SIBERIA, ang pinakamalamig na parte ng mundo, ay nilalagnat. Ang heatwave na kasalukuyang tumatama sa Russia sa kasalukuyan ay nagluluwal ng sunud-sunod na wildfire, at pinakamalaking naitala sa kasaysayan.
Bagama’t tayo ay nakatutok sa balitang nagyayari sa Afghanistan at ang report ng Commission on Audit sa mahigit na P67.32 deficiency ng Department of Health, may mas malaking kaganapan ang nangyayari sa Siberia—ito ay pinakamalaking wildfire sa kasaysayan dahil ito ay tumama sa 17 milyong ektaryang kagubatan, o mahigit kalahati ng laki ng Pilipinas na mayroon namang land area na mahigit 30 milyong ektaryang lupain.
Hindi nga lang masyado napapansin ng media ang mga ganitong pangyayari. Unang una marahil ay malayo ito sa kabihasnan at walang masyado nakatira rito. Yun nga lang, napakalaki ng epekto nito sa ating kapaligiran dahil pinangangambahan ng mga eksperto na ang carbon dioxide na nagagawa nito at naibubuga sa kalangitan ay lalong magpapabilis sa climate change.
Kasabay ng mga wildfire na ito ay ang patuloy na pagkalusaw ng mga niyebe sa north pole kaya’t ang mga bansa na nakapaloob dito katulad ng Russia at Canada ay nakararanas ng mga hindi pangkaraniwang pagbabago sa klima—lubhang mainit kapag tag-araw at hindi gaanong kalamig na klima kapag taglamig.
Ang lumalalang kalagayan ng mundo bunga ng climate change ay nagdudulot ng mas tuyot at mainit na kagubatan na madaling kapitan ng wildfire na siya namang nagpapabilis ng climate change.
Ayon sa data ng Russia, mahigit na sa 170 sunog at kasalukuyang nasusunog ang naitala sa kahabaan ng Siberia, mula sa Kostroma sa kanluran hanggang sa Magadan sa Far East (halos katabi ng Alaska). Dito rin naitala ang pinakamalaking wildfire sa buong mundo, at kung pagsasamahin mo ang mga wildfire sa Turkey, Greece, Italy, US at sa ibang bahagi ng mundo ay kulang pa ito kung ihahambing sa mga wildfire sa Siberia.
Mahigit sa 100 sunog na ito ay matatagpuan sa republic of Sakha (Yakutia) sa northern Siberia, ang pinakamalaki at pinakamalamig na rehiyon sa Russia. Hindi ko malubos maisip na ang pinakamalamig na rehiyon sa mundo ay nilalagnat ngayon at ang mga ebidensyang ito ang nagbunsod sa United Nations Intergovernmental Panel on Climate Change na magsagawa ng mas malawak na pag-aaral na kinabibilangan ng mahigit na 2,000 siyentipiko at 195 na bansa.
Ang buod ng UN report ay tumatalakay sa greenhouse gas emission na gawa ng tao ay nagpabilis sa global warming na hindi pa naitala sa kasaysayan mula pa noong 2,000 taon na ang nakararaan. Nakasaad sa report na ang pagtaas sa 1.1 degrees Celsius warming ay nagsimula noong 1850-1900 (kasagsagan ng industriyalisasyon sa West) at nagtuloy hanggang ngayon.
Ang warning sa atin na aabot ito hanggang sa 2 degrees Celsius bago matapos ang siglo ay hindi na maibabalik at ang mga nagyayaring wildfire sa Turkey, Italy, Greece, US at Russia, at ang mabilis na pagkalusaw ng mga polar ice sheets at glaciers ay ilan lang sa mapait na katotohanan.
Ayon kasi sa mga climate scientists itinakda ng mga negosyador ang pamantayan sa Copenhagen noong 2009 sa 2 degrees Celsius ngunit mukhang hindi na ito ang isinasaad base sa dagdag na pag-aaral kaya’t dapat nang pilitin na maabot ang pagbaba ng temperatura bago matapos ang 2030 gawa na rin ng mga “extreme weather events” na nangyayari ngayon sa ibat ibang panig ng mundo.
Ang tuluyang pagkalusaw ng polar ice caps sa North Pole, maging ang mga niyebe sa Antartica at Greenland ay tinatawag ng mga eksperto natin na “irreversible” at hindi na maibabalik sa dati nitong kundisyon at asahan na natin ang mga extreme weather events sa mga susunod na taon.
Gustuhin man natin o hindi asahan na natin ang mas malalakas na bagyo, mas mainit na kalangitan kapag tag-araw, pagbaha at pagtaas ng tubig sa karagatan, malawakang tagtuyot at heat wave at malakihang wildfire sa iba’t-ibang panig ng mundo.
Dumating na tayo sa “point of no return”.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]