USAP-usapan na ngayon sa apat na sulok ng Malacanang ang pagbabalik sa pwesto ng ilan sa mga dating opisyal ng pamahalaan.
Sa buwan ng Mayo ayon sa aking spotter ay babalik bilang miyembro ng Gabinete ang ilang mga dating opisyal ng ilang nagdaang administrasyon.
Sa Mayo kasi magtatapos ang one year ban para bigyan ng pwesto ang ilan sa mga kumandidato noong 2022 elections.
Matunog na balik sa Department of National Defense si dating Secretary Gibo Teodoro.
Noon pa mang administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay lumutang na ang kanyang pangalan sa nasabing pwesto pero hindi ito natuloy dahil sa corporate commitment ng dating kalihim.
Sinabi rin ng aking spotter na ilalagay sa Department of Foreign Affairs si dating presidential spokesman Harry Roque.
Kailangan kasi sa nasabing kagawaran ang pagiging eksperto ni Roque sa international law lalo’t papainit ang sitwasyon sa West Philippine Sea at sa pagitan ng China at Taiwan.
Dito ay tiyak na marami ang tataas ang kilay dahil ikinukonsidera na umano sa posisyon bilang kalihim sa Department of Trade and Industry si Mr. Palengke Mar Roxas.
Di na rin naman ako nagulat sa balitang ito dahil bukod sa “unity” theme ng kasalukuyang administrasyon ay magkamag-anak rin naman sina Roxas at First Lady Liza Araneta-Marcos.
Ngayon pa lang siguradong iinit na naman ang usapin sa magkabilang bakod ng pulitika sa bansa.
Anuman ang kahinatnan nito dapat lang na matiyak na hindi kakapusin sa kinakailangang serbisyo ang publiko.
Inaasahan iyan lalo na sa mga pinagkatiwalaan ng pwesto sa gobyerno.
***
Follow us on Facebook @PinoyPubliko