TILA lumalala na ang palakasan sa pamimigay ng mga bakunang ibinigay ng ilang bansa at binili ng gobyerno mula sa perang pinagpawisan ng taumbayan.
Sa mga ulat na nakarating sa akin, ginagawang political leverage at partisan politics ng ilang local chief executives ang pagbabakuna.
Kaya ayun, nag-aalburuto ang mga powerless at voiceless na mga mamamayan lalo na ang mga manggagawa na umaasang mababakunahan ayon sa priority list ng Department of Health at Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases.
Inuuna umano ng mga pulitikong natukoy ang mga kamag-anak, kaalyado, kakampi at mga prospective campaign contributors and donors na mga mga business owners sa mga “branded” na vaccines.
Ayon sa report, kapag European o American brands na vaccines ang isinuplay, ang mga local chief executives mismo ang nagsasabi kung sino ang dapat bigyan nito kahit na may utos ang batas na bakunahan ang mga priority sectors. Hindi umano sinusunod ng mga mayors ang utos ng national IATF.
Kung hindi man European o American made ang mga vaccines, doon may sey ang mga alipores kung sino ang makakatanggap ng bakuna.
Dahil binubusog at tinotolerate ng ilang mga local chief executives ang mga bata at alipores nila, may mga report tayong natanggap na ibinibenta umano ito ng ilang mga tauhan nito ang bakuna.
Dahil kontrolado nila ang pag-schedule ng bakuna at walang monitoring ang DILG at DOH sa proseso, kung makaasta ang mga alipores ay walang pakundangan.
Hindi ko akalain na pati ba naman suplay ng bakuna na binili ng taumbayan at dinoneyt ng ilang bansa at international organizations ay kinokontrol ng mga corrupt na pulitiko sa kanilang partisan politics.
Kailangan aksyunan ito kaagad ng national and regional IATF. Kailangan din ipaabot sa mga local and international organizations ang mga ulat na ito upang mabigyan ng action.
Kailangan displinahin ng Department of Interior and Local Government ang mga tiwaling local chief executives upang matigil at magsilbing leksyon sa iba na huwag abusuhin ang suplay ng bakuna.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]