RESET, please

BAHAGI ng gimik ng maraming credit card companies at lending institutions ngayon ang mga cashback at rebates. Dati naman nang may ganito pero kapansin- pansin na mas agresibo sila ngayon sa mga naturang “pakulo.”

Hindi lang credit card companies ang umaariba sa DTI-regulated advertising strategies na ito kundi maging ang mga publikong ahensiya gaya ng Pag-IBIG Fund na may Special Restructuring at Be Updated promos.

Alam natin na ang pinakalayunin ng bawat mga promo ay iisa: upang tangkilikin ang produkto, at sa kaso ng Pag-IBIG Fund, para mapaigting ang koleksyon ng ahensiya.

Positibo ang epekto ng promos. Nahihikayat ang mga tao na gumawa ng paraan para sumigla ang kanilang personal na pananalapi at makisabay sa unti-unting pagbangon (sic) ng pambansang ekonomiya.

Subalit sa kabila niyan ay ang di gumagalaw na halaga ng minimum wage na P537 pa rin kada araw. Sa halagang iyan na kulang na kulang maging sa maliit na pamilya, napakahirap manatiling kampante at positibo para sa hinaharap. Hindi nakakapagtaka na hand-to-mouth existence ang sitwasyon ng maraming Pinoy, maging yung mga inaakala na nating middle class na sumasahod ng higit sa isang-libo kada araw.

Ayon sa pag-aaral ng research group na Ibon, bawat pamilya sa Metro Manila ay kailangang kumita ng P32,467 kada buwan para makaagapay sa mabilis na inflation rate.

Buntong-hininga ang karaniwang reaksyon ng mga mamimili sa napakamahal na presyo ng basic commodities. Ito na nga ang epekto ng inflation na nag-ugat sa maraming salik katulad ng utang-panlabas ng Pilipinas na may mataas na interest rates. Mamamayang Pilipino ang nakararanas sa epekto ng foreign debts sa pamamagitan ng price hike sa mga bilihin at pagbaba ng halaga ng piso(inflation).

For the record, halos nadoble ang utang panlabas ng Pilipinas sa panahon ni President Duterte- mula sa P6.1 trillion sa loob ng 118 years, 1898 to 2016- ito ay nasa P11.6 trillion na as of July. Ito ang mga isyung tinutuligsa ng mga aktibistang gaya ko na madalas ay kinukutya ng ilang tao dahil hindi nila makita ang koneksyon ng kanilang political choices sa isyung pang-sikmura ng taumbayan.

Sapagkat ang sinumang namumuno na nahuhumaling sa pangungutang in the guise of national projects at infrastructure ay malamang sa malamang na may personal na agenda na hindi ikabubuti ni Juan dela Cruz. Maliwanag ito sa mga nangyayari sa ngayon.

Sabi ni Nietzsche, everything we do should be life-promoting. Marahil nga subalit ang pagiging pessimistic ng mga intelektuwal at aktibistang nagsusuri at nakakakita ng kalunos-lunos na kalagayan ng lipunan sa panahong ito ay napapanahon at higit na kinakailangan.

Tanong ng isang kaibigan, bakit madalas ay tungkol sa kahirapan, kaapihan at mga negatibong bagay ang paksa ng aking mga artikulo. Sa totoo lang, may mga bagay na hindi hinihingi pero kusang lumulutang. (At hindi ko tinutukoy dito ang Lexus(sic)).

Hindi hinihingi ang pagiging makabayan subalit nararamdaman ito nang kusa sa panahong lantaran ang inhustisya.

Hindi sadya ang pagpapakabayani pero nagagawa natin ito sa harap ng kagutuman at kalamidad.

Hindi sadya ang pagbatikos subalit napapanahon kung maliwanag ang pagpapabaya sa sinumpaang tungkulin.

Pagod na tayong lahat. Suko na.

Hindi lang tungkol sa kolektibong pasakit dulot ng pandemya. Hindi lang tungkol sa mga mahal natin sa buhay na pumanaw sa depresyon at sakit. Hindi tungkol sa mga suweldong na-delay o trabahong tuluyang nalusaw. Tungkol ito sa lahat-lahat ng anumang porma ng kasawian, kalungkutan, kawalang-pagasa, indignasyon at pagkadismaya.

Pasintabi kung nakaka-depressed ang mga tintang lumalabas sa aking pluma. Pasintabi sa mga positivists. Pero malay natin, baka sa ganitong paraan mapuwersa tayong magsuri at humanap ng totoong reporma para sa lipunan.

May panahon sa ating buhay na positibo tayo sa mga bagay-bagay. Naalala ba ninyo ang madalas sabihin noon ng mga nakakatanda? Na kapag may tinapos, may makukuhang trabaho.

Kasinungalingan.

Walang trabaho sa ilang milyong gradweyt dahil sa sistemang palakasan at panunuhol. Walang trabaho dahil walang nagtatagal na investor na natatalo sa overhead expenses gaya ng mataas na singil sa kuryente at namumutiktik na red tape sa mga business centers.

Habang may mga pabuya at tax cuts para sa mga businesses, ang ordinaryong empleyado na taxpayer ay nalulunod naman sa dagdag buwis at passed-on charges.

Tuwing panahon ng eleksyon, walang ibang pangako ang mga lider aspirants kundi isasaayos ang lahat- mula pagtataas ng suweldo ng ordinaryong manggagawa, mas abot- kayang healthcare, libreng pabahay at kung anu-ano pang kabulastogan.

Naloko tayo.

At patuloy na niloloko.

Imbes na pagmalasakitan ang taumbayan, harap-harapang ibinabandera ang mga ebidensiya ng pangungulimbat. Nabunyag sa atin ang Pandora Papers na patunay kung gaano kaliit o walang ibinabayad na buwis ang mga bilyonaryang pamilya at pulitiko sa bansa habang patong-patong na passed-on charges ang pilit hinahanapan ng remedyo ng mga ordinaryong tao upang mairaos ang buwanang bayarin.

Ang pang-iinsulto sa talino ng bawat Pinoy na magsuri nang sabihin ng isang Pharmally executive na si Rose Nono-Lin na tila magic na may nakaparadang mamahaling kotse sa kanyang garahe.

Negosyong pulitika. Trillions versus cents.

At patuloy na pag aabugado para sa mga korap na ito ng mga personalidad na dapat ay dumidepensa para sa taumbayan.

Malawakang eksploitasyon na tiyak na gigising sa ulirat ng taumbayang binubusabos ng sariling kamangmangan at idolatriya.

Reset, please. Huwag na muling magpapaloko.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]