MATIYAGA kong pinanood ang mga talumpati ng isang mataas na opisyal ng bansa sa tatlong caucus na ginawa ng tiket ni Isko Moreno kelan lang.
Nakakalungkot at nakagugulat na sumentro ang mga talumpati sa paninira at pamimintas lamang sa tatlong kasalukuyang nakaupong congressman sa Maynila.
Si Rep. Rolan ‘CRV’ Valeriano ng 2nd district, pinintasan ang leeg at tiyan pero walang naipintas na anuman pagdating sa serbisyo sa kanyang mga kadistrito. Isa itong ‘wrong move’ dahil sa kuwento nga ng isang kaanak sa second district, mistulang ‘santo’ ang turing nila kay CRV doon dahil sa dami ng natulungan nito.
Si Rep. Benny Abante naman ng 6th district, pinalabas na walang respeto dahil sa kuha nitong nakalabas ang dila. Ang tunay na konsepto ng larawang ipinakita nang ubod laki sa entablado ay ginaya kasi ni Abante ang sikat na kuha ng tanyag na imbentor na si Albert Einstein, kung saan magulo ang buhok nito at nakalabas din ang dila. Gaya ni Valeriano, mabuti rin nitong napagsilbihan ang kanyang mga ka-distrito kaya wala kang maipipintas dito pagdating sa trabaho.
Pagdating naman kay Rep. Joel Chua ng third district, may bonus pang mura: “bigyan nyo ng zero ‘yang p…inang Joel Chua na ‘yan.”
Tuwang-tuwa ang mga nasa entablado, lalo na si Isko. Di nila alintana na maraming batang nanonood sa kanila at pare-pareho silang nagbibigay ng masamang halimbawa sa mga kabataan, hindi lamang doon kundi sa mga makakapanood nito sa social media.
Kapuna-puna rin na hindi nabigyan ang mga taga-distrito ng sapat na dahilan para iboto ang mga kalaban nina Valeriano, Abante at Chua. Basta iboto lang sila. Sa totoo lang, puro kasi walang kwenta ang mga kalaban nila at talagang di pupuwedeng ikumpara. Ganun.
Pinakamatindi ang natikmang tirada ni Chua pero hindi nito matitinag ng anumang ang uri ng serbisyo at tulong na ibinigay nito sa kanyang mga ka-distrito sa loob ng nakalipas na tatlong taon. Kaya nga ang tawag sa kanya doon ay “Ama at Abogado ng Distrito Tres.”
‘Yun lang ikaw ay may masasandalang abogado kapag kailangan mo, malaking bagay na dahil alam naman nating lahat kung gaano kahirap at kamahal kumuha ng serbisyo ng abogado. Hindi na rin mabilang ang tinulungan ni Chua sa ipinatayo niyang center sa distrito na nagbibigay ng libreng dialysis.
Kabilang din sa di mabilang na proyekto niya ang pagbibigay ng de kalidad na edukasyon sa pamamagitan ng scholarships o pagbibigay ng libreng pag-aaral mula sa pampublikong paaralan patungo sa isang Katoliko at pribadong paaralan. Isinaayos din niya ang napakaraming mga tanggapan ng barangay sa Sta. Cruz, Blumentritt, Binondo, Tambunting, Quiapo at San Nicolas.
Sa kaso naman ni CRV, ganundin. Bukod sa pagpapagawa ng mga bagong police community precincts ay naglaan din ito ng pondo sa pagpapatayo ng Universidad de Manila annex sa first district. Mga mag-aaral sa buong Maynila ang makikinabang sa UdM annex na ‘yan.
Siyempre pa, nariyan ang mga kinalinga at natulungan nila sa hospital bills, pambili ng gamot, kabuhayan at iba pang personal na problemang nabigyan ng solusyon matapos idulog ng mga residente sa tatlong Congressman, dahilan para mahalin sila ng kanilang nasasakupan.
Kung ang naganap sana ay isang matalinong diskurso na naka-angkla sa lehitimong mga isyu, baka mas okay pa. Pero para basta siraan, pintasan ang mga Congressman at murahin pa sa entablado at sa harap mismo ng lahat ng natulungan nila, ito, sa aking pananaw at maging sa pananaw ng mga Manilenyo sa mga apektadong distrito, ay isang maling hakbang.
Sa isang banda, nakabuti ito at nakatulong ito para lalong mahalin ng kanilang mga ka-distrito ang tatlong winakwak na Congressman, lalupa’t nagpakita ang mga ito ng pagiging maginoo nang hindi nila patulan ang mga birada sa kanila.
Matalino ang mga taga-Maynila. Hindi sila basta maniniwala sa paninira lalupa’t kung mula sa hindi taga-Maynila. Alam nila sa sarili nilang karanasan kung sino ang talagang nakatutulong sa kanila at kung ano ang uri ng kalingang natikman nila sa isang lingkod-bayan na mula mismo sa ka-distrito nila.
Likas sa ating mga Pilipino ang kultura ng utang na loob. Taliwas sa sinasabi ni Isko, ang utang na loob ay hindi nababayaran gaya ng ordinaryong utang. Ito ay tinatanaw habambuhay. Kundi mo man kayang tapatan, maari itong masuklian ng pagpapakita ng kabutihan, kundi man sa taong pinagkakautangan mo ng loob dahil wala na siya sa mundo, maari mo itong gawin sa mga mahal niya sa buhay na naiwan niya, lalupa kung maging ang mga ito ay naging mabuti sa iyo.
***
DIRECT HIT entertains comments, suggestions or complaints. Please have them emailed to [email protected] or text 0917-3132168.