MAY nakapagpadala sa akin ng isang video kung saan ay binabanggit ni Isko Moreno na tila ‘bayad’ na siya ng utang na loob sa yumaong si Manila Vice Mayor Danny Lacuna na siyang pangunahing nag-alaga, nagturo at bumuhay sa kanyang katauhan at political career upang maabot ang kanyang mga pangarap at maiahon siya sa kahirapang kinasasadlakan niya noong sa Tondo pa siya nakatira.
Sa kanyang napakahabang litanya, sinasabi sa video ni Isko na 20 taon daw niyang ‘inalagaan’ ang mga anak ni Vice Danny at sa kanyang pahiwatig ay parang utang sa kanya ng magkakapatid na Lacuna kung nasaan sila ngayon.
Panahon pa lamang ng yumaong Mel Lopez, Jr. ay nagko-cover na ang inyong lingkod sa Manila City Hall kaya sa totoo lang, nasaksihan ko ang lahat ng pangyayari roon.
Sa awa ng Panginoon ay nakilala at naging kaibigan ko ang lahat ng naupong alkalde sa Maynila, maliban lamang kay ex-President Erap Estrada –mula kay Lopez, Fred Lim na siyang original na ‘Yorme’, Lito Atienza, Isko Moreno at ngayon, si Mayor Honey Lacuna.
Siyempre pa, bukod sa mga alkalde ay naging kaibigan ko din ang mga vice mayor, mga konsehal at maging mga opisyal ng lungsod at sa tagal ng aking pagko-cover sa City Hall at mga nakahuntahan ay marami akong alam na kasaysayan diyan.
Reporter na ko dun nang dumating si Isko bilang first-term councilor at dun pa lang ay naging magkakilala na kami at naging magkahuntahan— nung mga panahong hindi pa siya mayaman, sikat o may posisyong mataas sa gobyerno.
Base sa aking mga nasaksihan sa loob ng maraming taon, masasabi ko na ‘unfair’ para sa pamilya Lacuna na sabihing utang nila kay Isko kung nasaan man ang bawat isa sa kanila sa ngayon.
Una sa lahat, itong si Mayor Honey Lacuna na nagsimula ng kanyang karera sa lungsod bilang doktora, ay nakapasok sa City Hall nuong panahon ni Mayor Lim.
Gayundin ang kanyang asawang si Dr. Poks Pangan, samantalang si Dennis Lacuna, na isang arkitekto, ay itinalaga naman ni Mayor Erap.
Ang mga kapatid ni Mayor Honey na sina Dr. Lei Lacuna at Philip Lacuna, na kapwa konsehal sa kasalukuyan, ay parehong inihalal ng taumbayan.
Hindi sila ini-appoint at itinalaga lamang basta sa posisyon. Kung naging konsehal man sila, ‘yan ay bunga ng kanilang pagsisikap at kampanya sa tulong ng partido nila, ang Asenso Manileño, na itinatag ng kanilang ama na si VM Danny.
Lalo namang hindi utang ni Mayor Honey ang posisyon niya kay Isko. Vice Mayor si Honey nang magdesisyon si Isko na sumabak sa Presidential election, kaya walang choice kundi tumakbo si Honey bilang mayor, dahil nga ito ang vice mayor nang mga panahong iyon.
Gayunpaman, nag-sariling kayod si Honey at katambal na si Yul Servo sa pangangampanya sa buong lungsod, dahil abala na si Isko sa pangangampanya sa mga probinsiya nang mga panahong iyon, habang ang mga miyembro ng Asenso Manileno ay pawang nakatuon din ang pagtulong kay Isko.
Sa buong campaign period, nakita kong lumutang lamang si Isko sa proclamation rally at miting de avance ni Honey. Ni hindi niya sinamahan sina Honey na mag-motorcade o magbahay-bahay sa loob ng 45 araw ng kampanya at ni hindi rin niya pinondohan si Honey.
Nanalo ito sa sariling hirap, sikap at merito dahil kita naman sa kinalabasan ng eleksyon na ni hindi nanalo si Isko sa Maynila, dahil si President Bongbong Marcos, Jr. ang nakakuha ng pinakamalaking boto mula sa mga taga-Maynila nung 2022 elections.
Sa ganang akin, sana kung ayaw niyang tanawing utang na loob sa pamilya Lacuna ang kung anuman ang kanyang narating sa buhay na puwesto at kasaganahan, huwag na sanang baligtarin pa ni Isko ang kwento, na parang ‘yung mga Lacuna pa ang may utang na loob sa kanya.
Ang kanyang pag-angat sa pulitika ay utang niya sa partido, lalo na sa mga haligi nito na sina VM Danny at ngayon ay city administrator Bernie Ang na siyang nagturo, nagpa-aral at tumulong sa pinansiyal na aspeto ng kanyang buhay.
Bukod pa ‘yan sa mga mabibigat na ‘personal’ na problemang pinagdaanan ni Isko na alam kong sina VM Danny at City Ad Bernie lamang ang tanging tumulong at dumamay sa kanya, dahil ‘anak’ nga siyang itinuring ng mga ito, samantalang niyakap din siya ng kanilang mga anak bilang tunay na kapatid nila.
‘Wag sana kalimutan ni Isko na kung anuman ang iniisip niyang kapangyarihan na nagkaroon siya upang makapagtalaga ng mga tao -bagama’t hindi ang mga Lacuna- ‘yan ay utang niya sa puwestong di niya sana narating sa tanang buhay niya kungdi dahil kay VM Danny at sa mga ka-partido nito.
Kung ayaw niyang tanawin ito bilang utang na loob, ‘wag na sana baligtarin ang kuwento para lang magmukhang ‘okay’ na di niya na tanawin kay VM Danny ang mga nagawa nito para sa kanya o masabing ‘bayad’ na siya.
Ewan ha, pero sa aking pagkakaalam, sa kultura natin bilang mga Pilipino at Katoliko, ang utang na loob ay hindi nababayaran. Walang ganun. Kaya nga ‘utang na loob’, di ba?
***
DIRECT HIT entertains comments, suggestions or complaints. Please have them emailed to itchiecabayan@yahoo.com or text 0917-3132168.