TILA nagamit ang isang grupo ng mga matitikas na dating opisyal ng militar at pulisya ng isa nilang miyembro na may disgusto sa gobyerno.
Ipinaliwanag ng aking spotter na posible ito dahil apektado ang negosyo at kabuhayan ng isang dating heneral ng militar.
Kamakailan kasi ay naging laman ng mga balita na nabisto ng gobyerno ang hindi pagbabayad ng bilyong pisong halaga ng buwis ng isang malaking negosyo sa bansa.
Nagkataon naman na pangulo ng nasabing kumpanya ang isang dating military official na nauna nang napabalita na may hinanakit sa gobyerno dahil hindi siya nabigyan ng pagkakataon na maging pinuno ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sinabi rin ng aking spotter na kung talagang mahal ng opisyal ang ating bansa ay bakit hindi siya gumawa ng paraan noong siya’y opisyal pa ng militar para mapangalagaan ang soberenya ng Pilipinas.
Kahit noong magretiro ang dating heneral ay nabigyan pa rin siya ng pwesto sa gobyerno na may kaugnayan rin sa pagpapalakas ng ating ugnayang-militar sa ibang bansa partikular na sa US.
Kamakailan ay biglang naging laman ng balita ang ilang miyembro ng grupo kung saan ay diniktahan nila ang pamahalaan sa kung ano ba ang dapat na naging diskarte ng gobyerno sa problema sa China.
Nakakapagtaka lang at bakit ngayon lang sila nag-iingay sa isyu samantalang tahimik naman sila noong panahon ng nakalipas na administrasyon kung kailan naging mainit ang isyu sa agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.
Eh bakit nga naman sila mag-iingay noong mga panahong iyun samantalang tuloy ang takbo ng kanilang negosyo kahit na kinukwestyon ang halaga ng binabayaran nilang buwis sa gobyerno.
Isang malaking tanong ay bakit ngayon lang sila nag-aastang may pakialam sa interes ng bansa.
Dahil ba nabisto ang kanilang atraso sa buwis? O may iba pang pwersa na kumikiliti sa kanilang mga tagiliran na nangangako ng kapalit na kapangyarihan?
Hindi na ako magbibigay pa ng clue kung sino ang opisyal na ito basta ang alam ko lang ay kabilang ang pangalan niya sa mga unang tao sa Bibliya na lumabag sa utos ni Lord.