LIMANG daan kilometro ang layo ko sa sariling tahanan bago sumapit ang Bagong taon. Tatlong araw ng makabuluhang pamamasyal sa bahagi ng Norte. Apat na simbahan ang binisita: ang Santo Domingo Parish Church sa Cataggaman, ang Calvary Hills Church at St. Claire Monastery sa Iguig at Our Lady of Piat- lahat matatagpuan sa lalawigan ng Cagayan.
Along the way, nagkaroon ng pagkakataon na makausap ang mga magsisibuyas ng Caranglaan, Nueva Ecija at nakahuntahan sa mainit na isyu ng kakulangan ng suplay ng sibuyas at mataas na presyo nito sa pamilihan.
Sabi ng isang tindera, matumal ang kanilang benta dahil sa mahal na presyo, at tila nga raw sila ay binoboykot na ng mga mamimimili pero di naman daw sila ang nagdidikta ng presyo kundi ang mga traders na kanilang pinagkukunan. Halos P10 lang umano ang kita nila sa kada kilo na noon ay nasa P350 kilo pa lamang (maliliit na klase na ang tawag nila ay lasona).
Umalis kami ng kasama ko mula Quezon City ng Martes (Disyembre 27). By Friday, December 30 at araw ng pambansang bayani Jose Rizal, muli naming tinahak ang mapanghamon at bulubundukin na mga daan ng Santa Fe at Diadi, Nueva Viscaya pabalik na ng Manila. Katulad noong kami ay papunta pa lamang, halos pigil ang aking hininga sa bawat paakyat at palusong na mga kurbada.
Ilang higit 10-wheel trak ang pumagitna sa sasakyan namin at buti na lamang talaga at mahusay ang drayber sa maniobra. Napakarami na kasing aksidente sa mga lugar na ito. Dito nahulog sa bangin ang sinasakyang Florida bus noon ng kilalang artista at komedyanteng si Tado. May dalawa pa kaming nadaanan na wasak na mga kotse na tabing daan.
Pero sulit sa ganda ang mga tanawin sa kabila ng peligro. Ang mga bundok na nakukumpulan ng hamog, ang makapal na kagubatan, at ang mga berdeng palayan. Bawat tanawin ay himala ng mahiwagang kamay ng Poong Maylikha. Nakakalula. May mga nakita rin akong kasalukuyang nagtatanim ng palay at sibuyas. Ang magagandang likhang kamay na mga dekorasyon at organikong muwebles ng mga taga Aritao, ang masarap na pansit Cabagan at batil patong, at ang pambihirang lasa ng buko pie at homemade Tuguegarao longganisa.
Ang pinakamahalagang natuklasan ko ay ang napakainit na pagtanggap ng mga taga Tuguegarao sa mga bisita. Hindi maiilang ang sinuman dahil ramdam ang sinseridad nila at kagalakan ng puso na makihalubilo.
Punong-puno rin ng kababaang-loob (humility) ang mga taga Tuguegarao. Titingnan mong ordinaryo sa pananamit at hitsura, subalit ubod pala ng yaman na tao. Subalit secondary lang sa kanila ang material na yaman. Mas mayaman sila sa kasaysayan, kaalaman at pakikipag-ugnayan sa kapwa.
Di nagtagal nga ay bumalik na kami sa NCR. Palaging ganito ang eksena tuwing magtatapos ang taon. Trapik. Hassle sa NLEX kung saan pila ng toll fee. Subalit marubdob ang pagnanasang makasama ang pamilya bago mag medya noche kaya hindi nagsasawang pumaroon at pumarito.
At iipunin ang lahat ng miyembro ng pamilya upang sama-sama na magdiwang ng bagong taon. Tinitipon ang pamilya gaya ng pagsasaayos ng mga handa sa mesa, pabonggahan, padamihan. Iba-ibang istilo ng paghahanda sa bagong taon, habang ako ay ganoon pa din sa dati: tatlo hanggang apat na putahe lamang at sapat para sa miyembro (at mga galang pusa) ng pamilya na masuwerteng walang pasok sa trabaho at nakauwi sa wakas. Mas marami ang prutas at butil, inumin at musika.
Isinasantabi ang indibidwalismo sa bawat pagpapalit ng taon.Mas matingkad ang pluralidad o pagsasama-sama, ang pakikipagkoneksyon, magasgas man ng todo ang mga gulong ng sasakyan sa pagparito at paparoon.
Mahalaga ang bisyon ng pamilya at koneksyon, ang ritual of belonging, wika nga, kesa sa isolasyon sa panahong ganito. May mga sigalot at pamamaalam, at madalas ito ay malupit, subalit sa huli, ang pagiging pamilya ay nananaig dahil tumatalima ang pamilya sa mensahe ng pagkakaisa ano man ang iniinda– at habang naglalakbay sa buhay. “Without a family, man, alone in the world, trembles with the cold,” wika nga ni Andre Malraux.
At ang pamilya ay hindi lamang tumutukoy sa affinity by blood. May mga taong pamilya sa atin, kahit hindi natin kadugo.
Sa huling araw ng taon, nagtitipun-tipon tayo sa lamesa o hapag, mula sa ating mga trabaho at bakasyon, hindi naman talaga dahil lamang sa handa, kundi para maramdaman ang napakahalagang regalo: ang pakiramdam na may pamilya, may nagmamahal, may nagpapahalaga. Bahagi tayo ng ritual of belonging.
Makabuluhang bagong taon sa aking mga readers. Pagpalain nawa ang inyong 2023!
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]