GRADUATION. Pagtatapos.
Isa sa pinakahihintay na ganap sa buhay estudyante.
Ibig sabihin nito, wala nang mga exam na bubunuin. Wala nang mga project na pagpupuyatan.
Tapos na rin ang cramming.
Ang sarap isipin.
Hindi pa nga ako tapos sa pag-congratulate sa mga post ng aking Facebook friends kung saan nagtapos ang kanilang mga anak, senior High School man o sa kolehiyo.
Ano nga ba ang magiging future ng mga bagong graduate sa panahon ngayon?
Sa malaking bilang ng fresh graduates, ilan kaya sa kanila makakanahap agad ng trabaho? Ilan sa kanila ang makakapag-abroad? Ilan sa kanila ang magiging maswerte?
Sa totoo lang, mahirap pa rin maghanap ng trabaho dito sa ating bansa. Marami pang bilang ng mga nagtapos noong mga nakaraang taon ang hanggang ngayon ay jobless. Kaya yung iba, nagbabakasaling kumita at sumikat bilang isang vlogger.
Yung iba naman, apply lang nang apply at nagbabakasaling matanggap kahit na hindi akma sa tinapos nila. Mababa man ang pasahod, papatusin na nila. Ang mahalaga may trabaho at may panggastos sa pang-araw-araw.
Ang isa sa nagpapahirap sa mga naghahanap ng trabaho ay ang mga kumpanyang naghahanap ng empleyado na “with experience” na.
Walang laban dito ang mga bagong graduate.
Kung ako ang may-ari ng isang negosyo, maliit man ito, ay mas nanaisin ko na kunin bilang mga empleyado ang mga bagong graduate.
Bakit? Una, hindi pa matigas mga ulo nila, susunod sa utos nang hindi sumisimangot. Pangalawa, magpapakitang gilas ang mga yan at mas mabilis matapos ang trabaho. Kumbaga at healthy competition. Pangatlo, mas gusto ko na sa aking kumpanya sila natuto paano maging isang maayos na empleyado, yung natuto ng “good work ethics.”
Sa mga bagong graduate, huwag naman mag-asam agad ng mataas na pwesto o mataas na sahod. Lahat nagsisimula sa ibaba.
‘Ika nga ay prove yourself na karapat-dapat kayong maging regular na empleyado. At pag naging regular na ay ipakita niyo na karapat-dapat kayong i-promote balang araw.
Hindi basesan kung nagtapos ka with high honors o kulelat ka.
Ang basehan ng iyong ikauunlad ay kung may respeto ka sa mga nakatataas sa iyo at kapwa mo empleyado, may natatanging sipag, at may tiyaga na matutunan ang iyong responsibilidad bilang empleyado.
At kung may sapat ka nang ipon, malay mo, balang araw ay ikaw naman ang magtatayo ng sarili mong maliit na kumpanya at mging boss.
Ikaw naman ang magbibigay ng pagkakataon sa mga future graduates.