Rule of China

HINDI na rule of law ang naghaharing batas ngayon sa South China Sea kundi Rule of China.

Sa pinakabago at pinakamalilinaw na kuha ng anim na reefs o bahura nito lang October 25, highly developed military bases na ang ilan sa mga ito mula nang tayuan sila ng artificial islands ng China.

Ang mga litrato ay kuha ng batikan at multi-awarded Pinoy documentary photographer na si Ezra Acayan ng Getty Images.

Idinetalye ng Radio Free Asia (RFA) at mga eksperto ang mga nakita sa anim na bahura sa report nila na inilabas sa Benar News nito lang Oct 31, 2022.

Hanggang ngayon kasi, ang nakikita nating mga larawan ng mga isla, bato at bahura sa Spratlys ay may kalabuan dahil puro satellite feed.

Ang anim ay Mischief Reef, Subi Reef, Hughes Reef, Gaven Reef, Cuarteron Reef at Fiery Cross Reef.

Tatlo rito – Mischief o Panganiban Reef, Subi o Zamora Reef at Hughes o McKennan Reef – ay sakop ng 200-mile Exclusive Economic Zone at continental shelf ng Pilipinas.

Ang dating bahura lang na Mischief o Panganiban, ngayon ay 558 hectares ng artificial island na.

Ang Subi o Zamora Reef, 394 hectares ng artificial island na, habang ang Hughes o McKennan Reef ay 7.6 hectares na rin ng artificial island.

Ano ang mga naispatan ng lente ni Ezra sa anim na mga bahurang ito na itinayo at ginagamit ng People’s Liberation Army?

Sa documentation ng RFA, mapapansin ang radar stations, airstrips at artillery installations.

Sa Mischief/ Panganiban Reef, mapapansin ang isang aircraft sa tarmac.

Meron ding buildings, recreational facilities, airstrips at communication structures.

Meron ding airfield, buildings at iba pang structures sa Subi/ Zamora Reef.

Sa Subi/Zamora at Mischief/Panganiban Reefs, bukod sa airstrips para sa fighter planes, meron din itong malalalim na pier para makadaong ang warships tulad ng destroyers at frigates.

Ang air at naval bases na ito ay gwardyado ng anti-ship at anti-aircraft missiles.

Naispatan din ng ilang eksperto ang bagong tipo ng building sa Fiery, Mischief at Subi.

Mukha itong garahe na maaaring nagtatago ng missile launchers ayon kay Tom Shugart, Senior Fellow sa Center for New American Security.

Tingin naman ni Tyler Rogoway, editor ng War Zone, pwede yang gamitin bilang bahay, service at mag-deploy ng launchers na gamit sa surface-to-air, anti-ship, o kaya ay surface-to-surface missiles.

Sa Fiery Cross Reef, pinakaadvance na military base, kita sa runway ang KJ-500 airborne early warning and.control aircraft.

Dagdag pa ni Rogoway, madalas ang operasyon ng KJ-500 at iba pang intelligence gathering at submarine-hunting aircraft sa airfields ng Fiery Cross.

Matatagpuan sa lahat ng artificial islands ang radomes, gun terrets at close-in weapon systems na nagde-detect at nagpapasabog ng incoming missiles at aircraft.

Kaya Sobra nang nakababahala ang agresibong pag-abante ng China sa anim na15 Spratly reefs o bahura na sinakop nito.

Running joke na nga ang sinasabing paggising mo, sakop.na tayo ng China.

Sa forum ng National Youth Movement for West Philippine Sea nung October 22, binigyang diin ni dating Sr Associate Justice Antonio Carpio, na batay sa the Hague Arbitral Tribunal ruling nung 2016, Pilipinas lang ang may karapatang magtayo ng artificial islands sa Mischief/Panganiban, Subi/Zamora at Hughes/McKennan Reefs.

Ayon pa sa ruling, nilabag ng China ang UN Convention on the Law of the Sea kaya ilegal ang itinayong artificial islands.

Sabi ni Carpio, ginagamit ng China ang artificial islands para ipatupad ang invalid at illegal na 9-line na basehan ng China ng pagtatakda ng kanilang national boundary sa South China Sea.

Babala ni Carpio, ang mga construction ng China sa Mischief, Subi at Hughes Reefs ay tahasang paglabag sa international law at UNCLOS at pagbulabog sa seguridad, katatagan at kapayapaan sa South China Sea at buong mundo.

Pinalala pa ito ayon kay Carpio ng bagong China Coast Guard law.

Ayon kay Carpio, inuutusan ng bagong batas ang coast guard na paputukan ang foreign vessels na papasok sa inaangking 9-line maski na naglalayag ang foreign vessels sa labas ng territorial sea ng China, Exclusive Economic Zone (EEZ) o extended continental shelf.

Giit ni Carpio, malinaw na paglabag ito sa UN charter na nagbabawal sa paggamit ng karahasan sa pagresolba ng territorial o maritime disputes

Minamandato ng UN charter ang mapayapang paglutas sa pamamagitan ng negosasyon, mediation o arbitration tulad ng ginawa ng Pilipinas.

Kinikilala at nirerespeto ng UNCLOS ang freedom of navigation at overflight kasama ang naval drills sa EEZ at high seas pero nilabag lahat yan ng bagong China Coast Guard law.

Hindi na nga nirespeto ang decision ng Hague Arbitral Tribunal at ang Pilipinas, sinakop at pinalawig pa talaga ang mga bahura para maging artificial islands. Ngayon, China air and naval bases na.

Nababahala si Carpio na kapag nagtagumpay ang China na baguhin ang pandaigdigang kalakaran at legal order, babalik ang buong mundo sa sitwasyon bago magkaron ng UN charter:

Ito ang era na gyera ang legit na paraan para manakop ng bansa at legal ang gyera ng mga mananakop kapag sila ang nanalo.

Lantaran na ang motibo ng China: maghari-harian sa South China Sea. Magpapatuloy yan hanggang hindi nabibigwasan ang China ng iba-ibang porma ng paglaban.

Sa anumang usapan ng Pilipinas sa China – dapat itong isaisip ng mga lider ng bansa.

Pero mas lalo itong mapalalakas kapag tumindig ng iisa ang madlang pipol, patatagin ang hanay ng mga kaalyadong bansa ng Pilipinas, mag-joint maritime patrols at gamitin ang international pressure para pwersahin ang China na irespeto ang batas at panatilihin ang pandaigdigang kaayusan at kapayapaan.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]