Pwede pang mangarap

MULA noong magpandemya, isang bagay ang natutunan natin: to live in the moment. Or live on a daily basis.

Hindi tayo ganito dati.

Bago ang pandemya, marami tayong mga pangarap para sa hinaharap. Mga short-term at long term. Mga pangarap na nag udyok sa atin upang makipagkompetensiya at sumubok ng mga makabagong ideya. Mga pangarap na nagbigay sa atin ng ating kabuluhan sa mundo.

Bago magpandemya, halos 80 porsiyento ng mga Pinoy ang positibo ang pananaw sa buhay.

Then suddenly, dumating ang delubyo at nagkaroon ng 360 degrees turnaround ang ating mga buhay.

Sa mga survey ngayon, maraming Pinoy ang walang ideya kung ano ang mukha ng hinaharap.

Ang tantiya nila – mananatiling mahirap, walang kasiguruhan at patuloy na nakakulong sa nakatutulirong schemes ng mga namumuno o nagnanais mamuno. Habang ang ilan ay nag-iisip ng mga aktibidad upang magliwaliw at isiping umaayos na ang lahat, bisi naman ang mga pulitiko na nangangalap ng suporta mula sa mga botante. May naaaninag na araw, pero makulimlim pa rin ang kalangitan.

Sa survey ng SWS, 33 porsiyento lamang ng mga Pinoy ang naniniwalang bubuti ang kanilang kasalukuyang sitwasyon sa loob ng susunod na 12 buwan; habang 45% ang nagsabing nakikita nilang walang pagbabago sa sitwasyon nila batay sa kasalukuyang tantiya.

Krisis na dulot ng pandemya ang kalaban, na pinaigting ng krisis sa pamamahala. Mga pangyayaring na nangulimbat sa hawak hawak nating maliit na kasiyahan.

Nang magdeklara ng sanib-puwersa ang apat na malalaking pangalan sa pulitika kamakailan, gumuhit kahit paano ang halo-halong emosyon ng pagkadismaya, galit, takot at kawalang pag-asa. Isang kaibigan ko na nasa ibang bansa ang napatawag pa sa akin para maglabas ng saloobin. “Is God not on our side anymore? How on earth can he allow the plunderers to shine?”

Masalimuot ang pananaw ko sa pananampalataya. At bagamat lubos akong naniniwala na nasa panig ng kabutihan ang Diyos, ang diktador na si Hitler mismo ay makailang beses na sinabing, “Who says that I am not under the special protection of God”?

Mahirap lunukin ang ideyang tila nagtatagumpay ang kasamaan sa kabutihan, at kung nangyayari man ito, maraming dapat paghandaan upang mabawi ang liwanag.

Kaya ngayon, higit kailanman, ang panahon para magmuni-muni. Hamon ito para lalong magpalakas, para isakatuparan ang pagkakaisa. Pagkakaisang hindi tumitingin sa kulay dahil ang minimum goal sa nalalapit na eleksiyon ay huwag tumaya sa mga kandidatong nagnakaw at nandambong sa bayan.

Ang pagpili nating gagawin sa susunod na mga araw ang magdidikta kung bubuti o hindi ang sitwasyon natin at ng ating salinlahi.

Kung magkamali tayo sa pagpili, maaring ito na muli ang landas tungo sa kapahamakan. At malawakang kaguluhan.

Kaya mangarap tayo ng matinong halalan.

Ng matinong mga liderato.

Mahirap sa ngayon dahil napipilitan tayong gumawa ng mga desisyon batay sa ating pang araw-araw na pangangailangan, batay sa sulsol ng mga kaibigan o kaanak, batay sa kung ano ang magbibigay sa atin ng ganansiya pansamantala.

Ano ang saktong bagay na dapat natin pangarapin bilang mga mamamayan? Posible ba sa sitwasyong tila wala ng pag-asa dahil nakubkob na ng mga may kapangyarihan at may makinarya ang lahat ng sangay na kikilos para sa eleksyon?

Ang sagot: Posible pa.

Posible kung tatanggihan natin ang pamumunong may self-serving agenda. Posible kung isasali natin sa pambansang plano ang mga hikahos at hindi sila tingnan bilang mga latak sa lipunan.

Puwedeng pangarapin ang lipunan kung saan lahat ay may tsansa na nakalinya sa Ambisyon 2040: matatag, maginhawa at panatag na buhay. Sa kongkreto, mangarap tayong maibigay ang mga batayang pangangailangan ng pamilya, mamuhay ng may kapayapaan at magkaroon ng malusog na pangangatawan.

Sa mga darating na buwan paalalahanan natin ang ating mga sarili na mangarap lagi ng mga bagay na iyan. Magiging daan kasi yan upang mapataas natin ang ating standards sa pagpili ng mga lider na tatayo para sa ating kinabukasan.

Nasa ating mga pangarap ng mabuting liderato ang pagbabago ng kasalukuyang senaryo. Hindi maaring tumaya sa mga kandidatong magaling lang ang bokadura, popular, artista o mapera. Walang kahulugan ang mga matatamis na islogan na nangangako ng transpormasyon o reporma—narinig na natin ang mga yan. Kumbaga, alam na this!

Piliin ang may hawak na mapa ng mga plano para sa bansa. Mapang magtuturo ng masinop na planong mas nakakiling sa pambansang kagalingan, hindi para sa sariling kaligtasan.

Malaki ang nakataya sa mga susunod na mga buwan. Gawin nating mangarap ng hindi pangkaraniwan. Humayo tayo at maagpaka-Pilipino.

Sa isip, sa salita at sa gawa.

Sa gitna ng mga hamon, oo, puwedeng-puwede pang mangarap!


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]