TIYAK na mag-iingat ang mga tiwali at mapagsamantalang negosyante o kapitalista na nasa industriya ng pelikula at telebisyon matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang “Eddie Garcia Law.”
Ang Republic Act 11996, ganap na naging batas nitong Mayo 24, ay nag-aatas sa mga negosyante na ipatupad ang tamang oras sa trabaho, tamang sahod at iba pang may kaugnayan sa benepisyo sa sahod, social security at welfare services, basic necessities, health at safety, working condition at standard, insurance at iba pang benepisyo.
Kung tutuusin, halos limang taon bago tuluyang naisabatas ang dating House Bill 1270 (Eddie Garcia Law) na unang ipinanukala sa Kamara noong 18th Congress ni 1-Pacman party-list Rep. Mikee Romero, stepson ni Eddie Garcia.
Sabi pa ni Romero…“We would like to express our deep gratitude to the President for honoring Eddie, Manoy to family and friends, and his contributions to the entertainment industry.”
Si Romero ang principal author ng panukalang batas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ipinangalan sa beteranong actor na si Eddie Garcia ang nasabing batas matapos bawian ng buhay noong 2019. Matatandaang sa gitna ng isang shooting, si Garcia ay natalisod sa isang kableng nakaharang at tuluyang namatay dahil sa “cervical cracks at fractures.”
Pero sa tuluyang pagsasabatas ng tinatawag na “Eddie Garcia Law,” marami ang nagsasabing “makitid” daw ang batas dahil sa limitasyong nasasakop nito ay tanging industriya lamang ng pelikula at telebisyon.
Nasaan nga naman ang proteksiyon ng iba pang mga nagtatrabaho tulad ng mga beerhouse dancers, theater actors, backup dancers, wedding singers, performers sa ibabaw ng truck kapag meron fiesta at iba pang mga manggagawa?
Kung susuriing mabuti, tama ang puna sa nasabing batas, at lumalabas na nakalimutan ang mga manggagawa na nasa ibang larangan ng paggawa dahil sa nabigyan lamang ng pagpapahalaga ang mga nasa industriya ng pelikula at telebisyon.
Pero hindi naman kaya ang layunin talaga ng batas, sa simula pa lang ng mga deliberasyon o pagdinig ng Committee on Labor sa “Eddie Garcia Law,” ay naka-angkla lamang sa mga manggagawa ng dalawang industriya?
Kaya nga sa pagpapatupad ng “Eddie Garcia Law”, sana naman ay maisip ng mga legislators ang mga manggagawa at iba pang performers na hindi napabilang sa nasabing bagong batas na patuloy na pinagsasamantalahan ng mga tiwaling negosyante.
Sa Senado, si Senator Robin Padilla ang naging principal author at co-sponsor ng “Eddie Garcia Law”.