Pharmally-mali

NAALALA n’yo siyempre nang pasikatin ng netizens sa buong universe ang milagrong nangyari sa garahe ng Pharmally Biological stockholder, Rose Nono Lin.

Pumutok ito sa Senate investigation sa Pharmally noong November 4, nang tanungin ni Senate blue ribbon committee chair Richard Gordon si Lin tungkol sa kanyang luxury car.

Sagot ng pinagpalang stockholder – isang araw, bigla na lang niyang natagpuan ang P8.8 million halaga ng Lexus LX450D sa kanyang garahe.

Himala di ba?

Bago pa yan, marami pang milagrong pinaggagawa ang Pharmally, salamat kay Panggulong Rodrigo Duterte – padrino na, lawyer pa ng Pharmally.

Sa pagpapatuloy ng mga kabanata sa Pharmally probe ng Senado, meron pang pinapasikat ngayon ang netizens – ang mga milagrong ginawa ng Pharmally sa dalawang kumpanya.

Nung isang taon, nagbayad ang Pharmally ng mahigit P3 bilyon sa dalawang pharmaceutical companies.

Himay-himayin natin ang mga milagro este impormasyon at datos na ni-research, dinouble check at sinuri ng Business Intelligence (BID) at Right to Know, Right Now! Coalition:

Milagro 1: Tulad ng Pharmally, ang Acme Pinnacle Enterprises Company at Evermore Marketing and Supply Company ay undercapitalized.

Ibig sabihin, napakaliit ang kapital nila o tig-P3M bawat isa.

Tanong: Bakit pinagkatiwalaan ng Pharmally na bayaran ng P273 milyon ang Acme at P2.99 bilyon ang Evermore?

Paano sila nakapagbenta ng mga supply at serbisyo na nagkakahalaga ng multi-million at multi-billion pesos kung ang pinagsamang puhunan lang ng dalawa ay P6 milyon?

Milagro 2: Sa kabuuan ayon sa Pharmally, P3,228,897,668.25 ang binayaran nila sa Acme at Evermore.

Nangangahulugan na 98.6% ito ng lahat na ginastos ng Pharmally nitong 2020 o suma total P3,273,158,972.17.

Bakit bumili ang Pharmally sa dalawang undercapitalized pharmaceuticals?

Sabagay, kung ang Pharmally nga, na meron lang kapital na mas mababa sa dalawa – P625,000 ay nakakorner ng P7.9 bilyon halaga ng mga kontrata sa kasabwat nitong Procurement Service-Department of Budget and Management atbp.

Milagro 3: Ang Pharmally ay narehistro sa SEC noong September 4, 2019. Tulad ng Pharmally, narehistro ang Acme at Evermore noon ding buwan ng September at noon ding taong 2019.

Eto pa: Kahit hiwalay na nagparehistro ang Acme at Evermore, nag-file sila sa parehong araw, September 17, 2019!

Nagkataon o milagro? Milagro syempre:)

Milagro 4: Pagdating ng 2020, parehong nag-file ng Amended Articles of Partnership (AAP) sa SEC ang dalawang kumpanya at sa parehong araw na naman, September 24, 2020!

Milagro 5: Magkasunod ang number ng kanilang resibo – OR No. 1924762 sa Evermore, at OR No. 1924763 sa Acme. Binayaran ng iisang tao: Mary Jane S. Dominguez.

Nakisuyo, nagkataon o milagro? Milagro yarn.

Milagro 6: Sa kanilang amended APs pareho ang siningit na amendments sa kanilang “Business Purpose” thus:

“To engage in the business of trading, marketing and distribution of general merchandise, hardware, fabrics, agricultural products, grocery items, ply-woods (sic), phenolic boards, and medical supplies such as but not limited to surgical gloves, surgical mask, thermometer, medical gowns, test kits, personal protective equipments (sic), medical equipments (sic) and other related items insofar (sic) may be permitted by law in wholesale and retail basis (As Amended).”

Coincidence? Milagro? Syempre dun na ako sa milagro.

Milagro 7: Ang notary public ng kanilang amended APs, parehong Atty. Jovino R. Angel of Pasay City. Si Angel din ang notary public sa 2019 APs ng dalawang pharmaceuticals kuno.

Milagro ever.

Milagro 8: Bukod sa hindi ipinaliwanag kung ano ang mga biniling produkto at binayarang serbisyo, ang hirap o hindi sila makita sa internet gayung higit P3B ang ninakaw nila sa taumbayan?

Milagro? No. Mga Impostor? Kailangan pa bang i-memorize yan!

Sorry Elsa, pero may himala.

Mga himalan na dapat papanagutin at pagbayaran ng mahal!

Imperfect crime. Maraming butas, may pinanggalingan ang mga papeles, nagkalat ang pruweba, iisa ang kumpas ng panahon, de numero ang galawan ng mga karakter, may direksyon ang mga bakas, lahat patungo sa sabwatang Pharmally at Palasyo.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]