Political clan nagsa-shopping galore ng lupain

USAP-USAPAN ngayon sa apat na sulok sa isang bayan sa Central Luzon ang pag-iipon ng lupain ng isa na rin namang maituturing na political clan.

Sinabi ng aking spotter na ito ang plan B ng nasabing pamilya dahil sa mahinang hatak sa survey ng kanila sanang pambato para sa isang mataas na national position ngayong darating na halalan.

Bukod sa pagsugal sa pulitika ay tila nawalan na rin sila ng hiya sa publiko dahil sa kaliwa’t kanang pag-iipon ng mga ari-arian.

Walang masamang mamili ng mga lupain lalo na kung ang gagamiting pambili sa mga ito ay galing sa matinong gawain.

Malayong-malayo ito sa turo ng maka-Diyos na lider ng pamilya lalo na kung pagbabasehan ang kwento ng mga taong dating nakapaligid sa kanila.

Kilala ang mga miyembro ng political clan na ito sa 25-percent rule sa pagkubra ng porsiyento sa mga itinutulak nilang proyekto na pinopondohan ng pera ng bayan.

Dahil marami na nga naman silang naipong pondo kaya kaliwa’t kanan ngayon ang pagbili nila ng mga lote para gawing sementeryo.

Eh bakit nga ba sementeryo?

Simple lang sabi ng aking spotter. Sa bawat binibili nilang lupain ay nilalagyan nila ito ng karatulang “tatayuan ng sementeryo” para mapilitan ang mga may-ari ng katabing lote na ibenta na lamang ang kanilang property.

Ano pa nga naman ang maitatayong negosyo sa tabi ng isang sementeryo?

Sa oras na mabili na nila ang mga lote sa tabi ng kunwari ay itatayo nilang sementeryo ay bigla nilang aalisin ang karatula at ito ay tinatayuan ng iba’t ibang mga negosyo tulad ng malalaking bodega at parking area para sa mga malalaking trak sa kanilang lugar.

Iyun ang nakita nilang taktika kaya sila nakaipon ng mga lupain sa kanilang lugar mula sa pera na hinugot sa mga gawaing pambayan lalo na noong nasa poder pa ang isa nilang kaanak na local official.

Pero kahit paano ay naramdaman na rin ng pamilyang ito na maling gamitin ang salita ng Diyos sa pamumulitika dahil kamakailan ay dumaan sila sa mabibigat na pagsubok.

Patunay ito na hindi dapat gamitin ang pangalan ng Diyos sa pamumulitika at pagkamal ng pera.

Hindi na kailangan ng mabigat na clue dahil iilan lang naman ang angkan na ginagamit ang ating pananampalataya para sa kanilang adbantahe.



Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]