Rice of the future?

MAY exciting development sa agriculture sector ang nagpapasigla sa maraming magsasaka at nagbibigay sa kanila ng pag-asa ng mas maginhawa at kumikitang kabuhayan.

Nag-iinvest na rin ang maraming bansa rito para tiyakin ang supply ng pagkain para sa dumaraming tao sa buong mundo ngayon.

Itinataguyod na ito sa 18 bansa sa Asia at Africa tulad ng Uganda, Ethiopia, Laos, Myanmar at Bangladesh.

Ang binabanggit ko ay ang variety ng bigas na kung tawagin ay Perennial Rice o PR 23, na sentro ngayon ng global attention.

Ito’y matapos tagumpay na naitatanim ng mga magsasaka sa Yunnan, China mula noong 2018 at ngayon ay nakakalat na sa 117 lugar sa Southern China.

Ano ang Perennial Rice variety?

Perennial, kasi, taunan o kada season na siyang namumunga ng palay nang paulit-ulit.

Ibig sabihin, hindi na daraan ulit sa anim na tradisyunal na proseso o cycle mula: 1. pamimili ng binhi; 2. pagpapalaki ng seedlings; 3. pagbubungkal ng lupa; 4. pagtatanim; 5. pag-aalaga ng palayan; at, 6. pag-ani.

Sa Perennial Rice, lalampasan na ang unang apat na stages at magko-concentrate ang magsasaka sa pangangalaga ng pananim hanggang harvesting.

Kasi, pagka-harvest, kusa at agad nang lalago at mamumunga ng palay ang PR23.

Sa karanasan ng Chinese farmers, ang isang taniman ng Perennial Rice ay umaabot ng tatlo hanggang apat na taon na di hamak na malaki ang harvest, at pagkatapos ay bahagya nang nababawasan sa mga sumusunod na taon.

Ano-ano ang bentahe ng Perennial Rice kumpara sa regular rice varieties?

Sa Yunnan, China kung saan unang sinubukang itanim ang Perennial Rice, nababawasan ang production costs ng 50%.

Sa Perennial Rice, halos apat na beses ang inaani kumpara sa regular rice varieties.

Dahil minsanan lang magtanim ng binhi sa Perennial Rice na maaani ng maraming taon, malaki ang nababawas na trabaho sa magsasaka, magbabantay na lang siya hanggang sa harvest season.

Malaki rin ang nababawas na gastos sa pataba at pestisidyo kaya makakapagpahinga ang lupain hanggang makabwelo para maibalik ang natural na sustansya ng lupa.

Mabubuhay siya sa tropics at sa irrigated farmlands.

Dahil mabilis siyang tumubo pagtapos ng anihan, nagiging protective cover agas siya sa topsoil kaya maaaring mabawasan ang soil erosion.

Potensyal na drought-resistant ang Perennial Rice. Ang regular rice breed ay mababaw ang ugat kaya madaling matuyuan ng tubig.

Ang rice breed na matagal mabuhay ay may panahon para lumalim ang gapang ng ugat sa lupa kaya mas marami siyang maiipon na moisture.

Tandaan, ang lupang madalas bungkalin ay mas madaling matuyuan kesa sa lupang bihirang bungkalin.

Sa Perennial Rice, naiiwasan ang mabilis na pagdami at paglago ng damo ang nabakanteng palayan pagtapos ng anihan dahil agad itong lumalaki.

Kung ang regular rice breed ay sa topsoil kumukuha ng sustansya, ang Perennials ay mas maraming nakukuhang phosphorous sa subsoil.

Ang phosphorous ay maraming tulong sa kalusugan ng tao at key element siya sa mga buto, ngipin at cell membrane. Tulong din siya para mapanatili ang blood ph sa normal range at inaactivate ang enzymes.

Bukod sa malaki ang ani sa Perennial Rice, malaking bawas sa gastos, trabaho at oras ng magsasaka, masasabing environment o climate-friendly siya.

Ang pananaliksik sa Perennial Rice ay nagsimula nung early 1990s sa pagtutulungan ng mga eksperto sa Thailand at China.

Pero ang dedicated program para ma-develop ito ay sinimulan ng International Rice Research Institute sa Pilipinas nung 1995 pero nahinto ito dahil kinapos sa pondo.

Itinuloy ito ng China mula 2008 at mula noon ay umaani ng 15 tons per hectare per year ang Yunnan farmers.

Sa report ng United Nations Food and Agriculture Organization tungkol sa State of Food Security and Nutrition Report in the World 2022, tinatayang 670 million ang inaasahang undernourished sa 2030.

Bakbakan ng mga bansa, Covid-19 pandemic, climate extremes at economic crisis ang malalaking dahilan ng kagutuman.

Ang masisigasig na research ng mga scientist ay napakalalaking ambag para ito ay maagapan.

Tulong na solusyon sa food security, may sustainability factor, push sa kabuhayan ng mga pamilyang magsasaka, pampasigla ng ekonomiya at environment-friendly.

Yan ang promises at potentials ng Perennial Rice.

Game changer.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]