AROGANTE. Mayabang. Maangas. Mapagmataas.
Mga katangiang aking nasaksihan na ipinakita ng isang halal ng bayan.
Mga katangiang hindi ko inaasahan na ipakita ng isang senador.
Sa kabilang banda, isa namang opisyal din ng gobyerno ang nagpakita ng pagpapakumbaba, pag-ako ng responsibilidad, pagtanggap ng pagkakamali at paghingi ng tawad.
Dalawang katangian na magkasalungat.
Nag-ugat ang matinding galit ni Senador Ramon “Bong” Revilla Junior nang malaman niyang nasangkot ang pangalan niya sa isang traffic violation sa bus carousel lane. Di umano ay binanggit ng driver ang pangalan ni Revilla.
At dahil may violation, ini-radyo ng enforcer kay retired Colonel Edison “Bong” Nebrija ang insidente. At dahil din senador ang sakay, pinagbigyan ni Nebrija na makadaan ang umano’y convoy ni Revilla bilang courtesy.
At dito na nga nakapagsalita si Revilla na nakaka-irita dahil ang lakas ng dating. At hindi positibo ang naging tugon ng mamamayan sa ipinakita niyang ugali.
Matatawag ko itong conduct unbecoming of an elected public official.
Nakalimutan ni Revilla ang maging mapagpakumbaba.
Aniya, “matindi na pinagdaanan niya, nalubog, at naglilinis ng pangalan tapos sisiraan ako ng kasinungalingan na naman.”
Teka muna. Paninira na bang maituturing kung nabanggit ang pangalan na base sa report?
Bago pa magharap si Revilla at Nebrija sa Senado, sa panayan sa DZBB, nakapagbitaw ito ng salitang “wala ako pakialam sa kanya (Nebrija).”
Pinapaharap nga niya sa Senado si Nebrija at yung enforcer na nag-report at nagbanta pa na ipapa-recall niya ang budget ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA na kinabibilangang ahensiya ni Nebrija.
Di ba maliwanag na kayabangan ito? Power tripping ang tawag diyan.
Dahil din sa insidenteng ito, suspendido ngayon si Nebrija. Hindi pa nga sigurado kung dalawang linggong suspension lang o aabutin ng isang buwan.
Pabor ito kay Nebrija. Bakit? Aba, magagamit niya ang pagkakataong ito na makapagpahinga.
Isa sa katangiang hinahangaan ko kay Nebrija ay hindi niya nilaglag yung enforcer na nag-report. Command responsibility ang tawag diyan. Inisip niya ang kapakanan nung enforcer.
Sinabi niya na wala siya balak ipatanggal yung enforcer at bilang commander ng task force, siya na ang umako sa pagkakamali. Sinabi ni Nebrija na “if it was a mistake, I apologize, sir.”
“The buck ends with me,” yan ang binigyang diin ni Nebrija.
Nagpakumbaba dahil nagkamali. Humingi ng tawad, ng paumanhin. Katangian ng isang tunay na lider.
Yung mga statement na hindi ko siya mapapatawad, mag-resign ka na hindi pwedeng sorry sorry, ay mga salitang nagpapakita ng pagiging arogante. Mga salitang hindi angkop na manggaling sa isang elected public official.
Maraming mayayabang na elected officials. Akala nila ay lisensiya na ito para mag-power trip.
Huwag ganun. Maging mapagkumbaba. Ipakitang karapat-dapat kayo sa pwesto kung saan kayo naluluklok.
Maalala ko pala, naibalik na ba ni Revilla yung P124 milyon na pinanasauli ng korte noong nadawit pangalan niya sa pork barrel scam?