SA buhay may-asawa, o kaya ay partner, may mga pagkakataon na napagseselosan ang trabaho o career. Minsan kaagaw mo sa oras ang trabaho ng iyong partner.
Sa totoo lang, hanggang ngayon ay hindi pa rin naaalis ang mga sinaunang isipan na ang babae ay dapat ay nasa bahay lamang habang ang mga lalaki ang siyang kumakayod para sa financial stability ng pamilya. O di kaya, ang mga lalaki ang dapat magdala ng mas malaking pera sa bahay kaysa kay misis.
May panahon sa buhay natin at ng ating mga partners na pinagtatalunan ang pera, at maging ang karera o trabaho.
Pero paano nga ba natin mapangangalagaan ang relasyon natin sa ating partner? Isa na diyan ay ang pagbibigay natin ng suporta sa kanilang karera sa buhay.
At paano nga ba natin sila masusuporthan? Narito ang ilang tips.
- Kumustahin ang iyong asawa sa kanilang estado sa trabaho. Iba man ang mundong ginagalawan nyo, mas maigi rin na nagkukuwentuhan kayo ng mga pangyayari sa inyong opisina. Minsan ang iyong asawa o partner ay naghahanap din ng kaibigan sa loob ng inyong bahay. Ikanga, mas magiging magaan sa kanya ang pagbalanse ng trabaho at personal na buhay kung bawat isa ay nagkakaroon ng sharing sa kanilang buhay karera.
- Suportahan ang iyong asawa/partner sa mga projects na kanyang haharapin. Kung ito man ay may kaakibat na mahabang oras o panahon para igugol nya ang sarili sa isang malaking project na pinagkatiwala sa kanyang karera, dapat magtiwala ka rin sa kanyang kakayahan. Huwag na huwag mong siyang susumbatan na wala nang oras sa iyo o sa mga anak, lalo na kung hindi naman palaging nangyayari ito.
- Kung hihingian ka nya ng iyong POV (Point of view) or opinyon mo tungkol sa mga sitwasyon sa kanilang trabaho o karera, maging open minded ka at honest. Minsan, may mga bagay na hindi nakikita ang iyong asawa/partner sa isang kaganapan at sa pamamagitan ng pagkukuwento nya sa ‘yo at malamang pag-aanalisa mo ay maaaring makakatulong ka sa kanya or makakapagbigay ka ng ideya.
- Kung may mga upcoming changes sa kanyang karera gaya ng paglilipat ng trabaho, suportahan mo pa rin sya. Maaaring maapektuhan muna ang inyong budgeting sa munting pagbabago na ito, kaya maging handa ka pa rin.
- Tiwala at pang-unawa. Hindi dapat magdududa kung may mga kasamahan sya na ime-meet sa labas at hindi ka isasama, o di kaya ay biglang yayaan ng mga kaibigan n’ya upang sila ay lumabas. Hayaan mo lang ang iyong asawa/partner sapagkat kailangan din nya makihalubilo sa labas. As long as kakilala mo ang mga kaibigan na kasama n’ya at hinahayaan mo syang magkuwento ng kanyang mga bagong experience going out with friends, ayos lang iyon.
- Mahalin ang iyong asawa/partner no matter what — as long as nasa lugar at katwiran.
Sana makatulong ito sa inyo. Till our next column!