DUBAI, United Arab Emirates — Arestado ang isang Pakistani national dito matapos niyang umano’y patayin ang isang Pilipina at isilid ang bangkay nito sa isang maleta bago itinapon sa madilim na lugar sa may ilalim ng tulay.
Ayon sa ulat ng Khaleej Times, natagpuan ng isang security guard ang maleta sa may Palm Island bridge sa Deira nitong Marso a-sais at agad na tinawag ang kanyang boss na sya namang ipinagbigay alam ito sa pulis.
Dagdag pa ng ulat, umamin ang Pakistani national sa krimen. Kanya umanong sinakal ang 32-anyos na babae matapos magkaroon ng pagtatalo dahil sa AED600 na utang ng Pilipina sa kanya.
Ayon pa rin sa ulat, umamin din ang Pakistani national, na pinangalanang MNA sa report, na may apat na buwan na silang may relasyon ng Pilipina na pinangalanan namang Annalisa RL. Magkasama silang naninirahan sa isang kwarto, ayon sa report.
Umano’y may utang na AED600 si Annalisa at nangungutang pang muli. Hindi pumayag si MNA at nauwi sa pagtatalo ang usapan na kung saan ay napahandusay ang babae sa lapag.
Sa pagkakataong ito ay nakakita ng retasong tela ang suspek at sinakal si Annalisa hanggang malagutan ng hininga.
Napag-alaman ding naka-visit visa lamang si Annalisa at muling nangungutang kay MNA para mai-renew ito.
Ang siste kasi ay visit visa muna ang kinukuha ng mga pumapasok sa UAE at maghahanap ng trabaho habang hindi pa ito nag-e-expire.
Agad na na-aresto si MNA ng pulisya sa isang apartment sa Hor al Anz, malapit lamang sa pinagkatagpuan ng maleta. Nasa Public Prosecution na ang kaso upang litisin siya.