Police patrol sa mga kalye

NAKAKAALARMA na ang mga pagdami ng mga krimen– malaki at maliit. Bihira akong makakita ng mga pulis na nagpa-patrol sa mga hotspots na mga lugar ng barangay at mga commercial districts na kadalasang nagaganap ang mga krimen.

Noong mga nakalipas na panahon, creative ang mga pulis lalo na yung mga nasa urban areas.

May mga pulis noon na nagbibisikleta pa at rumoronda sa mga lugar na maraming tao. May mga naglalakad na dalawa hanggang tatlo at nakikipag-usap at nakikisalamuha sa publiko at kabisado ang pasikot-sikot ng kanilang area of jurisdiction.

Naalala ko rin noon na mayroong ‘koban’ system na ginaya sa Japan. Ipinatupad ito sa Metro Manila at ilang urban enters sa bansa.

Ang koban ay mga neighborhood police at maliliit na mga fixed police outposts na inilagay sa mga strategic na mga lugar upang may matakbuhan kaagad ang mga nabiktima ng krimen at magsilbing deterrent sa mga kriminal.

Pero noong napalitan na ang mga police officials na nagpanukala nito, naglaho na rin ang mga sistemang ito.

Pilit na ginaya ito sa Dasmariñas, Cavite. Inilagay ang mga container vans na kinonvert na mga “koban” type na mga neigborhood police at napakaganda at nakakapanatag ng loob dahil may mga pulis na nakatambay sa loob.

Nguni’t noong nagbago ng city police chief ang siyudad, nawala na ang sigla ng mga ito at wala na yatang tumatambay na mga pulis doon.

Itong mga Quezon City public order and safety outposts naman dito sa kahabaan ng Commonwealth Avenue ay malaking silbi sa mga pedestrians, bikers at motorcyclists.

Mayroong nakapwesto sa magkabilang dulo sa ibabaw ng mga overpass walkway lalo na sa gabi at rush hours.

Malaking silbi sila dahil malayang nakakatawid sa mga overpass dahil walang mga vendor, snatchers at mga salisi.

Buhayin sana ulit ni Philippine National Police chief General Rodolfo Azurin Jr. ang mga kasintulad na mga public order and safety programs. Napakasimpleng konsepto pero napakalaking tulong sa taumbayan lalo na sa mga manggagawa na kailangang makauwi ng ligtas sa kanilang mga pamilya matapos magtrabaho ng maghapon.

General Azurin Sir please show us what you’ve got!


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]