ANG Department of Education o DepEd nga ba ang tamang ahensiya na tutugon sa problema ng recruitment ng makakaliwang grupo?
Ayon kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa, “if you want to address recruitment ng mg estudyante sa mga eskwelahan, then you have to tap the right agency, which is DepEd.”
Nasasayangan siya umano sa pagkakataon na matigil na ang recruitment ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa mga eskwelahan pag tuluyan nang tanggalin ang P150 million na hinihinging intelligence fund ni DepEd Secretary at Vice President Sara Duterte.
Alam kaya ni Sen. Dela Rosa ang kanyang sinasabi?
Hindi ba’t trabaho ito ng intelligence community ang mangalap ng impormasyon hinggil sa mga kahina-hinalang galaw ng mga grupong kalaban ng bayan?
Marami nang iniintindi ang mga guro, daragdagan pa ni Dela Rosa ang trabaho nila.
Batay sa guidelines ng Commission on Audit (COA), ang intelligence fund ay para sa “information gathering activities of uniformed and military personnel and intelligence practitioners” na may direktang epekto sa ating national security.
Wala naman ito sa mandato ng mga guro, lalo na ng DepEd.
Ang pinakamandato ng ating mga guro ay protektahan at mabigyan ng kalidad, culture-based, at kumpletong basic education ang mga bata.
Nasaan dito ang intelligence gathering bilang kasama sa mandato ng mga guro? Wala.
Ang mga guro ay trained para magturo. Kakailanganin nila ng panibagong training mula sa intelligence unit ng PNP o ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para malaman nila sino ang mga makakaliwang recruiter.
Ang tanong ko naman, sa loob nga ba ng silid-aralan o sa school grounds nangyayari ang recruitment? Hindi ba’t mas madalas ay sa labas nangyayari ang pangungumbinsi para hindi masyadong obvious?
Ipaglalaban daw ni Dela Rosa sa Senado na maibigay kay DepEd Secretary Duterte ang intelligence fund at umaasa siya na may kakampi sa kanyang kapwa niya senador.
Iba naman ang sinabi ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Ayon sa dating pangulo, sabihin na lang daw ng kanyang anak na ang intelligence funds ay gagamitin laban sa mga komunistang nasa Kongreso.
Bakit nga ba ayaw bitawan ang isyu ng intelligence fund? Maingay pa rin hanggang ngayon si VP Duterte, Dela Rosa, at dating Pangulong Duterte. Sa mga speech ni VP Duterte ay laging may pasaring laban sa mga tumutol na bigyan siya ng intelligence fund.
Isa lang ang maliwanag, ang intelligence fund ay dapat na mapunta sa ahensiyang higit na nangangailangan at hindi sa ahensiyang nagkukunwaring kayang labanan ang kaaway.