TINATAYA nating bago o sa ganap na Setyembre 21, 2021, magpapasya ang Pre-Trial Chamber ng International Criminal Court kung dapat imbestigahan sina Rodrigo Duterte sa kasong crimes against humanity, sa anyo ng murder, torture, at other inhumane acts.
Obligado ang PTC na magdesisyon sa loob ng 120 araw mula nang isampa ni dating ICC Chief Prosecutor Fatou Bensouda, noong Mayo 24, 2021, ang kahilingang bigyang-kapangyarihan nito ang ICC Office of the Prosecutor na siyasatin ang sistematiko at malawakang pamamaslang sa libo-libong sibilyan alinsunod umano sa utos at state policy ni Duterte.
Sasaklawin ng imbestigasyon maging ang mga ipinag-utos umanong pagpatay ni Duterte ng mahigit sanlibong sibilyan noong mayor pa siya ng Davao.
Nagkabisa sa Pilipinas noong Nobyembre 1, 2011 ang Rome Statute of the International Criminal Court. Dahil dito, may kapangyarihan ang ICC na imbestigahan, ipagsakdal, litisin, at parusahan si Duterte sa kasong crimes against humanity of murder simula Nobyembre 1, 2011, noong mayor pa lamang siya.
Ang Rome Statute of the ICC ang tratadong lumikha ng kauna-unahan, permanente, independyente, at pandaigdigang hukumang pangkriminal.
Bago pa man dumulog sa PTC noong Mayo 24, 2021, nagsagawa na ng mga hakbang si Bensouda upang protektahan ang mga ebidensya laban kina Duterte.
Agaran ding kikilos si Karim Khan, ang bagong ICC Chief Prosecutor, upang hilingin na mag-isyu ng summons to appear o warrant of arrest ang PTC laban kina Duterte.
Malamang, igagawad ng PTC ang kanyang kahilingan bago matapos ang taon.
Sa sandaling maglabas ng warrant of arrest ang Pre-Trial Chamber, kagyatan namang makikipag-ugnayan ang Registry ng ICC sa iba’t ibang bansa–kung saan maaari silang magkanlong o magtago–upang dakpin at isuko sina Duterte sa ICC sa Netherlands.
Mahalagang dakpin at i-surrender sina Duterte sa ICC. Sa ganitong paraan lamang uusad ang mga kasong crimes against humanity of murder laban sa kanila kaugnay ng pagpatay ng tinatayang 12,000 hanggang 30,000 katao.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]