Plano ni Lucio Tan naudlot nga ba sa pagpasok ni RSA sa NAIA?

Upfront/Jay Julian

USAP-usapan sa umpukan ng international business community ang pagkadismaya ng MacroAsia Corp. (MAC) ng negosyanteng si Lucio Tan sa pagkakapanalo ng Ramon Ang-led SMC SAP & Co. na ngayon ay tinatawag na New NAIA Infrastructure Corp. sa bidding ng Department of Transportation para sa operasyon at rehabilitasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Dahil sa expansion ng NAIA na planong gawin ng consortium para sa nakuha nitong 15-taon kontrata, hindi na umano matutuloy ang plano ng MAC at ng partner nitong Lufthansa Technik Philippines, Inc. (LTP) na magpalawak pa ang operasyon sa NAIA na dahilan para mabago umano ang investment plan nito.

Bagama’t may plano na rin ang MAC at LTP na magtayo ng dalawa pang hangar bases nito sa Clark, hindi pa rin umano nito kayang abutin ang kanilang target revenue kung ang expansion sana ay nasa NAIA.

Ang karagdagang hangars ay para umano sana sa malalaking eroplano tulad ng Airbus A380. Hindi alam ng ating source kung kaya pang hilutin ito ni Ginoong Tan sa kapwa tycoon na si Ginoong Ang. Ito rin marahil ang dahilan kung bakit hanggang sa kasalukuyan ay wala pang linaw sa isinasagawang pag-aaral ng MAC at LTP sa planong pagtatayo nito ng dalawang bagong hangars sa Clark na sinasabing nagkakahalaga ng 100 milyong dolyar.

Subalit kung susuriin ang mga pahayag ng New NAIA Infrastructure Corp., tila tuloy-tuloy na ang expansion ng NAIA terminals.

Magugunitang sa isang press conference, sinabi mismo ni Mr. Ramon Ang na wala nang urungan ang kanilang planong palakihin pa ang NAIA terminal gaya ng pag-transform sa dating lugar ng Philippine Village Hotel para maging karagdagang passenger terminal.

Batay sa plano ng consortium, nais nitong paluwagin ang 30 porsiyentong lugar na sakop ng NAIA at dito kasamang tatamaan ang plano ring pagpapalawak sana ng operasyon ng MAC at LTP. At ito umano ang ikinadidismaya ng kampo ni Lucio Tan. 

Sa Setyembre ay inaasahang iliipat na ng gobyerno sa consortium ang pamamahala ng NAIA.

At sana bago dumating ‘yan ay huwag na tayong daanin sa kwentong daga at surot dahil alam naman ng lahat na napapanahon na talaga ang rehabilitasyon ng NAIA.

Kung susumahin ang plano ng bagong mangangasiwa sa NAIA, tila maganda naman ang kanilang pinapangarap – makapag-accommodate ng 35 milyong pasahero, isang panibagong carpark na may kakayahang tumanggap ng 9,000 sasakyan, at 50 boarding bridges. Talaga namang promising, ‘ika nga. At totoong kailangang magpasiklab ni Mr. Ang dahil nakasalalay rito ang 10 taon pang extension ng kanilang kontrata.

Mabalik tayo kay Mr. Tan, sakaling walang mangyari sa back-channeling effort nito (kung totoo man ang malakas na bulong-bulungan sa umpukan ng mga negosyante) na maituloy ang expansion ng operasyon ng negosyo nito sa NAIA, inihahanda naman daw nito ang pagpasok sa non-aviation o non-airport industries tulad ng water distribution at connectivity services.

Ito rin umano ang dahilan kung bakit ipinasok nito sa MAC Board sina dating Bangko Sentral ng Pilipinas Deputy Governor Diwa Gunigundo at dating SGV & Co. partner Ramon Dizon para umasiste sa tatlong apo ni G. Tan na humahawak ng matataas na posisyon sa MAC.

Mapakinggan pa kaya ni Mr. Ang si Ginoong Tan? Iyan ang ating susubaybayan. 

Naging biru-buruan na lang tuloy sa ilang pagpupulong ng mga negosyante na kung wala na talagang pag-asa si G. Tan na makapag-expand ng negosyo sa NAIA ay magtitinda na lang daw ito ng tubig. Siyempre., bilang bahagi ng kanyang bagong negosyo.