SERYOSO ba o hindi si Sara D. sa congressional hearings para sa budget ng kanyang Office of the Vice President o OVP?
Nitong August 30, hindi niya pinayagang kwestyunin siya sa kanyang budget lalo na sa confidential funds noong December 2022.
Pagdating sa Senate hearing nitong Monday, September 4, iba na ang sinabi niya – “we can live without confidential funds.”
Pero kinumfirm niya na nag-request nga siya ng P125 milyon confidential funds last year.
Sa hearing sa Kamara, obvious na nagsabwatan ang liderato na wag nang mag-deliberations sa proposed P2.385 bilyon OVP budget for 2024.
Nakakatawa pa nga ang nangyari, dahil hindi na nga nag-deliberation pero, tinerminate naman ang budget, ibig sabihin, binaril ang budget ng OVP, wag nang budgetan yan.
Paano nangyari yun?
Bago pa kasi matapos mag-thank you si Davao de Oro Rep. Maricar Zamora sa presentation ni Sara D., umepal na si Ilocos Norte District 1 Rep. Sandro Marcos:
“In line with the long-standing tradition of giving the Office of the President parliamentary courtesy, I move to terminate the budget of the Office of the Vice President.”
“.. terminate the budget..” daw.
Sa sobrang excitement, nalito na sa sinabi, nahuhuli tuloy ang mga kalokohan.
Sa loob lang ng 15 minutes, pasado sa Kamara ang OVP budget.
Ito’y dahil pina-shut up si ACT Party-list Rep. France Castro na matagal nang kinukwestyon kung bakit biglang nagkaron ng P125 milyon confidential budget si Sara D na hindi naman kasama sa approved budget para sa 2023 at kung saan ito ginastos.
Sa nangyaring yan, nag-backlash kay Sara D at Kongreso:
Binagyo ng batikos ng taumbayan si Sara D na – bastos, at ang mga kongresista na – mga tuta.
Mararamdaman mong nagsabwatan para matuwa ang kanilang amo na si Sara D. ang susunod daw na presidente.
Bise presidente pa lang siga-sigaan na. Mana-mana talaga.
Nang humarap na si Sara D. sa Senate hearing, iba na ang drama.
Nagmukhang sinagot niya ang mga tanong nina Senators Risa Hontiveros at Koko Pimentel, alam mo yun – pero nagkakanda-buhol-buhol ang paliwanag.
Pero nang hindi kinaya ang matatalas na pambubusisi ni Hontiveros, inginuso ang Office of the President at Department of Budget and Management O DBM.
Sabi ni Sara D.:
“We requested confidential funds to the Office of the President as early as August 2022 and we’re only granted the confidential funds in December 2022.”
Dagdag pa ni Sara D.:
“I think the DBM can better answer the question of the transfer of funds from their source to the OVP. We complied with the reportorial requirements of the use of the funds as confidential funds.”
Sa bandang huli, hirit ni Sara D.:
“We can only propose, we are not insisting. We can live without the confidential funds.”
So, nananadya lang ba kay Rep. Castro dahil bwisit siya?
Nagpa-cute kina Hontiveros?
Na-pressure sa mga batikos laban sa kanya?
O, kinausap siya ng mga kakamping senador na lumaro na lang anyways, ipapasa naman nila ang OVP budget? (Ipinasa naman talaga agad-agad.)
Pero may bawi pa rin sa huli si Sara D.:
“But of course, our work will be much easier if we have the flexibility of confidential funds in monitoring the safe, secure and successful implementations of the programs, projects and activities of the Office of the Vice President.”
Ang gulo o nanggugulo ng isip?
Ano-ano’ng proyekto ang pinaggamitan ng OVP secret funds?
Yan ang finale na pasabog ni Sara D.:
Ginamit ang confidential funds sa tree-planting, libreng school supplies, feeding program, disaster relief, Libreng Sakay, entrepreneurship, peace building.
Ha? E may mga ahensya nang tumatrabaho riyan?
Ang mga itinatanim sa tree planting pinamimigay lang ng agriculture at environment agencies, NGOs, businesses atbp kaya ano’ng gagastusan dun lalo na’t nasa batas na bawat Pinoy ay dapat magtanim ng puno.
May pondo ka man o wala, obligado ang mga tao maghanap ng paraan.
Ang feeding di ba sa DSWD na yan, pati disaster relief.
Higit sa lahat, ano ang confidential sa mga project na yan?
Mabubura ba ang mga NPA sa projects na yan? O nag-eespiya ba sila sa mga programa na yan? Malulutas ba ng mga activity na yan ang insurgency?
Pati trabaho niya bilang DepEd secretary, head ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (TF-ELCAC) at presidente ng Southeast Asian Ministers of Education Organization e isinama pa.
E, may mga budget na yan for sure.
Grabe, ang bagsik mambudol, nakakainsulto sa aming ordinaryong mamamayan na nagpapakahirap mabuhay.
Para siyang naglalaro o talagang pinaglalaruan lang niya sa kanyang mga kamay ang kinabukasan ng bayang ito?
Hiwalay na diskarte kay Marcos Jr. na pinababayaan at pinapaboran lang siya sa mga gusto niyang gawin at kapritso ngayong nakapwesto na sila pareho sa liderato.
Nagsusuportahan sa mga maniobra, pagsasamantala, panggigipit, pagnanakaw sa taumbayan.
Ahh, naalala ko pala, ngayon pa lang e, kailangan nang mag-invest ni Sara D. sa pagtakbo niya bilang presidente kaya umasa na lalaki pa ang secret funds na yan habang papalapit ang 2028.