HINDI ko masisisi ang isang political clan sa Central Luzon kung magdagdag man sila ng mga bodyguards at bumili ng mga armored SUVs dahil daw sa banta sa kanilang buhay.
Bagama’t malayo pa ang araw ng eleksyon, ngayon pa lang ay nagsimula nang mag-ikot sa kanilang nasasakupan ang pamilyang ito.
Bitbit ng mahabang convoy ang ilang groceries at bigas na ipinamimimigay sa kada pamilya ng mga barangay na kanilang pinupuntahan.
Pero bago sila dumating sa target na lugar ay nauuna na roon ang sangkatutak na mga bodyguards at ilang tauhan ng PNP para tiyakin na safe ang kanilang dadatnan.
Magkahiwalay rin ng sasakyan ang mag-asawang pulitiko, na ayon nga sa aking spotter ay bumili raw ng apat na armored SUV.
Ang kada isang “bulletproof” na level 6 na SUV ay nagkakahalaga ng mula P6 milyon hanggang P12 milyon, depende sa uri ng sasakyan ayon sa aking spotter.
Wala namang negosyo ang mag-asawang ito kaya “alam na this” kung saan galing ang pinambili sa nasabing mga sasakyan, ayon pa sa aking cricket.
Tulad ng maraming political clan, nagpapalitan lang sa pwesto ang mag-asawang bida sa ating kwento.
Taktika nila ito para di sila malusutan ng mga kalaban sa pulitika dahil kapag hindi nakapwesto isa man sa kanila ay alam nilang mahihirapan na silang makabalik na tulad na lamang ng mga nangyari noon sa iba pang pulitiko sa lalawigan.
Ang mag-asawang pulitiko na grabe kung magpakita ng pwersa hindi lamang sa kanilang constituents kundi maging sa mga kalaban ng pulitika ay sina….
Di na kailangan ng clue dahil sikat sila sa Central Luzon.