaw ang ilang PDP-Laban party leaders na kinabibilangan nila Energy Secretary Alfonso Cusi na vice-chairman ng partido. Tatanggalin ba nila si Pacquiao at ipoproklama si Mayor Sara bilang pambato o si Pacquiao ang magtatanggal sa kanila at panatiliin ang liderato sa mahahating partido.
Kung sakaling tanggalin si Pacquiao kasama ang kanyang mga tagasunod, anong partido ang nakahandang sumalo sa kanila?
Kayo, ano ang inyong opinyon sa pagtakbo ni Pacman?
BTW: nabalitaan ko sa isang mapagkakatiwalaang source na isang Villar ang pumoporma at nakahandang sumabak sa 2022 national elections. Kung sino at ano ang posisyon na napupusuan nýa ay ating aabangan.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]